Pananampalataya bilang pasya at ugnayan

Mahalaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ang personal na ugnayan natin kay Hesus at ang pag-aninaw ng ating misyon. Mahalaga ang dalawang ito para masigurado na sinusundan natin ang plano ng Diyos para sa atin at para matupad natin ang layunin natin bilang mga saksi ng Ebanghelyo. Palaging idinidiin ng Katolisismo ang relasyon kay Kristo na nakaangkla sa Doktrina o sa mga sakramento na minsan ay nalilimutan na ang halaga ng personal na ugnayan kay Hesus.

Kaugnay nito, ayon sa pangalawang sermon ni Raniero Cantalamessa OFM Cap para sa Kuwaresma, mahalagang tingnan ang pananampalataya bilang personal na pasya at personal na ugnayan kay Hesus. Higit pa, idinidiin ni Cantalamessa ang kahalagahan ng laypeople o mga pangkaraniwang tao sa misyon ng Simbahang konektado sa Ebanghelyo. Mga pangkaraniwang tao ang may kakayahan na ibahagi ang personal na ugnayan at karanasan nila kay Hesus sa mga taong nakakasalamuha nila araw-araw. Sa pamamagitan nito, makakatulong sila sa pagbuo ng iba sa personal na ugnayan nila kay Hesus pati na sa pag-aninaw ng kagustuhan ni Hesus para sa kanila.

Sa isang sermon ni Pope Francis, binanggit niya ang halaga ng pag-alaga sa ating personal na ugnayan kay Hesus. Ayon sa Santo Papa, hindi lamang tayo tinatawag ng personal na ugnayan na ito para manampalataya, kundi tinatawag din tayo nitong magkaroon ng buhay na relasyon kay Hesukristo–isang klase ng ugnayan na babago sa ating buhay at huhulma sa ating pagkatao.

Ang pagkakaroon ng personal na ugnayan kay Hesus ay pagkilala sa kanya bilang kaibigan, pagmahal sa kanya bilang kapatid, at pagsunod sa kanya bilang Diyos. Ibig sabihin, kailangan nating buksan ang puso natin sa kanya at hayaan siya na pasukin ang pinakamalalalim na parte ng ating buhay. Kailangan din natin bigyan ng oras ang ugnayan natin sa pamamagitan ng pananalangin, pagbabasa ng Salita ng Diyos, at pagdalo sa mga sakramento, lalo na ang pagdiriwang ng Eukaristiya at kumpisal.

Sa pamamagitan ng relasyon natin kay Hesus, naiintindihan natin na hindi lamang Siya makasaysayang tauhan, nabubuhay at patuloy ang Kanyang presensiya sa ating buhay. Siya ang gumagabay sa atin, ang bumubuhay sa atin, ang nagbibigay-lakas sa atin upang sikapin ang ating pananampalataya. Pinupuno niya tayo ng ligaya at pag-asa sa gitna ng pagsubok at paghihirap.

Nakahanay ang bisyon ng Simbahan sa anyaya ni Pope Francis para sa “missionary transformation” na kinikilala ang papel ng mga pangkaraniwang tao na ibahagi ang Ebanghelyo. Idinidiin niya na tinatawag ang lahat ng Kristiyano na maging saksi ng Ebanghelyo, kabilang ang mga pangkaraniwang tao.

Para linangin ang ating personal na ugnayan kay Hesus at maaninaw ang Kanyang kagustuhan para sa atin, kailangan natin makaugalian ang panalangin at pagmumunimuni. Dapat din nating palalimin ang ating kaalaman tungkol sa salita ng Diyos at Kanyang mga aral. Nagiging mas handa tayo na makilala ang boses ng Diyos pati na ang Kanyang kagustuhan para sa atin sa pamamagitan nito.

Hindi lamang pagsunod sa mga tuntunin o Doktrina ang pagsunod kay Hesus. Habang mahalaga ito, hindi ito ang pangkabuuang layunin ng buhay-Kristiyano. Sa halip, ang layunin ay ang mapalalim ang ating personal na ugnayan kay Hesus, isang ugnayan at pagmamahal na hinihikayat tayong magbahagi rin sa iba ng pagmamahal.

Sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng Bibliya, at pananampalataya, lumalalim ang pag-intindi ng mga Kristiyano sa pagkatao ni Hesus pati na ng Kanyang mga ginawa para sa atin. Habang lumalalim ang ating ugnayan kay Hesus, nagiging mas kawangis natin Siya; nagiging mas mapagmahal, mabuti, at mahahabagin tayo. Hindi natin ito magagawa nang tayo lang; posible lamang ang pagbabagong ito dahil sa Banal na Espiritu.

Dagdag sa ating kakailanganang palalimin ang personal na ugnayan natin kay Hesus, tinatawag din ang lahat ng Kristiyano na ibahagi ang ugnayan na ito sa iba. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo, discipleship, at paglilingkod sa kapwa sa pangalan ni Hesus. Sa pagbabahagi ng Kristiyano sa pagmamahal at mensahe ni Hesus, lumalahok sila sa misyon Niyang hanapin at iligtas ang naliligaw. Sa huli, hindi lamang pagsunod sa tuntunin at Doktrina ang buhay-Kristiyano. Tungkol ito sa pagpapalalim ng ating personal na ugnayan kay Hesus. Sa pamamagitan nito, mas naiintindihan natin ang kagustuhan ng Diyos para sa atin at nagagawa natin ang misyon natin bilang saksi ng Ebanghelyo.

Makapangyarihang paalala tungkol sa mahahalagang elemento ng buhay-Kristiyano ang sermon ni Cantalamessa: personal na ugnayan kay Hesus at pag-aninaw ng ating misyon. Mahalaga ang gampanin ng pangkaraniwang tao sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo at pagtulong sa iba na palalimin ang kanilang personal na ugnayan kay Hesus. Sa pamamagitan ng regular na panalangin at pagmumunimuni, pagpapalalim ng ating kaalaman tungkol sa salita ng Diyos, at pagbabahagi sa iba ng personal na karanasan natin kay Kristo, mas maiintindihan natin ang kagustuhan ng Diyos para sa atin at makakatulong tayo sa pagtupad ng misyon bilang saksi ng Ebanghelyo.


Visit this link to access the original English version of the article.

Translated from English by Bernadine De Belen.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: