Kaya bang manalo ng oposisyon sa 2022?

Isinulat ni Tony La Viña. Isinalin sa Filipino ni Jayvy Gamboa.

Original; Bisaya

Si Bise-Presidente Leni Robredo ang naging mukha ng oposisyon sa kahabaan ng rehimeng Duterte. Sa kabila ng protesta na sumubok sa kanyang mandato nang limang mahahabang taon—na kalaunan ay unanimous na niresolba ng Korte Suprema pabor sa kanya—pati na rin ang sadyang hindi pagsama sa kanya mula sa pagtugon ng nasyonal na pamahalaan sa COVID-19—na alam nating lahat na mas napabuti sana kung siya ay sangkot—hindi siya tumigil at patuloy na nagbigay ng kanyang buong makakaya na may dalisay na hangarin ng serbisyo publiko.

Para sa akin, kung magdesisyon si VP Robredo na tumakbo, susuportahan ko siya nang buo. Ayon sa kanyang kakayahan at personal na katangian, na nakita ko na ng malapitan, siya ang pinakakwalipikado na maging pangulo. Handa na rin ang kanyang mga kawani sa Office of the Vice President na pamunuan ang ating bansa kahit ano mang oras.

Hangganan ng suporta para kay Robredo

Dahil dito, naniniwala ako na nagtatanong si Robredo ng tamang tanong para sa kanyang pagdedesisyon kung ano ang dapat niyang gawin: magdudulot ba ang kanyang kandidatura sa kahihinatnan na pinakainiiwasan niya: ang pagkawagi ni Sara Duterte o ni Bong Go? Kung ang kanyang mga numero ngayon ay malapit na sa hangganan ng mga boto na maaari niyang makuha, na madaling malaman sa pamamagitan ng poll na kinumisyon ng kanyang mga tagasuporta, may makatotohanan bang landas ng tagumpay para sa kanya?

Ang realidad ay hindi katulad noong 2016, kilalang kilala na ngayon si Robredo, at ang kanyang kakayahan na makapagpabago ng boto ay limitado na. Hindi na rin siya makakukuha ng suporta mula sa administrasyong Aquino at Liberal Party, na kagaya noong 2016, kung saan naungusan niya sina Bongbong Marcos at Chiz Escudero sa nalalabing linggo ng kampanya.

Lubusang sinusuportahan ni dating Senador Trillanes ang napipintong kandidatura ni Robredo. Naging bukas siya sa pagbuo ng nagkakaisang oposisyon o unified opposition laban kay Duterte at sa kung sino man ang mabasbasan niya upang sumunod sa kanya. Kaya naman, binalaan niya si Robredo sa pakikipagpulong sa mga personalidad na kinilala niya bilang mga “Duterte-enabler”, noong nabalitang nakipagkita si Robredo sa Lacson-Sotto tandem at kay Senador Gordon. Bagamat nirerespeto ko si Trillanes, sinusuportahan ko pa rin ang desisyon ni Robredo sa pagiging bukas upang makamit ang layuning makapagpalawak ng alyansang anti-Duterte. Totoo pa rin ang mga kasabihang ito: “Politics is addition.” “There are no permanent allies and enmities but permanent interests.” “The enemy of your enemy is your friend.

Ang desisyon ni Robredo na hindi tumakbo ay nangangailangan ng higit na tapang kaysa sa pagpiling tumakbo. Hindi ito dahil isinusuko niya ang isang ambisyon, bagkus siya naman ay naghahangad lamang ng serbisyo publiko. Subalit madidismaya niya ang marami sa kanyang mga solidong tagasuporta na naniniwalang siya lamang ang natatanging karapat-dapat para sa kanilang suporta sa 2022. Mula sa aking mga pakikipanayam sa mga tagasuportang ito, hindi sila handang suportahan ang sino man, at dapat din itong pag-isipang mabuti ni Robredo.

