Isinulat ni Tony La Viña. Isinalin sa Filipino ni Jayvy Gamboa.
Kagaya noong mga nakalipas na halalan, iniimbitahan ako ng iba-ibang mga organisasyon upang magbahagi ng aking pananaw sa kung ano ang totoong mahalaga, at ng pagtingin lagpas sa lahat ng ingay at kaguluhan na maaaring magpalabo ng ating pananaw bilang isang bansa. Ito ay isang patuloy na gawain habang nakikita natin ang kasabay na paggalaw sa pulitika. Sa ika-18 ng Agosto, ibabahagi ko sa briefing ng Ateneo Eagle Watch ang mas kumpletong bersyon ng framework na ginagamit ko.
Ang framework na ito, na makapagbibigay sa mga mamamayan ng hakbangin upang maunawaan ang kaguluhan sa ating pulitika, ay nakabatay sa tatlong pangunahing haligi. Una, kailangan nating siguruhin na tayo ay may kampanya at halalang ligtas mula sa COVID na makapagpapahintulot pa rin ng pinakamalawak na pakikilahok. Ikalawa, kailangan nating siguruhin na tayo ay may mabuting pagpipilian sa 2022 para sa lahat ng posisyon, mula nasyonal hanggang lokal. Ikatlo, kailangan nating siguruhin na tayo ay may positibong agenda na maaaring ipatupad matapos ang halalan.
Ligtas na halalan na may pinakamalawak na pakikilahok
Dapat siguruhin ng Pilipinas na tayo ay may kampanya at halalang ligtas mula sa COVID na makapagpapahintulot pa rin ng pinakamalawak na pakikilahok. Naniniwala ako na tayo, bilang isang bansa, ay dapat magtulak para sa pagpapatuloy ng halalan ayon sa ipinag-uutos ng Saligang Batas. Subalit, hindi dapat isantabi ang panganib na maging super spreader ang buong prosesong elektoral, mula sa pangangampanya hanggang sa mismong pagboto. Ang kaligtasan ng bawat aktor pang-halalan ay nakataya: mga botante, mga opisyal at kawani ng halalan, mga volunteer ng mga partido, at maging mga kandidato mismo.
Sa positibong banda, maaaring pag-aralan ang mga panganib na ito upang magbigay-alam sa mga desisyong pampulisiya ukol sa nararapat na pagtugon dito. Ito mismo ang sinimulan sa policy note na inilunsad ng Project Participate, isang non-partisan, non-profit na pagkilos na naglalayon ng higit na makabuluhang pulitikal na pakikilahok ng mga Pilipino, na pinangungunahan ng Ateneo School of Government (ASOG). Tiningnan ng pag-aaral ang pandaigdigang karanasan, kagaya ng sa US at Indonesia, pati na rin ang lokal na karanasan sa pagdaraos ng plebisito sa Palawan noong unang bahagi ng 2021. Sinabi rin ng pag-aaral na mangangailangan ang Commission on Elections (Comelec) ng P10 bilyong karadagdang pondo upang magawang “COVID-proof” ang halalan sa Mayo 2022.
Kapansin-pansin din na nagpatupad ang Comelec ng mga bagong alternatibo para sa pagpaparehistro ng mga botante, tulad ng mobile registration app. Bunsod ng aktibong kampanya sa pagpaparehistro, mayroon na ngayong 5.4 milyong bagong rehistrong botante. Subalit, inaasahan natin ang pagbagal sa mga last-minute na pagpaparehistro dahil sa pagdedeklara ng ECQ. Dagdag pa rito, parating pa lamang ang rurok ng election season, lalo na sa pagdating ng panahon ng pangangampanya at ng mismong araw ng pagboto. Nawa ay makakita tayo ng progresibong pagbabago sa mga tuntunin upang maging tugma sa realidad na ihinaharap ng pandemya ngayon na may layunin na pinakamalawak na pakikilahok ng mga mamamayan at voter turnout.
Ang ating mga pagpipilian sa 2022
Dapat siguruhin ng bansa na tayo ay may mabuting pagpipilian sa 2022 para sa lahat ng posisyon, mula nasyonal hanggang lokal. Maaari nating maunawaan ang ating mga pagpipilian sa 2022 sa pagtingin sa mga sumusunod na political block: ang koalisyong Duterte (administrasyon), ang oposisyon, at iyong mga nagsasabing nasa gitna.
Ang koalisyong Duterte
Si Sara Duterte, ang anak ng Pangulo at kasalukuyang alkalde ng Davao City, ay ang pangunahing panlaban ng koalisyon sa pagka-pangulo. Bagamat hindi pa niya kinukumpirma ang pagtakbo niya, tila ipinapakita ng kanyang mga pakikipag-usap sa mga prominenteng pulitiko tulad ng mga Marcos at mga Arroyo, mga courtesy call sa iba-ibang lokal na opisyal, at mga nakabinbing alyansa sa pagitan ng kanyang partido na Hugpong ng Pagbabago (HNP) at ng ibang mga nasyonal at lokal na partido.
Para naman sa kanyang katuwang sa pagtakbo, posible nating makita ang kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagka-bise-presidente, sa kabila ng pagtutol ng nakatatandang Duterte sa pagtakbo ng kanyang anak. Parehong kaalyado ni GMA, nakaantabay din sina dating Secretary of Defense Gilbert Teodoro at House Majority Floor Leader Martin Romualdez.
