Isinulat ni Tony La Viña. Isinalin sa Filipino ni Jayvy Gamboa
Sa ika-26 na pagkakataon, nagtipon ang mga Party ng United Nations Framework Convention on Climate Change para sa taunang Conference of the Parties sa Glasgow, Scotland. Dapat ay noong isang taon isinagawa ang COP 26 ngunit ipinagpaliban ito buhat ng pandemya.
Ngayon ay nasa 200 na kasapi, libu-libong pandaigdigan at pambansang pinuno, mga diplomat at opisyal ng pamahalaan, at mga kinatawan ng mga nagsasangguning grupo – mula sa mga katutubo, kabataan, organisasyong pangkalikasan, samahang pangkaunlaran, kababaihan, taong may kapansanan, mga organisasyong pang-industriya, pang-negosyo, mga siyentipiko at akademikong organisasyon, mga lokal na pamahalaan, at iba pa – ang nagsamasama upang tugunan ang pandaigdigang krisis sa klima.
Hindi ako nagpunta sa Glasgow, ang unang beses na hindi ako nakadalo sa COP sa loob ng 12 na taon at isa sa lima na hindi ko nasalihan mula sa 26. Subalit ang Manila Observatory, kung saan kasalukuyan akong Associate Director for Climate Policy and International Relations, ay nagpadala ng apat na kinatawan sa pagpupulong. Aktibong miyembro kami ng Allied for Climate Transformation by 2025 (ACT2025), isang consortium ng mga stakeholder upang magtalakay, magtukoy, at maggabay patungo sa ambisosyong hangarin sa mga UN climate negotiation katulad ng matagumpay naming nagawa sa Glasgow.
Sa loob ng dalawang linggo, nagpahayag ng mga talumpati, nagsagawa ng mga pangako, at nakipagpalitan ng mga ideya kung paano makasusulong, habang nagmartsa naman sa kalsada ng Glasgow ang mga kabataang nagpoprotesta. Sa pagtatapos ng dalawang linggo, mayroon tayong kinahinatnan – ang Glasgow Climate Pact.
Nais kong linawin. Dismayado ako sa kinahinatnan ng Glasgow. Hindi ito naging sakuna, tulad ng pagpupulong sa Copenhagen noong 2009 kung saan naging negosyador ako para sa Pilipinas. Subalit ang kinahinatnan, maliban sa iilang magagandang panalo, ay bare minimum lamang at hindi ang maximum ng maaari sanang makamtan.
Dagdag pa rito, nagkaroon din tayo ng sapat na panalo nang, sa pagtatapos ng Glasgow, ang mga may puso para sa tao at sa mundo ay hindi nagpatalo. Ang kasunduang bumalik sa susunod na taon na may mas matitibay na pangako upang mabawasan ang mga emission ay isang bagay na dapat nating subaybayan mula sa mga pamahalaan.
Nakuntento rin ako sa ipinakita ng delegasyon ng Pilipinas sa Glasgow. Nagpahayag ng matapang na country statement si Finance Secretary Carlos Dominguez, na nangangakong magiging pinuno sa klima dahil sa ating vulnerability sa climate change. Nagbigay din ng malalakas na pahayag ang ating mga negosyador – lalo na sina Director Albert Magalang at Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella – sa mahahalagang bahagi ng negosasyon.
Ang pinakamalaking pagkadismaya ay ang mga desisyon sa climate finance, adaptation, at sa pagbuo ng loss and damage facility. Muli, ipinagpabukas na naman ang mga isyung ito, ngunit mula sa natunghayan ngayon, maaari nating matunghayan ang magandang resulta sa susunod na mga taon. Hindi katulad ng Green Climate Fund (GCF) na nagtagal ng 16 na COP upang maitatag, nakikita ko na magkakaroon na tayo ng loss and damage facility sa loob lamang ng iilang taon.
Kaugnay nito, nagpapasalamat kami sa isang abogadong Pilipino, si Vice Yu, sa kanyang pangunguna sa hakbang na ito para sa mga developing na bansa. Tulad ng namayapang Bernaditas Muller, ang impluwensyal na Pilipinong negosyador na namuno sa pagkakatatag ng GCF, naging susi din si Vice upang marating ang pagpapatakbo ng Santiago Network na naglalayong bumuo ng teknikal na kasanayan sa pagharap sa loss and damage. Bilang isa sa mga nauna niyang mentor mula sa kanyang mga araw sa UP Law at bilang isang kasamahan sa Legal Rights and Natural Resources Center at sa mga delegasyon ng Pilipinas para sa climate change nang maraming taon, nagpapasalamat ako sa kanyang mga ginawa. Umaasa ako na sana ay kilalanin ito ng pamahalaan ng Pilipinas at imbitahin si Vice at iba pang mga eksperto mula sa civil society upang tulungan sila sa mga negosasyon sa hinaharap.
Hindi katulad ng iba, hindi ako gaanong nababahala na ang mga katagang “phase-out” ng coal power ay napalitan ng “phasedown” sapagkat talaga namang hakbang ang phasedown upang marating ang phase-out. Ang pagkakasama pa lamang ng mga subsidy para sa coal at fossil fuel at paglalayon para sa pagka-phase-out nito sa pinakaunang pagkakataon sa isang kasunduan ng 200 na bansa ay malaking panalo na mismo.
Ipinapahayag din ng kasunduan ang mga sumusunod “the development, deployment and dissemination of technologies, and the adoption of policies, to transition towards low-emission energy systems, including by rapidly scaling up the deployment of clean power generation and energy efficiency measures”, “accelerating efforts towards the phasedown of unabated coal power and phase-out of inefficient fossil fuel subsidies”, at “providing targeted support to the poorest and most vulnerable in line with national circumstances and recognizing the need for support towards a just transition.”
Ang isa pang panalo sa Glasgow ay ang pagkakapasok ng tema ng just transition sa karamihan ng mga talakayan. Malinaw ito sa preamble ng Glasgow Climate Pact, na nagsama ng probisyong ito: “Recognizes the need to ensure just transitions that promote sustainable development and eradication of poverty, and the creation of decent work and quality jobs, including through making financial flows consistent with a pathway towards low greenhouse gas emission and climate-resilient development, including through deployment and transfer of technology, and provision of support to developing country Parties.”
Sa susunod na bahagi, ipapakita ko naman ang iba pang pagkapanalo at imumungkahi ko ang mga konkretong aksyon upang magkaroon ng higit na magandang resulta ang pagpupulong sa Egypt sa susunod na taon.
Visit this link to access the article.
Leave a comment