Ang Katotohanan ukol sa mga Paaralang Lumad

Isinulat ni Tony La Viña. Isinalin sa Tagalog ni Jayvy Gamboa

Original Article (Manila Standard);

Miyerkules, ika-26 ng May, ay isang mabuting araw. Sa wakas, lumabas na ang katotohanan ukol sa mga paaralang Lumad – at saan pa ito mas angkop mangyari kundi sa bulwagan ng Kongreso kung saan nagsagawa ng pagdinig ang House of Representatives Committee on Human Rights sa pamamagitan ng Zoom upang siyasatin ang raid at pag-aresto sa paaralang Lumad-bakwit sa Talamban, Cebu noong ika-15 ng Pebrero 2021.

Hinahangaan ko ang chairman ng Committee on Human Rights ng House of Representatives, si Representative Jesus “Bong” Suntay ng Quezon City. Siya ang perpektong tagapamuno, patas at magalang sa lahat ng mga testigo. Salamat din kina Deputy Speaker Mikee Romero at sa mga Makabayan Representative sa kanilang walang humpay na suporta sa mga biktima ng raid sa Cebu. Salamat din sa mga maka-administrasyong Representative pati na rin sa mga opisyal ng pamahalaan mula sa NTF-ELCAC, DepEd, NCIP, PNP, at DSWD para sa paghahain ng mga masasalimuot na tanong na sinagot naman nang buong katotohanan ng mga testigo mula sa mga paaralang bakwit. Hindi nila inaasahan; dahil sa kanilang mga tanong at mga punto, lumabas ang katotohanan.

Ang matalino at mahinahong pagsagot ng mga guro at mag-aaral na Lumad sa mga tanong ang pinakamatibay na katibayan na ang mga paaralang Lumad ay talagang kung ano ang kanilang sinasabi: nagtuturo sila ng mga kabataang Lumad para sa kinabukasan, sila ay mga lehitimo at mahuhusay na paaralan.

Natatangi ang pagkamangha ko sa mga pahayag nina Mikay, isang mag-aaral na 16-taong gulang, at mga volunteer na guro, Rochelle at Jurain.

Ipinahayag ni Mikay: “It was not a rescue and we didn’t need rescuing. What we needed was for our rights as children to be respected and for our calls to be heard. We want our schools back.” (Hindi iyon isang rescue at hindi namin kinailangang ma-rescue. Ang kailangan namin ay ang mabigyang respeto ang mga karapatan namin bilang kabataan at marinig ang aming mga hinaing.) Personal kong nakapanayam si Mikay nang ilang oras at maisisiguro ko sa kahit kanino na nagsasabi siya ng totoo, hindi namamanipula, at hindi nasusulsulan.

Nakausap ko rin sina Teacher Roshelle at naniniwala akong dumaan siya sa
psychological torture” nang ininteroga siya nang halos araw-araw ng mga pulis at iba pang opisyal. “They told me we wouldn’t be released unless we admit to being rebels,” (Sinabi nila sa akin na hindi nila kami palalayain hanggang hindi kami umaamin na kami ay mga rebelde) ayon kay Rochelle.

Nararapat ko ring sabihin na hindi tama para sa mga awtoridad na palitan ng kanilang napiling abogado ang mga napiling abogado mismo ni Rochelle mula sa National Union of Peoples’ Lawyers. Doon sa pagdinig, tahasang tinuligsa ito ni Teacher Rochelle at ipinahayag na ang NUPL ang kanyang napiling abogado.

Ipinahayag naman ni Teacher Jurain ang mga itinuturo nila sa mga paaralang Lumad – English, Filipino, at iba pang mga asignatura. Kinumpirma ito ni SVD Father Provincial Fr. Rogelio Bag-ao (pagmamay-ari ng SVD ang University of San Carlos na nagbigay ng santuwaryo sa paaralang Lumad), at inilarawan na may mga tipikal na klase ang mga mag-aaral na Lumad kasama ng gardening, taliwas sa mga alegasyon ng combat training, at nakikipag-usap sa kanilang mga magulang sa kahabaan ng pagtigil nila sa Cebu.

Ang ipinakita ng pagdinig ay ang pagkakamali at kawalang katwiran ng Department of Education sa pagpapasara ng mga paaralang Lumad; sa pagsagawa nito, hinayaan nito ang sariling maging instrumento ng pasismo. Walang nasunod na due process; ipinagwalang-bahala ang totoong nangyari sa desisyong iyon.

Sa nasabing pagdinig, naipakita namin na ang mga paaralang Lumad ay nakagagawa ayon sa nakatakda, nakasusunod sa lahat ng mga hinihingi ng DepEd, at nakapagtuturo ng itinakdang kurikulum sa pamamagitan ng higit pa sa kwalipikado at pursigidong mga guro at administrador na mahuhusay, mapamaraan, at may dedikasyon.

Ako mismo ay naging guro na nang 40 taon at ang mga guro at mga administrador na ito ang ilan sa mga pinakamahuhusay na nakita ko. At maging ang mga mag-aaral ay napakatatalino, disiplinado, at may puso para sa kanilang mga komunidad.

Nakapagturo na ako sa libu-libong mag-aaral sa kolehiyo, law, at graduate school. Ang mga mag-aaral na Lumad, kung mabibigyan ng pagkakataon, ay magiging tulad ng mga naging estudyante ko – mga abogado, mga doktor, mga inhinyero, at iba pa – at oo, mga guro. Iyon mismo ang sinasabi nila sa akin.

Ipinakita rin ng pagdinig na kumilos taliwas sa batas ang mga pulis noong nagsagawa sila ng raid sa paaralang bakwit sa loob ng University of San Carlos Talamban campus. Mula pa noong simula, ayon sa mga kasamahan namin mula sa Children’s Legal Bureau, sa pagsasama pa lamang ng media, makikitang hindi na talaga seryoso at bukal ang pag-rescue sa mga kabataang Lumad. Kumpidensyal dapat ang mga operasyon tulad noon upang maprotektahan ang mga kabataan. Hindi nila iyon ginawa.

Walang pangangailangan para sa pag-rescue. Bagamat nagbigay ng pahintulot ang mga magulang, maaari nilang puntahan at sunduin ang kanilang mga anak kahit na anong oras. Sa katunayan, nagawa na ito sa paaralang bakwit sa UP kung saan naibalik na sa kanilang mga magulang ang lahat ng mga menor de edad na mag-aaral bunsod ng pandemya at pananakot ng pamahalaan.

Bilang propesor ng constitutional at political law sa ‘sandosenang law school, kinokondena ko ang harap-harapang paglabag ng karapatan. Pinatotohanan na ito ng prosecutor sa pagbasura sa lahat ng kaso laban sa Bakwit 7.

Bilang Mindanawon, edukador nang apat na dekada, at abogado ng karapatan ng mga katutubo nang 30 taon, mula noon, ngayon ko pinakanaramdaman na tama ang pinanigan ko sa labang ito. Mananaig ang mga paaralang Lumad – ang mga guro, mag-aaral, magulang, at kanilang mga tagasuporta – at hindi kakatigan ng kasaysayan iyong mga sumubok na sila ay wasakin.


Visit this website to access the article.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: