Isinulat nina Meggie Nolasco at Tony La Viña. Isinalin sa Filipino ni Jayvy Gamboa.
Original Article (Philippine Daily Inquirer);
Noong ika-26 ng Mayo, nagsagawa ng pagdinig ang committee on human rights ng House of Representatives ukol sa raid sa mga paaralang “bakwit” (o “bakwit” school) sa Cebu noong ika-15 ng Pebrero. Sa ilalim ng mahusay na pamumuno ni Rep. Jesus “Bong” Suntay, sa wakas ay nailahad na sa publiko kung ano at para saan ang komunidad ng “lumad” at mga paaralang bakwit.
Nasa kaibuturan ng mga paaralang lumad ang karapatan sa edukasyon. Itinataguyod ng mga paaralang lumad ang ideya na ang karapatan sa edukasyon ay parehas na karapatan sa sarili nito mismo at nakapagpapaganang karapatan, kung saan nagiging tulay ang edukasyon sa paghubog ng mga talento, kakayahan, at kumpiyansa upang matamasa rin ang iba pang mga karapatan. Ang karapatan sa edukasyon ay saligan para sa kaunlarang makatao, panlipunan, at pang-ekonomiko at isang mahalagang elemento upang makamtan ang pangmatagalang kapayapaan at likas-kayang kaunlaran (o sustainable development). Makapangyarihang kasangkapan ito sa paghubog ng buong potensyal ng bawat isa at sa pagtiyak ng dignidad ng tao, at sa pagtataguyod ng kapakanan ng indibidwal at ng kolektibo.
Sa konteksto ng karapatan sa edukasyon, ang pagtatayo ng mga paaralang lumad ay naging panlipunan at pangkasaysayang pangangailangan. Sa habang panahon, naranasan ng mga lumad ang hirap sa pag-enroll o pagpasok sa mga “mainstream” na pampubliko o pribadong paaralan. Dagdag pa rito, kaunti lamang ang mga paaralan sa mga lugar kung saan naninirahan ang mga lumad, kaya naman kinakailangang maglakbay nang malayo at gumastos pa para sa transportasyon at allowance upang mapanatili lamang ang kanilang mga kabataan sa paaralan. Marami sa mga mag-aaral na lumad ang nakararanas ng diskriminasyon sa mga paaralang mainstream, hindi lamang mula sa kanilang mga guro at kapwa mag-aaral, ngunit pati na rin mula sa mismong kurikulum na hindi tugma at sumasalamin sa kanilang angking natatanging kultural at historikal na konteksto. Sa maraming pagkakataon, isang hamon na makasabay ang mga mag-aaral na lumad sa kanilang mga kaklase sapagkat, dahil sa kanilang sariling wika bilang mga lumad, nahihirapan sila sa wikang ginagamit sa pagtuturo sa mga paaralang mainstream.
Itinayo ang mga paaralang lumad upang matugunan ang mga pangangailangan, mailarawan ang mga paninindigan, at maikatawan ang pananaw ng mga lumad. Sumusunod ang mga paaralan sa kurikulum na itinakda ng Department of Education (DepEd), ngunit iniaangkop ito at ang kanilang paraan ng pagtuturo upang makatugon sa natatanging sosyo-kultural na konteksto ng mga komunidad na lumad.
Ang karapatan ng mga katutubo sa edukasyon at sa sistema ng edukasyong sumasalamin sa kanilang natatanging mga wika, mga kultura, at mga kasaysayan ay kinikilala sa buong daigdig, at ipinagtitibay ng mga batas sa Pilipinas at ng international law. Sa Pilipinas, nagbunga ang pagkilalang ito sa pamamagitan ng matiyagang pagsisikap para sa dayalogo at pagsusulong ng mga paaralang lumad mismo. Naging mahalagang katuwang ng pamahalaan ang mga paaralang lumad sa pagpapayabong ng sistema ng edukasyon na kumikilala sa natatanging pangangailangan ng mga katutubo, at sa pagbibigay-daan sa karapatan sa edukasyon.
Kung isasaalang-alang ang natatangi at hindi matatawarang ambag ng mga paaralang lumad sa pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, tila taliwas ang paniniil sa mga paaralang lumad sa interes ng pamahalaan at ng bansa, at maituturing na isang hindi makatwirang trahedya.
Tingnan ang halimbawa ng Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. (o mga paaralang Salugpongan), na itinatag ng mga miyembro ng Talaingod Manobo noong 2007. Mula 2007 hanggang 2018, awtorisado ng DepEd ang mga paaralang Salugpongan upang magpatakbo ng kabuuang 55 paaralang pangkomunidad sa Timog Mindanao.
Noong 2019, gayunpaman, buhat ng patuloy at mas pinatinding pagkilos ng pang-re-red-tag, karahasan, pananakot, at panggigipit, 30 mula sa 55 paaralang Salugpongan lamang ang nakatapos ng school year noong taong iyon.
Noong ika-8 ng Hulyo 2019, naglabas ng memorandum ang DepEd Region XI upang suspendihin ang lahat ng 55 paaralang Salugpongan. Ito ay batay sa panukala ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., na nagparatang laban sa mga paaralan ng hindi pagsunod sa DepEd kurikulum at ng pagtuturo ng mga ideyolohiyang tumutuligsa sa pamahalaan. Itinanggi ng mga paaralang Salugpongan ang lahat ng mga paratang at kinuwestyon ang utos ng DepEd dahil sa kawalan ng basehan ng mga paratang.
Noong ika-5 ng Setyembre 2019, naglabas naman ng resolusyon ang DepEd Region XI na nagpasara sa mga paaralang Salugpongan. Lahat ng mga paaralang Salungpongan ay sarado na pagsapit ng ikatlong linggo ng Oktubre.
Hindi lamang ang mga paaralang Salugpongan ang mga paaralang lumad na ipinasara ng pamahalaan. Ayon sa children’s rights group na Save Our Schools Network, sa pagitan ng Hulyo 2016 at Disyembre 2019, 162 paaralang lumad ang ipinasara ng pamahalaan, at naapektuhan nito ang lampas 4,792 na mag-aaral. Noong 2020 at 2021, ang patuloy na paglabag sa karapatang pantao at mga pagkilos ng pamahalaan, na nagpatuloy sa kabila ng pandemya ng COVID-19 at malawakang lockdown sa buong bansa, ay nagdulot ng mas marami pang pagpapasara ng mga paaralan. Sa ngayon, halos lahat sa 215 paaralang lumad sa Mindanao ang tumigil na sa pagtakbo.
Ang paniniil sa mga paaralang lumad ay sumunod na rin sa mga mag-aaral na lumad maging sa kanilang paaralang bakwit, na mga pansamantalang paaralang itinayo ng mga volunteer na paaralan at organisasyon upang maging daan na maipagpatuloy ng mga mag-aaral na lumad ang kanilang edukasyon sa mga lugar na payapa at santuwaryo. Katulad ng mga orihinal na paaralang lumad, naging target na rin ng pang-re-red-tag at mararahas na pag-atake ang mga paaralang bakwit, na pinatutunayan ng raid sa Cebu na kasalukuyang sinisiyasat sa pagdinig ng Kongreso.
May siguradong hantungan ang pagdinig na iyon: sumusunod ang paniniil ng pamahalaan sa mga mag-aaral na lumad kahit saan man sila magpunta at kahit ano man ang kanilang gawin, hanggang patuloy ang kanilang pagnanais na maging mulat at edukado. Dapat nang itigil ang pang-aabusong ito.
Inuudyukan namin ang DepEd na alalahanin ang mahalagang kontribusyon ng mga paaralang lumad sa paglago at pag-unlad ng mga katutubong komunidad at ng bansa, at pag-isipan muli ang papel nito sa walang saysay na pag-atake laban sa mga paaralang lumad. Ayon sa kapita-pitagang mandato nito, dapat isulong ng DepEd ang karapatan ng mga lumad sa edukasyon at depensahan nito ang pag-iral ng mga paaralang lumad.
Ang DepEd at ang mga paaralang lumad ay may mahaba, na kung minsan ay mapanghamon, ngunit, liban nitong mga nakaraang taon, nakapagpatitibay na relasyon. Dahil lamang sa isang sulat mula sa nakatataas na opisyal ng seguridad, nagbago ang relasyong ito at naging instrumento ng pasismo ang DepEd, na may pangmatagalang pinsala sa mga kabataang lumad at sa kanilang mga komunidad.
Inaasahan namin na dahil naisapubliko na ang katotohanan ukol sa mga paaralang lumad, babaliktarin ng DepEd ang tinatahak nitong polisiya at landas ngayon at ibabalik ang naunang kooperasyon katuwang ang mga paaralang lumad. Bilang kinatawan ng marami sa mga paaralang ito, kami ay paniguradong bukas upang makipagpanayam sa liderato ng DepEd upang masimulan ang muling pagbubukas ng mga paaralan pagkatapos ng pandemya.
Hanggang may isang kabataang lumad na hindi nakatatamasa ng kanyang karapatan sa edukasyon, ang mga paaralang lumad ay mananatiling may saysay at nararapat suportahan.
Visit this website to access the article.