Lipas na ang dura lex sed lex

Translated by Jayvy Gamboa

Original article (Rappler) with Jayvy Gamboa; Bisaya translation

Nangangarap ba tayo ng isang lipunang marahas, o isang lipunang makatarungan?

Marami sa ating mga kababayan ngayon ang kumakapit sa legal maxim (o legal na kasabihan) na dura lex sed lex, na kung isasalin ay “The law may be harsh, but such is the law (Marahas ang batas, ngunit ito ang batas),” sa tuwing makakaharap ang isang isyu na tungkol sa batas. Kakaunti lamang ang may alam sa atin na ito ay mas maikling bersyon ng isang higit na kumplikadong kasabihan: hoc quidem perquam durum est, sed ita lex scripta est o “This indeed is exceedingly hard, but so the law is written; such is the written or positive law (Totoong ito ay talagang napakahirap, ngunit ito ang nasusulat na batas).”

Bakit tila wala na tayong ibang itinataguyod kundi ang pagkamarahas?

Mula sa antigong Romano tungo sa pagiging moderno

Malayo ang mararating ng pagbabalik-aral ng legal history (o kasasaysayan ng batas) sa pag-unawa sa kahulugan ng kasabihang dura lex sed lex.

Mula sa sinaunang yugto ng lipunang Romano, tulad ng iba pang mga lipunan, iniuugnay ang batas sa divinity. Pinaniniwalaang ang mga batas ay nagmula mismo sa diyos o ‘di kaya ay mula sa isang taong pinili ng diyos. Natural lamang na kung ang isang batas ay pinaniniwalaang ipinadala mismo ng diyos, ito ay susundin ng lahat at ipatutupad batay sa kung ano mismo ang nasusulat. Sino ang maglalakas-loob na hindi sumunod? Ito marahil ay isang paraan kung paano ginamit noon ang dura lex sed lex.

Nakasalalay sa pagkakaiba sa batas Romano ng ius at lex ang isa pang perspektibo upang maunawaan ang kasabihang ito. Ang ius ay mga pamantayan, na gawa ng tao at hindi ng diyos, ng pakikipagkapwa-tao na namamahala sa relasyon ng mga tao, na nagpapakita ng malakas na ugnayan sa pagitan ng batas at katarungan, at itinuturing na “the art of good and reputable”. Sa kabilang dako, ang lex naman ay ang mga batas na ipinasa ng isang lupon na may kapangyarihang gumawa ng mga ito, tulad ng mga batas mula sa mga kapulungan, senado, at ng konstitusyon. Dapat maintindihan na ang mga prinsipyo ng ius o rightness (o katuwiran) ay hindi naikukulong lamang sa mga batas na naipapasa o lex. Ang ius ay palaging higit pa kaysa sa lex.

Dagdag pa rito, ang pagpapatupad ng lex ay kadalasang strikto (kaya nga, dura lex sed lex) at alinsunod sa nasusulat mismo sa batas, at walang pagsaalang-alang sa natatanging kalagayan ng bawat kaso; at batay sa purong pamantayang nakasulat. Hindi tulad ng lex, ang pagpapatupad naman ng ius ay nakikitang higit na naibabagay at naiaangkop sa kalagayan ng bawat kaso, at batay sa tunay na katuwiran. Ginagamit ang dura lex sed lex sa makikitid na konsepto ng legalidad – sinasabi na mismo ng kasabihan ang lex, at hindi sa isang mas malawak at tiyak na mas marangal na diwa ng katarungan at katuwiran o ius.

Sa wakas, dapat ding tingnan ang sosyo-pulitikal na konteksto ng imperyong Romano – kung saan nagmula ang kasabihan. Sa kahit na anong bahagi ng kasaysayan, mayroong mga tauhan at salik na palaging natatagpuan sa isang imperyo: ang emperador, ang maharlika, at ang walang katapusang banta. Sa pagpapasa at pagpapatupad ng mga batas ng mga maharlika, kasama na ang emperador, hindi kailanman naging totoo ang legal na kasabihan na dura lex sed lex. Naging totoo lamang ito para sa mga mahihirap, sa mga walang boses, at sa mga nasa laylayan ng lipunan; hindi kailanman para sa mga elite. Malinaw na ginamit ang batas upang mapatahimik ang mga tumutuligsa, mapuksa ang kaguluhan, at maparusahan ang mga nagkasala noon – lahat ito para sa pagnanais na maprotektahan ang imperyo. Dahil dito, naging kasangkapan ng oppression (o pang-aapi) ang dura lex sed lex.

Sa pagbaybay sa kasaysayan ng kasabihan, itinatanong natin ngayon kung dapat na lamang ba itong manatili sa sinaunang panahon. Nabubuhay pa ba tayo sa isang lipunang naniniwala na ang mga batas ay ipinadala mismo ng diyos, na hindi nakaaalam ng higit na mahahalagang konsepto ng katarugan at katuwiran, o na may pamahalaang hindi nagmumula ang kapangyarihan mula mismo sa mga taong nasasakupan nito?

Ang sagot ay isang umaalingawngaw na hindi. Walang lugar ang dura lex sed lex sa isang modernong lipunan – sa ating lipunan.

Paano tayo binubulag ng kasabihan

Nasaksihan kamakailan ng bansa at ng social media ang panawagan para sa makapangyarihang dura lex sed lex sa isang emperador – isang modernong emperador na pinananatili pa rin ang injustice (o kawalang-katarungan) ng kasabihan. Kagaya ng alam nating lahat, may mga pinsala ito.

Sa pagpapatupad ng protokol para sa quarantine, nakita natin ang tinatawag na mañanita ni NCRPO chief P/MGen. Debold Sinas, sa isang banda, at ang pambubugbog ng mga Quezon City enforcer sa isang lalaki para sa hinihinalang paglabag, sa kabila. Ipinatupad ang dura lex sed lex sa nahuli.

Sa pagpapasara ng ABS-CBN, nakita natin ang opinyong legal ni Justice Secretary Menardo Guevarra para sa pagpapalabas ng provisional authority na batay sa equity (o pagiging patas), sa isang banda, at ang pagtutol ng NTC na maglabas ng provisional authority dahil sa pagkapaso ng legislative franchise, sa kabila. Ipinatupad ang dura lex sed lex sa nahuli.

Sa bantang pagpatay, nakita natin ang malawak na utos ni Pangulong Duterte sa militar at kapulisan na patayin ang mga lumalabag sa quarantine, sa isang banda, at ang pagkakaaresto ng walang warrant sa isang batang guro para sa diumanong P50-M pabuya para sa taong makapapatay kay Duterte, sa kabila. Ipinatupad ang dura lex sed lex sa nahuli.

Ang isang opisyal ng kapulisan na madalas nating nakikita sa media ay si General Guillermo Eleazar. Nagpapakita siya sa telebisyon upang pagsabihan ang mga tao na sumunod sa mga tuntunin ng quarantine. Siya ay isang disente at masikap na opisyal, may takot sa Diyos at hindi tiwali ayon sa aming pagkakakilala sa kanya. Ngunit, imposibleng gawin at mapagtagumpayan ang misyong naiatas sa kanya. Hindi maaaring magpatuloy ang pulis sa pag-aresto sa mga taong lumabag sa quarantine dahil pinalalaki lamang nito ang panganib na magkaroon ng impeksyon ang kapulisan, ang mga naaresto, at ang kalakhang lipunan. At hindi na kapani-paniwala ang mga banta nila dahil nakita na ng sambayanan – sa party ni Sinas at ngayon sa paglipad ni Duterte patungong Davao – kung gaano kahipokrito ang pamahalaan.

Ang pinsala nito ay ang nawawalang tiwala ng taumbayan sa pagpapatupad ng batas at sa sistema ng katarungan, na maaaring hindi na maibabalik matapos nito.

Dapat manaig ang katuwiran at katarungan

Sa tuwing sinasabi natin ang dura lex sed lex, bumibigkas tayo ng pang-aapi.

Sa tuwing dumudulog tayo sa dura lex sed lex, nagtataguyod tayo ng kawalang-katarungan.

Sa tuwing iginigiit natin na maipatupad ang dura lex sed lex, nagiging mga Romano tayo – na may konsepto ng batas at katarungan na nakatali lamang sa kaginhawaan at pribilehiyo, na bumabalik ng daan-daang taon.

Higit sa lahat, tigilan na natin ang pagsusumamo sa sinaunang kasabihang ito.

Sa kasong Obiasca v. Basallote (G.R. No. 176707, February 17, 2010), pinalalawak at kasabay nito ay binibigyang linaw ng Korte Suprema ang legal na kasabihan: “When the law is clear, there is no other recourse but to apply it regardless of its perceived harshness. Dura lex sed lex. Nonetheless, the law should never be applied or interpreted to oppress one in order to favor another. As a court of law and of justice, this Court has the duty to adjudicate conflicting claims based not only on the cold provision of the law but also according to the higher principles of right and justice.

Sa pagpapatuloy, nararapat maintindihan ang batas bilang mga instrumentong naibabagay at naiaangkop – hindi nakataga sa bato – na ginagamit upang magbigay, hindi upang bumawi, ng katarungan sa kung sinuman ang nagnanais na maipatupad ito. Tandaan ang kabutihan na kayang gawin ng batas, kung nasa tamang kamay, tulad nang gamitin ito upang maprotektahan ang mga katutubo, ang karapatan ng kabataan para sa malusog na ekolohiya, at ang karapatan ng mga mamamahayag laban sa censorship. Huwag sana nating makalimutan na ang lex ay isa lamang manipestasyon ng kung ano ang totoong makatuwiran at makatarungan, ang ius.

Sa kasalukuyang lipunan, iginigiit namin na ang dura lex sed lex ay lubusan at walang pag-aalinlangang lipas na.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: