Isinulat nina Tony La Viña at Vanessa Vergara. Isinalin sa Filipino ni Jayvy Gamboa.
Original Article (Rappler); Bisaya Translation
Noong ika-26 ng Mayo, nagsagawa ng pagdinig ang Committee on Human Rights ng House of Representatives ukol sa raid at mass arrest ng mga Lumad bakwit noong ika-15 ng Pebrero sa Talamban, Cebu.
Sa kahabaan ng pagdinig, maraming inilatag na paratang laban sa mga paaralang Lumad (o Lumad schools) ang mga kinatawan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at ng Philippine National Police (PNP). Hindi na bago ang mga nasabing paratang. Sa katunayan, naging saligan na ng NTF-ELCAC ang paulit-ulit na paratang na ito upang bigyang katwiran hindi lamang ang iligal na raid at mass arrest noong ika-15 ng Pebrero, ngunit pati na rin ang pagpapasara ng mahigit sa 200 na paaralang Lumad sa Mindanao at maging ang pagsasagawa ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao ng mga guro, mag-aaral, at tagasuporta ng mga paaralang Lumad.
Bilang mga abogadong nakikipagtrabaho sa organisasyong nagsusulong ng karapatan ng kabataan na Save Our Schools Network (SOS) at mga komunidad ng Lumad at pati na rin ang mga paaralang bakwit (o bakwit schools) na katuwang ng SOS (sa kabuuan ay mga ‘paaralang Lumad’), lalo na ang Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. (STTICLCI), ibabahagi namin ang tugon ng mga paaralang Lumad sa mga paratang. Sa ikalawang bahagi ng article, ipaliliwanag naman namin ang mga pagkakamali at paglabag sa batas ng mga ahensya ng pamahalaan na naibulgar sa pagdinig ng Kongreso.
1. Ang mga paaralang Lumad ay itinatag, binuo, pinatatakbo, at/o kaugnay ng CPP-NPA-NDF.
Hindi itinatag, binuo, pinatatakbo, o kaugnay ng mga paaralang Lumad ang Communist Party of the Philippines, ang New People’s Army, o ang National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Walang kahit anong koneksyon ang mga paaralang Lumad sa CPP-NPA-NDF.
Nasa mga liblib na lugar ang mga paaralang Lumad na madalas ay nasa, o ‘di kaya ay malapit sa, kung saan nagkaka-engkwentro ang militar, paramilitar, at iba pang armadong grupo. Malaking bahagi ito sa dahilan ng pagkaka-red-tag ng mga paaralang Lumad. Subalit, nasa mga lugar na iyon ang mga paaralang Lumad sapagkat doon din mismo naninirahan ang mga Lumad. Walang katotohanan ang paratang na ang mga paaralang Lumad ay konektado sa o kaugnay ng CPP-NPA-NDF.
Mula noong itinatag ang mga paaralang Lumad, palagi na nitong nilalapitan ang Department of Education (DepEd) upang makipagtuwang, nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, at nasusunod ang lahat ng mga tuntunin ng pamahalaan upang masigurong naaayon sa batas ang pagpapatakbo ng mga ito.
2. Ang mga paaralang Lumad ay nagtuturo sa kanilang mga mag-aaral na (A) gumamit at magbaklas ng mga armas at (B) sa kabuuan, magrebelde at gumawa ng karahasan laban sa pamahalaan. Ang mga kabataang nagsipagtapos ng elementarya ay ginagawang mga child warrior. Lahat ng mga mag-aaral kalaunan ay sumasali sa NPA.
Hindi nagtuturo ang mga paaralang Lumad kung paano gumamit at magbaklas ng mga armas, at hindi rin sila nagtuturo o nagsusulong ng paggamit ng dahas laban sa pamahalaan o laban sa kahit sino man. Hindi rin nagsasanay ng mga mag-aaral upang maging mga miyembro ng NPA ang mga paaralang Lumad.
Matapat na sumusunod ang mga paaralang Lumad sa K-12 curriculum ng DepEd at tuntunin para sa Indigenous Peoples Education. Naglalaman ang mga curriculum nila ng mga programa sa literacy at mathematics, science, social science, technology at livelihood education, sustainable agriculture, at indigenous arts at culture. Ang mga mag-aaral nila ay tinuturuan upang maging mahuhusay, may kakanyahan, maka-kapayapaan, at makabuluhang miyembro ng lipunan.
3. Ang mga paaralang Lumad ay gumagamit ng kabataan bilang taga-protesta, at nagdadala ng mga kabataan upang sumama sa mga rally sa Maynila at ibang bayan.
Bagamat sumasama ang ilang mga mag-aaral ng mga paaralang Lumad sa mga rally, ginagawa nila ito mula sa kanilang sariling pagpapasya at may pahintulot ng kanilang mga magulang. Hindi pinipilit ng mga paaralan ang kanilang mga mag-aaral na sumama sa mga rally.
Sa katunayan, ang pagsasabing “ginagamit” ng mga paaralang Lumad ang kanilang mga mag-aaral sa mga rally ay tila nagmumungkahi na walang kakayahang magpasya ang mga mag-aaral mismo ukol sa mga bagay na nakaaapekto sa kanilang mga sarili at kanilang mga komunidad, at hindi nila kayang piliing gamitin ang kanilang karapatang pampulitikal.
Ihinahanda rin ng mga paaralan ang kanilang mga mag-aaral sa pamamagitan ng karunungan at kakayahan upang maging mga epektibong mamamayan sa lokal at pambansang nibel. Ang mga rally ay isang paraan upang mapayapang makilahok ang mga mamamayan sa kaunlaran ng bansa at maka-ugnay ang pamahalaan. Gayundin, mayroong karapatan ang bawat Pilipino upang mapayapang magtipon at maiparinig ang kanilang mga hinaing. Kung nais sumama ng mga mag-aaral sa mga rally, hindi sila pipigilan ng mga paaralan upang gawin ito.