Para sa akin, kung pipiliin ni Sara Duterte si Teodoro, ieendorso at susuportahan ko si Teodoro. Kilala ko na siya nang higit 30 taon at alam ko ang kanyang kakayahan bilang isang opisyal ng pamahalaan. Kwalipikado siya upang maging pangulo – na natatanging kwalipikasyon naman sa pagka-bise-presidente.
Bukambibig na rin ni Pangulong Duterte si Senador Bong Go, na walang palya ang presensya sa lahat ng mga COVID-19 briefing sa Malakanyang, na posibleng tumakbo sa pagka-pangulo. Nagtagumpay si Go na mapalawak ang kanyang pulitikal na kapital sa panahon ng pandemya bilang Chair ng Senate Committee on Health at bilang pinakapinagkakatiwalaang aide ni Pangulong Duterte. Maaari rin nating makita ang Go-Duterte tandem sa 2022, kung ipagpapatuloy ng PDP-Laban ang plano nitong pag-endorso sa dalawa bilang mga standard bearer ng partido.
Inaasahan ko na sa huli, tulad ng kahit sinong political dynasty sa Pilipinas, ay pagpapasyahan ng mga Duterte ang isyu sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, at makikita natin kalaunan kung ito ba ay hahantong sa Go-Duterte, Duterte-Duterte, o Duterte-Romualdez/Teodoro.
Pagkakawatak-watak ng koalisyong Duterte
Mahalagang bahagi ng koalisyon ang mga Marcos. Sa kabila ng kanyang pagkatalo sa halalan at sa protesta laban kay Bise-Presidente Leni Robredo, umaasa pa rin si dating Senador Bongbong Marcos para sa kanyang karera sa pulitika. Hindi maikakaila na gusto niyang maibalik ang kanyang pamilya sa Malakanyang. Subalit, inaabangan pa natin ang lugar niya sa dinudumog nang listahan ng mga Duterte. Sigurado, kung makahahanap ng paraan ang mga Duterte at mga Marcos upang maipagsama ang kanilang pwersa, makukuha nila ang malaking boto ng Mindanao at Ilocos.
Si Senador at boxing legend Manny Pacquiao ay nananatili pa rin sa koalisyong Duterte sa ngayon. Noong mga nakaraang buwan, nakita natin ang pagsubok ni Pacquiao na isiwalat ang mga kontrobersiya sa katiwalian sa ilalim ng administrasyong Duterte, na kalaunan ay “nabiyayaan” ng pagpapatalsik sa kanya bilang pangulo ng PDP-Laban. Kung ito man ay sapat upang mapatahimik si Pacquiao o ‘di kaya ay magtulak kay Pacquiao upang patuloy na dumistansya mula sa mga Duterte ay makikita matapos ang kanyang laban sa boksing sa katapusan ng Agosto. Hinala ko na hihiwalay siya sa koalisyong Duterte at makapagpapatakbo ng mahusay na kampanya na magmumula sa popularidad ng ating mga atleta, gaya ng masigabong pagsuportang nakuha ng ating mga atleta sa Tokyo Olympics. Isipin ang pagbabalik ng isang kampyon na Pacquiao at kung ano ang maaari nitong magawa sa kanyang kandidatura, lalo na sa Mindanao kung saan mahahati niya ang suporta sa mga Duterte.
Namayagpag din ang mga Cayetano at mga Villar ng partido Nacionalista sa administrasyong Duterte, kaya naman walang saysay kung sila ay hihiwalay sa kasalukuyang administrasyon. Si Alan Peter Cayetano ay naging katambal ni Duterte noong 2016, naging Secretary of Foreign Affairs, at kalaunan ay naging House Speaker. Sa kabila ng pagkawala ng suporta ni Duterte para sa pagpapatuloy ng kanyang pagiging Speaker, nananatili si Cayetano sa koalisyon. Si Mark Villar naman, ang kasalukuyang Secretary of Public Works and Highways, ay nakilala sa buong bansa dahil sa pamumuno niya sa programang Build Build Build ng administrasyon.
Lacson, Sotto, at Gordon
Sina Senador Ping Lacson at Senate President Tito Sotto ang pinakaunang tandem na nagdeklara ng kanilang kandidatura bilang pangulo at bise-presidente (bagamat ang opisyal na anunsyo ay ipinagpaliban sa Setyembre). Ibinibida nila ang haba ng kanilang panunungkulan at karanasan sa Senado, na ngayon ay nasa ikatlo at ikaapat na termino na. Dagdag pa, naniniwala sila na napanatili nila ang kalayaan ng Mataas na Kapulungan sa mga nakalipas na taon, lalo na sa gitna ng supermajority ng administrasyong Duterte sa Kongreso na kinabibilangan din mismo ni Sotto.
Pinagninilayan din ni Senador Richard Gordon, na siya ring chairman at CEO ng Philippine Red Cross, ang mas mataas na posisyon. Kilala sa kanyang pagka-agresibo sa Senado, lalo na sa mga imbestigasyon, kilalang kilala na siya ng mahabang panahon. Ang kanyang masusing pamumuno sa Philippine Red Cross sa panahon ng pandemya, na talagang natulungan ang bansa, ay maaaring ang natatanging tulak na kailangan niya upang muling sumali sa laban. Tumakbo na siya sa pagka-pangulo noong 2010.
Sina Lacson, Sotto, at Gordon ay nasa kanilang seventies na. Naniniwala sila na ang pinakapangunahing bentahe nila ay ang karanasang dadalhin nila kung sila ay magiging pangulo. Ngunit sa totoo lamang, napakahirap isipin na makauugnay sila at kalaunan ay makukuha nila ang boto ng napakababatang botante na mayroon tayo ngayon.
Visit this website to access the article.