Kung paano mapagagaling ang ating pagkabulag

Sa Ebanghelyo, para sa ika-apat na Linggo ng Kuwaresma, nakilala ni Hesus ang isang bulag. Itinanong ng mga disipulo kung mga kasalanan niya o ng kanyang mga magulang ang dahilan ng kanyang pagkabulag. Ngunit tinanggihan ni Hesus ang ideya na ito. Para pagalingin ang bulag, nilagyan Niya ng putik ang mga mata nito at saka sinabing maghilamos ito sa paliguan ng Siloam.

Nakakitang muli ang bulag at namangha ang kanyang mga kapitbahay. Kinuwestiyon si Hesus ng mga pariseo dahil dito at pinuna ang Kanyang pagpapagaling sa araw ng Sabbath. Tinawag nila ang mga magulang ng bulag na nagpatotoong anak nila ito, ngunit hindi nila alam na magaling na ang anak.

Sinabi ng bulag sa mga pariseo na propeta si Hesus at hindi Siya makakagawa ng mga milagro kung hindi Siya mula sa Diyos. Pinaalis ng mga pariseo sa sinagoga ang bulag. Hinanap ni Hesus ang bulag at sinabing Siya’y Anak ng Tao, at sinamba Siya ng bulag. Sinabi ni Hesus na nandito Siya upang pagalingin ang mga bulag at magdala ng paghuhukom sa mga nagsasabing nakakakita sila ngunit nananatiling makasalanan.

Naniwala ang bulag kay Hesus at sa Kanyang kakayahang magpagaling kaya siya nakatanggap ng milagro. Dahil sa parehas ni ideya, hindi naniwala ang mga pariseo kay Hesus kaya hindi nila nakita ang katotohanan at kapangyarihan ng Kanyang mensahe, at nanatili silang bulag.

Idinidiin ng Ebanghelyo ang kapangyarihan ni Hesus na makapagpagaling at magbigay-paningin sa mga bulag, mapa-pisikal o espiritwal.

Hindi lamang pagpapakita ng kapangyarihan ni Hesus ang Kanyang pagpapagaling kundi simbolo rin ng ng Kanyang kakayahan na magbigay ng espiritwal na paningin sa mga bulag sa katotohanan.

Nagpakita ng pananampalataya at pagsunod ang bulag kay Hesus sa kanyang paghilamos sa paliguan ng Siloam, at ang kanyang paggaling ay resulta ng pagtitiwala at pagsunod kay Hesus. Lalo pang lumalim ang pananampalataya niya sa kanyang paglaban sa mga pariseo na mga pinuno ng relihiyon.

Ipinapakita rin ng kuwento ang naging tunggalian ni Hesus at ng mga pinunong panrelihiyon noon. Pinagdudahan ng mga pariseo si Hesus at inakusahan Siya bilang makasalanan. Makikita sa tunggalian na ito ang pagtanggi noon ng mga pinunong panrelihiyon sa mensahe ni Hesus at Kanyang mga milagro.

Hindi lamang pinapagaling ni Hesus ang mga ipinanganak na bulag, pinagagaling din niya ang espiritwal na pagkabulag ng mga naging saksi sa milagro. Ngunit sa kabila ng ebidensya ng kapangyarihan ni Hesus, nanatiling bulag ang mga pariseo dahil sa kanilang pagmamataas. Tinanggihan pa rin nilang kilalanin si Hesus bilang Mesias.

Noong panahon ni Kristo, tinitingnan ang mga may karamdaman bilang pabigat sa lipunan. Marami sa kanila ay iniwan ng kanilang mga pamilya at kinailangang manlimos ng pagkain at pera. Mababa ang tingin sa kanila ng lahat at itinuring silang pinakamababa sa lipunan dahil wala silang yaman at kapangyarihan.

Ngunit natatangi si Hesus. Nakita Niya ang pinakamababa at pinakamaliit sa atin gaya ng bulag kahit na inaasahan Siyang bigyang-pansin lamang ang mayaman at makapangyarihan. Ayon sa Ebanghelyo, habang naglalakad si Hesus ay napansin Niya ang bulag. Nangyari ito kahit na tumatakbo Siya mula sa grupo ng tao na nais Siyang patayin.

Bilang mga Kristiyano, makahahanap tayo ng kapayapaan sa kaalaman na kahit sino pa tayo, nakikita tayo ng Diyos at nagmamalasakit Siya sa atin. Sinasabi ng Bibliya na walang mayang namamatay nang hindi alam ng Diyos. Sa katunayan, alam niya kung ilang hibla ng buhok ang mayroon sa ating mga ulo. Dahil dito, dapat maging panatag tayo na tinatawag tayo ng Diyos na maging mas malapit sa Kanya. Desisyon na natin kung tutugon tayo sa tawag na ito at dadanasin ang Kanyang pagmamahal at malasakit.

Naging oportunidad para kay Hesus na ipakita ang kapangyarihan ng Diyos ang pagpapagaling sa bulag. Kapag pinagkakatiwalaan natin si Hesus sa halip na isipin ang mga nawala sa atin, ginagamit Niya ang mga paghihirap natin bilang paraan upang pagpalain tayo at gawin tayong saksi ng pananampalataya para sa iba.

Hindi nakita ng mga disipulo ang potensyal ng sitwasyon. Isang nanlilimos na bulag lang ang nakita nila. Ngunit sila ang bulag. Sa maraming paraan, kagaya tayo ng mga disipulo. Bulag din tayo sa mga pagkakataong nakatanim sa ating mga paghihirap. Ngunit kung pagkakatiwalaan natin ang Diyos at ang Kanyang kapangyarihan, magagamit Niya ang ating paghihirap upang bigyan tayo ng biyaya at pagbabago. Magiging saksi tayo ng pananampalataya sa iba at maaari nating ipakita na kaya ng kapangyarihan ng Diyos na baliktarin ang ating paghihirap at gawin itong oportunidad ng paglago.

Bulag tayong lahat. Ngunit kaya tayong pagalingin ng ating pananampalataya.


Translated from English by Bernadine de Belen.

Visit this link to access the original article.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: