Isinulat ni Tony La Viña; Isinalin sa Filipino ni Jayvy Gamboa
Original Article (Rappler); Bisaya Translation
Mayroong limang dahilan kung bakit sinusuportahan ko ang 1Sambayan, ang koalisyon ng mga pwersang nagsusulong ng prinsipyo ng demokrasya na inilunsad noong isang linggo sa Makati. Mayroon din akong apat na mungkahi para sa koalisyon upang maging mas epektibo ito at makamit nito ang layuning makapagbuo ng kapana-panalong unity slate para sa pambansang halalan sa 2022.
Ang mga personalidad at mga partido pulitikal
Una, nagtitiwala ako sa mga convenor nito. Sinundan ko ang mga career nina Justice Tony Carpio, Ombudsman Conchita Carpio Moralas, at Foreign Secretary Albert Del Rosario nang mahabang panahon at nakasisiguro ako sa kanilang pagkamakabayan, integridad, at mahusay na pamumuno.
Personal kong kilala sina Brother Armin Luistro, Fr. Albert Alejo SJ, Atty. Howie Calleja at Atty. Neri Colmenares, dating Commission on Audit Commissioner Heidi Mendoza, at Governor Lito Coscolluela. Sila ang pinakamagagaling na Pilipinong nakatrabaho ko iba’t ibang isyu nang maraming taon.
Alam ko rin ang kahanga-hangang gawain at reputasyon nina Admiral Rommel Jude Ong, Partido Manggagawa chair Renato Magtubo, at civil society leader Rickie Xavier.
Kung isang giyera man ito, sila ang mga taong pipiliin kong makasama sa laban. Pinagkakatiwalaan ko sila nang buo.
Ikalawa, gusto ko na bahagi ng koalisyon ang Bayan Muna at Magdalo. Ito mismo ay sapat na upang ipagdiwang. Bagamat inilalarawan ng marami ang dalawang ito bilang nasa magkabilang panig, at totoo ito sa ilang mga isyu, pareho ang batayang pinahahalagahan ng Bayan Muna at Magdalo. Pareho silang partidong makabayan. Parehong hindi maipagkakaila ang kanilang paglaban sa korapsyon. Pareho silang nakatuon sa pagtataguyod ng karapatang pantao at patuloy na naninindigan dito simula nang nanungkulan si Duterte.
Kailangan nating maipag-ugnay ang mga pagkakaiba ng ideolohiya at kasaysayan upang matagumpay na makapaggawa ng united front laban sa koalisyong Duterte. Ang pagsasama ng Bayan Muna (at tingin ko ay pati na rin ang Makabayan Bloc) at Magdalo ay ang patunay ng isang united front.
Marami rin akong mabubuting kaibigan sa mga grupong ito. Natutunan ko ng hangaan sina Senador Antonio Trillanes at dating Magdalo Representative Gary Alejao at Ashley Acedillo (isa sa mga pinakamagagaling na estudyante ko sa University of the Philippines College of Law). Noon pa man ay tinitingala ko na ang mga dating Bayan Muna Representative Colmenares, Satur Ocampo, at Teddy Casino, pati na rin ang pagiging tagasuporta ng mga kasalukuyang Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite, at Eufemia Cullamat.
Bagamat nagkakaiba ang mga prayoridad ng mga kinatawan ng Magdalo at Bayan Muna, sila ang pinakamatatapang at pinakamaprinsipyo sa ating mga mambabatas. Naiisip ko ang pagbabagong kaya nilang gawin kung sila ay magkasamang mamumuno.
Parehong disiplinado at may katapatan ang mga tagasuporta ng Bayan Muna at Magdalo. Naipakita na nila ang kanilang kakayahan upang mag-organisa at mag-mobilisa ng mga botante. Marami na silang naipanalong halalan.
Mga shared value
Ikatlo, gusto ko ang layunin at mga value ng 1Sambayan. Diretso ang layunin, kagaya ng pagkakasabi ni Justice Carpio: “We have discussed this, again and again, and this is the understanding of everybody: that unless we are united, we cannot win in 2022. We have the majority, but the majority will become a minority if they are divided. So we have to remain united, and that is the unifying force.”
Pinatitibay ito ni Colmenares, at sinasabi: “Many of us are here today precisely because we are unified first, that the issue of [the] 2022 elections, when another Duterte comes into power, will be substantially affecting our survival as a nation. And because that is what is at stake, many of us are here because we agree that we all want a united opposition to resoundingly defeat the forces of tyranny that has ruled this country in the last five years. For us, that is the main unifying point here.”
Malinaw din ang mga shared value, ayon kay Carpio: “We are a coalition of democratic forces. We reject those who are identified with authoritarianism. We reject those who are responsible for extrajudicial killings or who abet extrajudicial killings.”
Pragmatismo ng 1Sambayan
Ikaapat, gusto ko ang pragmatismo o pagiging praktikal ng bagong koalisyong ito. Gusto ko na malawak ang paunang listahan nito, kung saan kasama sina Pangalawang Pangulo Leni Robredo, mga Senador Nancy Binay at Grace Poe, Manila Mayor Isko Moreno, at Trillanes. Tingin ko, hindi dapat ito tingnan bilang saradong listahan, ngunit dapat pang palawakin upang makasama ang ibang potensyal na kandidatong pasok sa criteria o pamantayan nila. Siguradong isasama ko rito sina dating Pangalawang Pangulo Jejomar Binay, Governor Francis Escudero, at mga Senador Francis Pangilinan, Leila De Lima, at maging si Panfilo Lacson.
Para sa kaalaman ng lahat, sa ngayon ay may pagkiling akong suportahan sina Robredo at VP Binay, ang nauna dahil sa kanyang mahusay na paglilingkod sa Office of the Vice President nitong nakaraang apat na taon kahit na limitado ang kanyang resources, at ang nahuli dahil napatunayan na ni Jojo Binay na siya ay isang kampyon ng karapatang pantao, at kailangan natin ito ngayon.
Bukas din ako kina Grace Poe at Isko Moreno dahil sila marahil ang mga kandidatong kayang makakuha ng pinakamalawak na suporta mula sa mga rehiyong maraming boto tulad ng Metro Manila, Southern Tagalog, at Central Luzon (at isasama ko rin rito ang Pangasinan). Sa aking pananaw, malaki ang lamang ng koalisyong Duterte (na maaaring kasama ang alyansa ng mga Marcos) sa Mindanao at mga bahagi ng Visayas at posibleng pati na rin ang mga probinsya sa Ilocos, na tanging malakas na suporta para sa 1Sambayan mula sa Luzon lamang ang makatatapat. Maaaring magkaroon ng tabla sa Visayas kung saan lalamang ang koalisyong Duterte sa Central at Eastern Visayas samantalang ang oposisyon naman sa Western Visayas.
Bagamat ako ay may pagkiling, susunod ako sa resulta ng proseso ng 1Sambayan kung mabubuo nito ang slate ng mga kandidato nang may transparency at pagiging patas, at batay sa datos pati na rin sa mga posisyon at reputasyon ng mga kandidato.
Ikalima, gusto ko ang napapanahong paggalaw ng 1Sambayan. Ngayon ang tamang panahon upang gawin ito. Maaaring higit isang taon pa bago ang halalang 2022 ngunit wala na tayong oras na dapat sayangin upang matagumpay na makapag-organisa at masiguro ang pagkapanalo.
Sa aking pananaw, ang koalisyon ng oposisyon, kahit pa nagkakaisa ito, ay papasok sa halalan nang lubhang dehado laban sa mga kandidatong sinusuportahan ng administrasyon. Makatutulong ang maagang pagsisimula upang malagpasan ito.
Ang proseso ng pagkakaisa (o unification process) ay magiging matagal, masalimuot, at pawang mahirap. Maraming krisis ang haharapin upang mapagkaisa ang iba’t ibang grupo. Kung mas maagang masosolusyunan ng 1Sambayan ang mga hamon sa pagkakaisa, higit na lalaki ang pagkakataon nitong magtagumpay.
Mga mungkahi para sa 1Sambayan
Una, dapat palawakin ng 1Sambayan ang koalisyon nito ngayon at imbitahin ang iba pang progresibong grupo, tulad ng Akbayan at Laban ng Masa. Palakasin din dapat nito ang representasyon ng kababaihan, kabataan, at ng mga batayang sektor (mga manggagawa, magsasaka at mangingisda, mga katutubo, at urban poor).
Ikalawa, dapat palawakin ng 1Sambayan ang sakop nito sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at tumukoy ng mga champion mula sa mga rehiyon, lalo na mula sa Visayas at Mindanao. Unahin din nilang imbitahin ang mga pinuno ng Bangsamoro sa kanilang koalisyon. Bagamat lamang ang mga kandidatong sinusuportahan ni Duterte sa Mindanao, siguradong mababawasan ito nang malaki.
Ikatlo, dapat maghain ng isang unity platform. Hindi sapat ang pagtuligsa sa mga kakulangan ng pamahalaang Duterte – kahit na marami at malala ang mga ito.
Ang nagkakaisang oposisyon ay dapat magsulong ng positibong plataporma nito – paggiit ng integridad ng ating teritoryo laban sa pananakot ng China (ang pinakamabisang isyu para sa oposisyon), malinaw na plano upang maibangon ang ekonomiya mula sa pandemya, pananaw ng isang public health system na makasisigurong hindi na muling magdurusa ang ating mga kababayan (lalo na ang mahihirap) kagaya ng naranasan natin sa nakalipas na taon, epektibong mga programa upang harapin ang mga hamon ng lumalalang climate emergency, at landas patungo sa pangmatagalang kasunduan para sa kapayapaan na bibigyang solusyon ang mga social conflict mula noon hanggang ngayon.
Ikaapat, at huli, dapat manguna ang 1Sambayan sa paghulma ng pananaw ng publiko sa lalong madaling panahon. Dapat magtayo ito ng mga propesyunal at boluntaryong communications team, magbuo ng mga kapani-paniwala at kaantig-antig na mensaheng nakabatay sa katotohanan at mga shared value ng koalisyon, magtukoy ng mga champion nito, at manaig sa mga social media platform.
Ang nagkakaisang demokratikong koalisyon ay posible. Isa itong koalisyon ng mga mabubuti para sa kabutihan. Ngunit dapat itong paghirapan at pagsumikapan upang magtagumpay.
Visit this website to access the article.