Ang pagpiling tumakbo syempre ay magdudulot ng higit na personal na sakripisyo, kasama na rito ang pagharap sa mga pag-atake sa kanyang pamilya, ngunit ipinakita na ni Robredo na hindi siya matitinag ng panggigipit tulad nito. Higit pa sa kahit ano, ang bunga ng kanyang kandidatura – ang posibleng pagkapanalo muli ng mga Duterte – ang pinakatinitimbang niya.

Kasama ba sa pagpipilian ng oposisyon si Isko Moreno?

Sina Manila Mayor Isko Moreno at Senador Pacquiao ang may pinakamakabagbag-damdamin na kwento sa lahat ng mga napipisil na kandidato sa 2022. Pareho silang nagmula sa hirap, personal na nakaranas ng kawalang katarungan, kahirapan, gutom, at pang-aabuso ng makapangyarihan. Sila ang unang kandidato sa pagka-pangulo na nagmula sa pinakamahihirap na Pilipino (si Isko mula sa urban poor, si Manny mula sa rural poor) na may mabuting pagkakataong manalo. Dahil lamang dito, dapat seryosohin ang kanilang mga kandidatura.

Tuluyang sumikat si Moreno sa pagkawagi niya sa pamamagitan ng isang landslide laban kay dating Pangulo at noong nakaupong alkalde ng Maynila Erap Estrada. Bihasa siya sa pagmane-obra ng social media, na magiging pinakamahalaga at pinakaepektibong paraan ng pangangampanya sa halalan 2022. Ang kanyang mala-teatrong pamumuno, kumakalat na video ng kanyang mga talumpati sa social media, at ang kanyang pag-ahon sa Maynila mula sa pagkalugmok nito sa loob lamang dalawang taon (na ang isang taon ay tinamaan pa ng pandemya) ay umani ng paghanga ng taumbayan. Tingin ko rin na ang kanyang pananaw sa pagbabakuna, lapatan lamang ng mas maayos na pangangasiwa ng paggalaw ng tao, ay ang pinakamabilis na maglalabas sa atin sa pandemya.

Ang pinakabagong hakbang ni Moreno ay ang pagsali sa Aksyon Demokratiko, ang partidong itinatag ni dating Senador Raul Roco at ang pinakasikat na miyembro ngayon ay si Pasig Mayor Vico Sotto. Malinaw na senyales ito ng klase ng kampanyang isasagawa niya – prinsipyado, nakasentro sa layunin, at nakaayon sa isyu. Sa pagsali niya sa AD, iniwan niya ang mas tradisyunal na partido, ang National Unity Party, na kilalang malapit sa isa sa pinakamayayamang negosyante sa bansa.


May usap-usapan na aanyayahan ni Moreno si Senador Grace Poe upang maging kanyang kandidato sa pagka-bise-presidente. May laban ang tandem na ito. Sa pagitan nilang dalawa, sina Moreno at Poe ay may suportang 20%, ayon sa pinakabagong survey. Nakikita ko na may pagkakapareho ang mga tagasuporta nina Moreno at Poe at kaya nilang magpalit ng suporta maalin man sa dalawang kandidato. Hindi ito pareho kung tatakbong bise ni Robredo si Moreno o Poe, kung saan ang popular na suporta ng dalawa ay hindi awtomatikong maililipat kay Robredo at baka sakali pang mapunta sa ibang populist na kandidato tulad nina Pacquiao o Sara Duterte. Ang aking fearless forecast ay tatakbo sa pagka-pangulo si Mayor Moreno at makapagsasagawa ng matibay at pinansiyadong kampanya. Kung wala lamang pandemya, sasabihin ko pang mananalo siya, sapagkat siya ang pinakamagaling mangampanyang nakita ko mula pa noong panahon nina Ninoy Aquino at Ferdinand Marcos, at ‘di hamak na mas magaling kay Digong Duterte, dahil sa kanyang kakayahang makapag-ugnay sa mas batang botante. Subalit maaaring limitahan ng pandemya ang direktang paglapit sa mga tao at makapagpapalaki ng impluwensya ng mga lokal na makinarya. Dapat mahanapan ng paraan ng kampanya ni Moreno ang mga limitasyong ito, at ito marahil ay sa pamamagitan ng social media.

Ang halalan bilang bagong simula para sa bansa

Ano man ang kahihinatnan ng halalan 2022, kailangan nating siguruhin na tayo ay may positibong agenda para sa kinabukasan. Bukod sa paghalal ng mga tamang kandidato sa pinakamatataas na posisyon sa bansa, ang pagbalangkas ng malinaw na plataporma ng mga isyu ay isang paraan din upang maliwanagan sa kaguluhan ng pulitika ngayon. Ang isang positibong agenda ay makapagtuturo rin sa atin kung sino sa mga kandidato ang magtutulak sa mga isyung ito nang hindi sa mababaw na paraan.

Paglabas mula sa pandemya: Hindi maipagkakaila na malaki ang kakulangan ng administrasyong Duterte sa istratehiya dito. Dapat maging handa ang susunod na administrasyon na sundan kung ano man ang mga napagtagumpayan at mabilisang makapagpatupad ng mga mas mahuhusay at aktibong sistema upang masiguro ang mas ligtas na Pilipinas. Mas maraming test, dobleng – kung hindi tripleng – bilis ng pagbabakuna, at ayudang nakasentro sa taumbayan at komunidad.

Climate justice: Dapat itatag ng Pilipinas ang papel nito bilang aktibong aktor sa pandaigdigang larangan sa pagtutulak ng agenda para sa climate justice at sa pagpapatupad ng nasabing agenda sa buong bansa at sa mga lokalidad. Sa mga susunod na linggo, makakakita tayo ng pagdagsa ng mga siyentipikong ulat na magpapakita ng lawak ng climate emergency na hinaharap natin.

Peace process: Sa Mindanao, dapat tuluyang suportahan ang Bangsamoro transition na isinasaalang-alang ang interes ng mga Bangsamoro; sa communist insurgency, dapat simulan muli ang negosasyon, na ngayon ay higit na mapanghamon dahil sa mapang-hating gampanin ng NTF-ELCAC at pangre-red-tag laban sa maraming lehitimong organisasyon.

Karapatang pantao: Dapat mapanagot ang mga paglabag sa karapatang pantaong nangyari sa kasalukuyang administrasyon, lalo na sa kampanya nito laban sa iligal na droga, habang kasabay ang muling pagbubuo ng estado ng karapatang pantao sa pambansang kaisipan.

Panlipunang hindi pagkakapantay-pantay: Dapat bumuo ng mga sadyang programa para sa mga marhinalisadong sektor tulad ng urban at rural poor, kabataan, kababaihan, magsasaka at mangingisda, migrante, at mga katutubo.

Edukasyon: Isiniwalat ng pandemya ang mga seryosong problemang kinahaharap ng ating sistemang pang-edukasyon. Bukod sa pagpilit sa mga mag-aaral na sumabay na lamang, dapat magkaroon ng radikal na reporma sa sektor na ito, lalo na sa mga paaralan sa mga mahihirap na rural at urban na komunidad. Ang mga inisyatibo tulad ng mga paaralang Lumad na hinahamak ng pamahalaang Duterte ay dapat nating suportahan.

Tsina: Dapat maipatupad ng bagong Pangulo ang lahat ng legal na karapatan ng bansa sa West Philippine Sea at hindi magtago sa likod ng defeatist attitude kapag pambansang soberenya na ang nakataya.

Palaging nagbubukas ang halalan ng bagong simula. Dapat nating hikayatin sino man ang magwawagi sa halalan 2022 na ilagay sa higit na maayos na landas ang bansa at palayo sa sakunang kinalalagyan nito ngayon.


Visit this website to access the article.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: