Noong Kuwaresma, nagpasya akong isuko ang social media at limitahan ang mga pagpupulong—mapa-personal o trabaho—upang maranasan ko ang 40 na araw at gabi ng pag-iisa.
Nanatili ako sa Sacred Heart Retreat Center sa mga huling araw ng Kuwaresma, kasama na ang Semana Santa. Matatagpuan ito sa Sacred Heart Novitiate (SHN) of the Society of Jesus sa Novaliches, Quezon City.
Matagal nang espesyal sa akin ang SHN, isang kanlungan ng kalikasan at debosyon sa lungsod. Dadaan ang MRT 7 dito dahil nakapagitna ang SHN sa Novaliches at sa bagong lungsod na San Juan Del Monte. Marami na akong naging retreat dito, kabilang ang 8-day retreats noong 1980 at 1982, ang 30-day retreat noong 2015, at ang 6-day retreat noong 2017. Ito ang pinupuntahan ko kapag gusto kong balikan ang First Principle and Foundation mula sa Spiritual Exercises ni Ignatius of Loyola:
“God created human beings to praise, reverence, and serve God, and by doing this, to save their souls. God created all other things on the face of the earth to help fulfill this purpose. From this it follows that we are to use the things of this world only to the extent that they help us to this end, and we ought to rid ourselves of the things of this world to the extent that they get in the way of this end.
For this it is necessary to make ourselves indifferent to all created things as much as we are able, so that we do not necessarily want health rather than sickness, riches rather than poverty, honor rather than dishonor, a long rather than a short life, and so in all the rest, so that we ultimately desire and choose only what is most conducive for us to the end for which God created us.”
(Nilikha ng Diyos ang mga tao upang ipagpugay at pagsilbihan ang Diyos, at sa pamamagitan nito, iligtas ang kanilang mga kaluluwa. Nilikha ng Diyos ang lahat ng nasa mundo upang tumulong sa layuning ito. Dapat nating gamitin ang mga nasa mundo para sa tunguhing ito lamang. At dapat nating iwasan ang mga bagay na magiging balakid sa tunguhing ito.
Dahil dito, importanteng matutuhan nating hindi masyadong bigyan ng halaga ang mga nakikita natin sa mundo–nang hindi natin naisin ang kalusugan kaysa karamdaman, kayamanan kaysa kahirapan, karangalan kaysa kahihiyan, mahaba kaysa maiksing buhay. Kung mapagtagumpayan natin ito, nanaisin at pipiliin natin ang kinakailangan upang makatulong sa tunguhin na inatas sa atin ng Diyos sa Kanyang paglikha sa atin.)
Sa pinakahuling retreat ko, kasama at kalakhan sa iniisip ko ang isang buong taong paglaban ko sa kanser. Hindi na lamang basta teorya ang mahaba laban sa maiksing buhay, ang kalusugan laban sa karamdaman.
Nagulat din ako sa aking natuklasan sa tulong ng aking spiritual director: 1) kahit na nakatutok ako sa aking misyon noon pa man, kasama pa rin sa nag-uudyok sa aking pagkilos ang kakailanganan ko ng papuri at pagmamahal; 2) hindi ko maramdaman ang buong pagmamahal sa akin ng Diyos dahil palagi akong nagmamadaling ibalik ang kabutihan sa iba, na ibahagi at ipahayag na mahalin ang kapwa kahit hindi ko pa binibigyan ang sarili ko nang sapat na panahon upang damahin ito.
Hindi man kapansin-pansin ang dalawang gawi kong ito dahil akala ko’y gumagawa ako nang mabuti, hinahadlangan pa rin pala nito ang relasyon ko sa Diyos.
Malinaw na biyaya ang aking kanser pati na ang aking near death experience. Hindi ko malalampasan ang aking pagkabulag kundi dahil sa aking karamdaman.
Kaya naman noong Paschal Triduum, dinama ko ang paghugas ni Hesus sa akin paa pati na ang kanyang paghihirap at pagkamatay para sa akin. Lumahok ako sa mga liturhiya kasama ang ibang nasa retreat at naging maganda ang aking karanasan.
Sa pamamagitan ng apatnapung araw ng pag-iisa na tinapos ko sa walong araw ng katahimikan at panalangin, kaya ko nang tanggapin nang buo at malaya ang pagmamahal ng Diyos at damahin ang dalisay na pag-ibig ni Hesus.
Wala akong kahibangan pagdating sa stage 4 prostate kanser ko. Nabubuhay ako ngayon sa three-month cycles; handa akong magbago ng direksyon at iwan ang mga kasalukuyan kong aktibidad. Sa katunayan, nasa proseso ako ng pagpapasimple ng aking buhay–binawasan ko ang aking pagtuturo at umuurong na ako sa maraming politikal na pagkilos.
Habang may dalawa pa akong climate justice projects, isang global at isa sa Mindanao, sinasanay ko ang isa kong kasamahan upang pangunahan sa hinaharap ang mga proyektong ito na mahalaga para sa ating planeta at sa mga tao.
May sakit din akong patuloy na nararamdaman ngunit inaalay ko ito sa Diyos at pinag-iisa ang aming paghihirap. Gaya ng sinasabi ng mga catechist sa Neocatechumenal Way, “embrace my cross because it enables me to love more”.
Dinadala ako nito sa muling pagkabuhay ni Hesus na ipinagdiwang ng lahat ng Kristiyano noong nakaraang Linggo.
Isang pagpapatibay ng matinding kapangyarihan ng Diyos ang pagdiriwang na ito, ang pinakamahalagang liturgical celebration para sa mga Kristiyano. Sinasabi nito na may kapangyarihan Siya kahit sa kamatayan.
Muling binuhay ng Diyos si Hesus, at ang paniniwala sa muling pagkabuhay ni Hesus ay paniniwala rin sa Diyos. Pinapatunayan ng muling-pagkabuhay na Anak ng Diyos at Messiah si Hesus gaya ng sinabi ng mga propeta.
Ang kaisipan noon, maaaring pinakamahalaga o walang halaga si Hesus. Ngunit sa Kanyang muling pagkabuhay, pinatunayan niya na anak nga Siya ng Diyos. Kung talagang muling nabuhay si Hesus, ibig sabihin ay malamang na totoo lahat ng sinabi at itinuro Niya noon.
Dahil sa muling pagkabuhay ni Hesus, maaari nating paniwalaan ang Kanyang pangako ng Espiritu Santo sa Kanyang mga taga-sunod. Sa Kanyang muling pagkabuhay, binibigyan niya ang mga Kristiyano ng pag-asa na maranasan ang buhay na walang hanggan.
Si Kristo ay nabuhay! Tunay nga, buhay ang Diyos!
Visit this link to access the original English version of this article.
Translated from English by Bernadine De Belen.