4. Sa mga paaralang Lumad, ihinihiwalay ang mga kabataan mula sa kanilang mga magulang at hindi makauuwi nang walang pahintulot mula sa kanilang mga guro. Hindi rin ipinaaalam sa mga magulang ang kinaroroonan ng kanilang mga anak.
Sapagkat nagmumula ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang komunidad na maaaring magkakalayo, madalas ay mga boarding school ang mga paaralang Lumad. Nakatutulong ito upang makatipid ang mga mag-aaral sa mga gastusin sa transportasyon, tirahan, at pagkain.
Hindi totoo na hindi maaaring umuwi ang mga mag-aaral nang walang pahintulot mula sa kanilang mga guro. Bagkos, nakasaad sa polisiya ng mga paaralang Lumad na maaari lamang makaalis ang mga mag-aaral mula sa paaralan kung sila ay susunduin ng kanilang mga magulang. Ang polisiyang ito ay itinatag para sa kaligtasan ng mga kabataan, at hindi ito naiiba sa mga polisiya ng maraming ibang paaralan sa Pilipinas.
Sa wakas, ipinaaalam sa mga magulang ang kinaroroonan ng kanilang mga anak. Sa katunayan, malayang bisitahin ng mga magulang ang kanilang mga anak at pati na rin makilahok sa mga gawain ng paaralan sa loob at labas nito.
Sa panahon ng pagkakasulat nito, lahat ng mga menor de edad na nasa paaralang bakwit ng UP Diliman ay naihatid na sa kanilang mga magulang. Bunsod ng pandemya at panggigipit ng mga ahensya ng pamahalaan ang hakbang na ito.
5. Ang mga paaralang Lumad ay hindi sumusunod sa mga tuntunin ng DepEd. Ang mga paaralan ay hindi nakakuha ng FPIC mula sa mga komunidad ng mga katutubo. Ang mga paaralan ay walang Learning Registry Number.
Nakatuon ang paratang na ito laban sa STTICLCI, na ipinasara ng DepEd Region XI sa pamamagitan ng isang Resolusyon noong ika-5 ng Setyembre, 2019.
Bago sumapit ang 2019, palaging nakasusunod ang STTICLCI sa mga tuntunin ng DepEd at palagi itong nabibigyan ng mga permit o certificate of recognition ng DepEd. Noong 2019, nagpataw ng mga karagdagang tuntunin at requirement ang DepEd Region XI na noong mga nakaraang taon ay hindi naman hinihingi, kasama na rito ang updated na FPIC (Free Prior and Informed Consent). Binigyan lamang ng isang buwan ang mga paaralan upang maipasa ito, sa kabila ng katotohanan na marami sa mga karagdagang requirement ay hindi kayang makuha sa loob lamang ng nasabing panahon. Taliwas din ang panahon upang makapagpasa (o compliance period) sa tuntunin ng DepEd na nagsasabing dapat bigyan ang mga paaralan ng makatwirang panahon upang maremedyohan ang kanilang pagkukulang (DepEd Revised Manual of Regulations, Section 34). Bagamat ginawa ng STTICLCI ang buong makakaya nito upang makuha ang mga karagdagang requirement, hindi ito natapos sa loob ng itinakdang panahon ng DepEd.
Bagamat nasa proseso pa rin ang updated ng FPIC, palaging gumagalaw ang mga paaralan nang may permiso at suporta ng mga komunidad ng IP na pinaglilingkuran nito. Ang bawat campus ng STTICLCI ay naitayo matapos ang pagpupulong at konsultasyon kasama ang mga pinuno ng komunidad at mga miyembro ng mga sitio, barangay, at bayan, at may masinsing pakikipag-ugnayan sa mga apektadong komunidad.
May mga Learning Registry Number (LRN) ang STTICLCI, at mayroon sila nito simula pa noong ipinatupad ito ng DepEd noong 2015. Bagamat paminsan-minsan ay may mga isyung teknikal sa LRN system, kagaya ng kahit anong paaralan, palaging nakikipag-ugnayan ang STTICLCI sa mga pamprobinsyang tanggapan ng DepEd upang mabilis na matugunan ang mga isyung ito.
6. Ang mga komunidad ng IP mismo ang nagnanais magpasara sa mga paaralan.
Maraming tao na mula sa mga komunidad ng mga Lumad ang pinuwersa, pinilit, at itinulak upang itakwil ang mga paaralang Lumad. Ang iba ay naikulong pa laban sa kanilang kalooban, o hindi kaya ay nailayo sa kanilang mga anak ng pamahalaan.
Sa kabila ng paniniil na ito, maraming mga magulang at kabataang Lumad ang patuloy na sumusuporta sa mga paaralan. Nakatatanggap ng kamangha-manghang suporta ang mga paaralang Lumad mula sa mga komunidad na kinalalagyan nila.
Kung mayroon mang mga tao sa mga komunidad ng Lumad na hindi nagnanais na maipadala ang kanilang mga anak sa mga kasalukuyang paaralang Lumad, malaya ang DepEd o ang iba pang pribadong institusyon na magtayo ng kanilang paaralan upang makapagbigay ng mas maraming pagpipilian sa mga komunidad ng Lumad. Hindi dapat maging dahilan upang maipasara ang mga paaralang sumusunod naman sa hinihingi ng batas ang kagustuhan ng iilang tao lamang. Paniguradong may higit pa sa sapat na espasyo para sa iba’t ibang uri paaralan at makapaghatid ng edukasyon para sa mga komunidad ng Lumad.