Mga Pilipino, magkaisa upang protektahan ang ating mga community pantry!

Isinulat ni Tony La Viña at Joy Reyes. Isinalin sa Filipino ni Jayvy Gamboa

Original Article (Rappler); Bisaya Translation

Nagsimula lamang noon bilang gawa-gawang karitong gawa sa kawayan na may nakahaing mga alkohol, biskwit, gulay at prutas, at iba pang kagamitan, ngayon ay kilala na bilang Maginhawa Community Pantry, at naging napakalaking pahayag – at komentaryo – ukol sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa.

Ilang oras lamang mula noong inilunsad ito, nagsulputan na rin ang mga pantry na may kanya-kanyang bersyon sa mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at ang lahat ng ito ay bunga ng pagboboluntaryo at pakikiisa. Ang ibang hindi makalabas ng kanilang mga bahay, buhat ng iba’t ibang dahilan, ay nagpapadala ng pera. Nagtutungo naman ang iba sa mga grocery, doon namimili, at saka ihahatid ang mga donasyon. Maging ang mga grupong aktibista, simbahan, at relihiyoso ay nagtayo rin ng kanilang mga pantry. Ang mahihirap – ang masa – ay nagbibigay din sa mga mahihirap.


May pare-parehong motto ang mga community pantry: “Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan.

Ayon kay Marx at sa Kristiyanismo

Ang motto na ginagamit ng mga pantry ay kilala na sa larangan ng mga aktibista, sapagkat si Karl Marx ang nagpasikat nito sa kanyang 1875 Critique of the Gotha Program, isang bayan ang Gotha sa Germany kung saan nagtitipon at nagpapatupad ng programang pulitikal ang Social Democratic Workers’ Party of Germany na tinutukoy ni Marx bilang masyadong konserbatibo. Ang buong pahayag:

In a higher phase of communist society, after the enslaving subordination of the individual to the division of labor, and therewith also the antithesis between mental and physical labor, has vanished; after labor has become not only a means of life but life’s prime want; after the productive forces have also increased with the all-around development of the individual, and all the springs of co-operative wealth flow more abundantly — only then can the narrow horizon of bourgeois right be crossed in its entirety and society inscribe on its banners: From each according to his ability, to each according to his needs!

Dapat nating tandaan na hindi ito orihinal na ideya ni Marx ngunit hiniram din lamang niya mula sa mga French Utopian socialist. Ang iniambag ni Marx ay isang matibay na pagsusuring nakatulong sa mga aktibista upang maunawaan ang mga ugat ng problema ng alienation at kawalan ng katarungan sa piyudalismo at kapitalismo.

Itinuturo pa ng iba patungo sa mas naunang panahon ng mga Kristiyano ang pinagmulan ng ideyang ito, kaya naman mababasa natin sa Mga Gawa (o Acts of the Apostles) ang mga katagang ito:


“At ang lahat ng mga nagsisampalataya ay nangagkakatipon, at lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan; at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at kayamanan, at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawa’t isa.” (Mga Gawa 2, 44-45)

“At ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa: at sinoma’y walang nagsabing kaniyang sarili ang anoman sa mga bagay na kaniyang inaari: kundi lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan.” (Mga Gawa 4, 32)

“Sapagka’t walang sinomang nasasalat sa kanila: palibnasa’y ipinagbili ng lahat ng may mga lupa o mga bahay ang mga ito, at dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili, at ang mga ito’y inilagay sa mga paanan ng mga apostol: at ipinamamahagi sa bawa’t isa, ayon sa kinakailangan ng sinoman.” (Mga Gawa 4, 34-35)

Sa ika-21 siglo, si Pope Francis ang pinakamalinaw na nakapagpahayag nito. Sa “Fratelli Tutti”, ang kanyang encyclical ukol sa pakikiisa (o solidarity) at social friendship na inilabas noong isang taon sa gitna ng pandemya, ibinahagi ni Francis ang isang sikreto at isang pangarap:


Here we have a splendid secret that shows us how to dream and to turn our life into a wonderful adventure. No one can face life in isolation…. We need a community that supports and helps us, in which we can help one another to keep looking ahead. How important it is to dream together.… By ourselves, we risk seeing mirages, things that are not there. Dreams, on the other hand, are built together. Let us dream, then, as a single human family, as fellow travelers sharing the same flesh, as children of the same earth which is our common home, each of us bringing the richness of his or her beliefs and convictions, each of us with his or her own voice, brothers and sisters all.

Pakikiisa sa nibel ng komunidad

Ipinakikita ng konsepto ng mga community pantry hindi lamang ang simpleng pagkakawanggawa (o charity), ngunit maging ang higit na mahalaga na pakikiisa at pakikipagkapwa. Nang nagsimulang mamayagpag ang mga community pantry, nagbigay ng sako-sakong kamote ang mga magsasaka ng Paniqui, Tarlac sa Maginhawa pantry, at nagdala ng huling isda ang mga mangingisda ng Pamalakaya Federation. Nagpresenta namang mag-ayos ng mga donasyon at masigurong napananatili ng mga nakapila ang mga minimum health protocol ang mga lokal na tricycle operator at drivers’ association, sa kabila ng matinding epekto ng pandemya sa kanilang sektor. Tumulong naman ang iba sa napakarami pang paraan – pagbabalot, pamimigay, at pagpapatas ng mga nakolektang donasyon.

Bukod sa mga donasyong ibinigay at tulong pinansyal na ipinaabot, matutunghayan din ang naratibo ng pakikiisa ng sambayanan – iyong mga gumagawa mismo ng paraan upang makapag-abot ng tulong sa kanilang komunidad, sa kabila ng pagiging pinakaapektado ng pandemya at ng kawalan na kanilang dinanas.

Isang kritisismo sa mga community pantry ay ang pagiging pulitikal nito, at parehong nabahala ang nasyonal at mga lokal na pamahalaan sa pagsulpot ng mga ito.

Syempre, pulitikal ito. Kung hindi sa pagkukulang ng pamahalaan na makapagbigay ng ayuda at suporta, hindi na kakailanganing magsama-sama ng mga komunidad at suportahan ang sarili nito. Sa halip na itanong na “Bakit kinakailangan natin itong gawing pulitikal na isyu? Bakit natin pinag-uusapan ang sosyalismo?”, dapat itinatanong natin sa ating mga sarili, “Bakit at paano tayo binigo at patuloy na binibigo ng ating mga sistema? Ano ang mali sa makatarungang pagbabahaginan ng yaman at pagbibigay ng libreng serbisyo at kagamitan?”

Hindi lamang pampalubag-loob

Para sa marami sa atin, marahil ang unang bagay na ating naramdaman noong nakita natin ang pagdami ng mga community pantry ay pagkatuwa. Sabagay, dumadaloy dito ang bayanihan na kilalang kilala natin. Pagkatapos ng patuloy na pagninilay, gayunman, kailangan nating pag-isipan nang mabuti ang mga dahilan kung bakit nabuo ang mga community pantry at ano ang maaaring sunod nating gawin.

Kailangan nating kilalanin na ito ay bunga ng hindi sapat na suporta mula sa pamahalaan, at kaya naman kailangan nating higit na ipaglaban pa upang makamit ito. Hindi ito palusot para sa pamahalaang hindi naghahain ng sapat na kwarto sa mga ospital at mga bakuna.

Tiyak din na hindi kabuoang sagot o lunas ang mga pantry sa lahat ng ating mga problema. Ang kawalan ng katarungan sa lipunan na ipinakita ng pandemya at pinalala pa nito ay hindi kayang malutas ng mga pantry; kinakailangan ng kapangyarihang pulitikal upang mabago ang mga prayoridad ng pamahalaan at ng mga korporasyon. Hindi dapat maging katwiran ang pagtatayo ng or pagbibigay sa mga community pantry upang hindi na makilahok sa mga pulitikal na gawain, sa pag-iisip na nakatulong na.

Itinuturo ni Pope Francis sa “Fratelli Tutti” na kung sino mang nag-iisip na ang tanging aral na matututunan mula sa pandemya ay ang pangangailangang pagbutihin ang kung ano mang ginagawa na natin noon, o ang repasuhin ang mga kasalukuyang sistema at regulasyon, ay itinatanggi ang katotohanan.

Kailangan natin ng pagbabagong radikal sa ating lipunan – sa ating pamamahala at lalo na sa ekonomiya – at kailangan na natin ito ngayon.

Isang tawag patungo sa pakikiisa

Habang isinusulat namin ito, nakikita namin na ang mga pantry, tulad ng maraming iba pang mabubuting bagay sa ating lipunan (halimbawa, ang mga paaralang Lumad) ay nare-red-tag – bunga ng pagka-ignorante at masamang hangarin. Ang Maginhawa Community Pantry, halimbawa, ay kinailangang magsara sandali sapagkat ang nagtayo nito, si Patricia Non, ay natakot para sa kaligtasan ng mga volunteer ng pantry sa gitna ng pangre-red-tag. Ipinahayag niya ito noong Lunes nang gabi sa Facebook, at kalakip nito ay mga screenshot ng mga grupo sa social media, kasama na ang sa NTF-ELCAC na nagsasabing ginagamit ang mga pantry para sa propagandang komunista.

Naiulat din ang pagbisita ng mga pulis sa iba pang mga community pantry sa Maynila, at nagtatanong ng mga pangalan ng mga nagtatag at kung may organisasyong kinabibilangan ang mga ito. Isa itong paglabag sa mga konstitusyonal na karapatan ng mga mamamayan, kasama na ang right to privacy ayon sa pahayag ni National Privacy Commission Commissioner Raymond Liboro.

Para sa mga community pantry, nagtitipon na ang mga abogado upang suportahan kayo at lumaban sa mga nang-re-red-tag.

Kung ito ang polisiya ng pamahalaang Duterte (itinanggi na nila ito noon), dapat itong ikondena sa pinakamatapang na paraan. Ibinubunyag lamang nito ang takot at pagkabalisa ng isang administrasyong hindi kayang tugunan ang panganganailangan ng mga tao nito.


Kahanga-hangang gawain ang mga pantry sapagkat ipinagbubuklod nito ang social activism at social entrepreneurship sa nibel ng komunidad. Ang pagsasama ng dalawang komunidad na ito – iyong mga nagpoprotesta laban sa at umaaksyon upang masugpo ang kawalan ng katarungan at iyong mga gumagamit ng social innovation upang mabago ang lipunan – ay makapangyarihan. Ang koalisyong ito ng mga change-makers ay ang pinakamalaking pagkakataon natin upang makatawid palabas ng pandemyang ito nang hindi lamang nagsisikap mabuhay sa araw-araw, kundi totoong nabubuhay nang may saysay.

Tinatawagan namin ang lahat ng mga Pilipinong may mabubuting loob, kasama na rin ang ating mga pulitiko (Nagpakita na ng suporta si Quezon City Mayor Joy Belmonte), upang magsama-sama at protektahan ang mga community pantry. Para angkinin ang isa pang sikat na kataga mula kay Marx: Mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo, magkaisa upang protektahan ang ating karapatang maging magalang at makiisa!


Visit this website to access the article.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: