Isinulat ni Tony La Viña. Isinalin sa Filipino ni Jayvy Gamboa.
Original Article (Manila Standard);
Noong ika-26 ng Mayo, nagpatawag ng pagdinig ang Committee on Human Rights ng House of Representatives upang imbestigahan ang raid at mass arrest ng kapulisan at militar laban sa mga Lumad-bakwit na pansamantalang naninirahan sa Talamban, Cebu. Hiniling ni Deputy Speaker at 1PACMAN Rep. Michael Romero ang pagdinig kasabay ng pagtuligsa sa inilarawan niya na “excessive force [at] inhumane treatment” ng mga kabataan sa sinabing “rescue operation” na isinagawa ng mga pulis sa University of San Carlos campus sa Cebu City noong Pebrero.
Bilang abogado ng mga paaralang Lumad-bakwit, natunghayan ko nitong mga nakalipas na taon ang pagtaas ng bilang ng mga pag-atake sa mga paaralang Lumad (o Lumad schools) at ng pagpapasara ng mga ito. Ang ilan sa mga paaralang ‘bakwit’ ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga organisasyong Lumad, iba’t ibang paaralan, organisasyon, at simbahan. Ang mga paaralang ‘bakwit’ ay mga pansamantalang paaralan kung saan tinuturuan ng mga volunteer na guro ang mga kabataang Lumad at naka-enroll din sa mga paaralang awtorisado ng DepEd sa Metro Manila, Cebu, at Davao.
Naging daan para sa mga mag-aaral na Lumad ang mga paaralang ‘bakwit’ upang maipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa mga lugar na payapa at santuwaryo. Sa kasamaang palad, ang mga paaralang ito kamakailan ay naging target ng pangre-red-tag at mga mararahas na pag-atake.
Isang paaralang ‘bakwit’ ang itinayo sa Philippine Haran compound ng United Church of Christ of the Philippines (UCCP) sa Davao City. Naging santuwaryo na ang Haran compound ng UCCP para sa mga inaaping Lumad-bakwit sa Mindanao nang maraming dekada. Noong Enero ng 2020, hindi bababa sa 500 Lumad, kasama na rito ang 236 na kabataan at mga sanggol ang tinanggap ng Haran.
Noong ika-25 ng Enero 2020, kulang-kulang sa 50 miyembro ng Alamara ang umatake sa Haran, winasak ang mga gate nito, sinira ang mga ari-arian sa loob ng compound, at naghasik ng takot sa mga pamilyang Lumad na nasa loob nito. Kalaunan, tumigil din ang Alamara matapos ang tuloy-tuloy na protesta mula sa mga Lumad-bakwit at mga administrador ng Haran compound.
Isa pang paaralang ‘bakwit’ ang itinayo sa Cebu City noong 2019. Ang mga mag-aaral sa paaralang ‘bakwit’ na ito ay nakatakdang umuwi sa kani-kanilang komunidad sa Mindanao matapos ang kanilang moving-up ceremony noong ika-4 ng Abril 2020. Subalit, bunsod ng COVID-19 at mga kaugnay na travel restriction, napilitan munang manatili ang mga mag-aaral sa Cebu. Kulang-kulang na 42 na mag-aaral na ‘bakwit’, mga guro, at mga volunteer ang nanirahan sa Retreat House ng University of San Carlos – Societas Verbi Divini (USC-SVD) sa Talamban, Cebu City, kung saan inanyayahan silang manatili hanggang sa panahong ligtas nang umuwi sa kanilang mga tahanan.
Noong ika-15 ng Pebrero 2021, ni-raid ng mga miyembro ng Central Visayas office ng PNP ang nasabing USC-SVD Retreat House, kasama ng mga miyembro ng Alamara, DSWD, mga opisyal ng LGU ng Talaingod, at ng media. Hindi bababa sa 26 na mga guro, volunteer, at mag-aaral ang isinailalim sa kustodiya ng pulis at ininteroga.
Dinala naman ng mga pulis ang mga menor de edad sa Skypark Pensionne sa Barangay San Antonio, Cebu City at inilagay sa mga kuwarto na masinsing binabantayan ng mga pulis mula ika-15 ng Pebrero hanggang ika-21 ng Pebrero 2021. Dito, ininteroga ng mga pulis ang mga kabataan, at tinakot na parurusahan kung susubukan nilang umalis ng kanilang mga silid.
Noong ika-21 ng Pebrero 2021, anim sa mga menor de edad ang inilipat mula sa Skypark Pensionne patungo sa Crisis and Intervention Center ng DSWD sa Barangay Carreta, Cebu City, kung saan 24/7 silang binantayan at pinagbawalang makausap ang kanilang mga magulang. Noong ika-12 ng Marso 2021 naman, isa sa kanila ang pinakawalan matapos paboran ng Regional Trial Court ng Cebu City ang Petition for the Issuance of a Writ of Habeas Corpus na isinampa ng ama niya, at iniutos sa DSWD na pakawalan ang bata. Sinabi ng court order na walang legal na basehan ang DSWD na idetina ang mga kabataan. Subalit, nananatili pa rin sa kustodiya ng DSWD ang limang natitirang menor de edad.
Sa iba pang idinetina na hindi menor de edad noong ika-15 ng Pebrero 2021, pito (ang “Bakwit School 7”) ang nasampahan ng kaso sa Office of the Provincial Prosecutor ng Tagum City, Davao del Norte para sa diumanong kidnapping, child abuse, at trafficking ng mga mag-aaral na ‘bakwit’. Sa Resolution na inilabas noong ika-5 ng Mayo 2021, ipinahayag ng Office of the Provincial Prosecutor na walang testigo ang nakapagtukoy sa partisipasyon ng mga akusado sa alin man sa mga nasabing krimen, at hindi suportado ng sapat na ebidensya ang presensya ng mga elemento ng mga krimen. Ibinasura ng nasabing Resolution ang mga kaso laban sa Bakwit School 7 dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya, kawalan ng probable cause, at sa pagiging labas sa hurisdiksyon ng nasabing Prosecutor’s Office.
Noong ika-19 ng Mayo 2021, naglabas ng pahayag ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na magpapatuloy ito sa pang-uusig sa Bakwit School 7, sa kabila ng pagkakabasura ng mga kasong isinampa sa Tagum City. Idineklara rin ng NTF-ELCAC ang intensyon nitong iapela ang pagkakabasura o ‘di kaya ay muling magsampa ng mga kaso, pati na rin ang pagsasampa ng panibagong kaso para sa diumanong paglabag sa Indigenous People’s Rights Act.
Sa pagdami at paglala ng paniniil, inaasahan natin na pananagutin ng Committee on Human Rights, na mahusay na pinamumunuan ng chairman nito na si Representative Jesus Manuel Suntay ng Quezon City, ang mga sangkot na ahensiya ng pamahalaan at mga opisyal nito, at huwag nang hamakin pa ang mga paaralang Lumad upang maipagpatuloy nito ang pagmumulat at paghubog ng kanilang mga mag-aaral.
Visit this website to access the article.