Isinulat ni Tony La Viña; Isinalin sa Filipino ni Jayvy Gamboa
Original Article (Rappler); Bisaya Translation
Bilang isang abogado at isang tagapagsulong ng karapatang pantao, doble ang pagluluksa ko sa Bloody Sunday, ang pagpatay sa siyam na aktibistang pangkarapatang pantao at manggagawa sa Calabarzon ng mga pulis na nagpapatupad ng search warrant para diumano sa iligal na armas. Ang pangalawang pagluluksa ko, ang tila pagpihit pa sa kutsilyong nakasaksak na, ay nakatuon sa pag-iisyu ng mga nasabing search warrant.
Sinasabi ko ito nang may pinakamalalim na paggalang sa hudikatura at sa mga miyembro nito, marami sa kanila ay kasama ko sa pagtuturo at mga personal na kaibigan, at ang ilan pa ay naging at kasulukuyang estudyante ko. Ang mga search warrant ng Bloody Sunday – ang mga utos ng hukom, na ibinaba sa ngalan ng Section 2, Article III ng Saligang Batas ng 1987 na naggagarantiya ng personal na seguridad sa lahat ng mamamayan – ay naging mga warrant upang pumatay. Naging panganib na sa institusyon ng search warrant ang mga nasabing utos ng hukom, at kinakailangan na itong iharap sa nararapat na imbestigasyon.
Kinakailangan na ngayong umaksyon ng Korte Suprema. Ipinagbinibigay-pansin na ito sa lahat ng mga huwes: ang inyong mga utos, kasama ng maling paggamit ng “presumption of regularity”, ay naging warrant upang pumatay sa kamay ng mga pulis. Hindi maipagkakaila ang nakita ng mga saksi sa mga pagpatay noong Bloody Sunday: pagpatay ng mga taong walang armas, tinangay mula sa kanilang mga pamilya, at binaril nang nakaluhod o nakadapa.
Batayan ng mga search warrant ayon sa Saligang Batas.
Malinaw ang mga batayang nakasaad sa Saligang Batas para sa pag-isyu ng mga search warrant: “No search warrant… shall issue except upon probable cause to be determined personally by the judge after examination under oath or affirmation of the complainant and the witnesses he may produce, and particularly describing the place to be searched and the…things to be seized.”
Probable cause. Personal na pagsusuri nang naaayon sa sinumpaang salaysay. Partikular na paglalarawan. Nakatatak sa isip ng bawat estudyante ng batas sa Pilipinas at sa iba pang hurisdiksyon ang mga salitang ito. Ito rin ang sukatan ng mga abogado upang maipakita kung tama ba ang pagkaka-isyu ng isang search warrant. At hinihimay ito ng bawat desisyon ng Korte Suprema, nang may tunguhing magpapatibay sa karapatan para sa seguridad ng kanilang “persons, houses, papers, and effects” mula sa hindi makatwirang pagtingin o pagkuha ng mga ito para sa anumang dahilan.
Ibinahagi ni Fr. Joaquin Bernas na makikita sa kaso ng Qua Chee Gan v. Deportation Board ang pagkilala ng Korte Suprema sa ambag ng Saligang Batas ng 1935 sa usapin ng search warrant, na naiiba mula sa mga nakaraang organic act ng Pilipinas at maging sa Saligang Batas ng Amerika: na iniaatas ang kapangyarihang tukuyin ang pagkakaroon ng probable cause o kawalan nito sa mga huwes lamang, at hindi sa kung sino mang opisyal. Pinalawak ito ng Saligang Batas ng 1973 upang maisama ang ibang opisyal na naatasan ng batas, ngunit ibinalik din ng Saligang Batas ng 1987 ang orihinal na sakop nito.
May sapat na dahilan. Ipinakita na ng Martial Law, Bloody Sunday, tanim-bala, at iba pang mga kontrobersiyang nakasisira sa reputasyon ng ating kapulisan na iniaatas ng lipunan sa mga huwes ang kapangyarihang bantayan ang pang-aabuso ng mga ito. Quis custodiet ipsos custodies? Sa pagsasanay at tungkulin, ang mga huwes na ang naging tagapagsiyasat at tagapagbantay ng tamang pagpapatupad ng at propesyunalismo sa pag-iimbestiga ng kapulisan, o kawalan nito.
Ginamit ang search warrant upang maikulong si Reina Nasino, na noon ay ipinagbubuntis si River na kalaunan ay nasawi nang hindi kapiling ang kanyang ina. Gayundin, mga search warrant ang naging dahilan ng pagkakapiit nina Lady Ann Salem, isang mamamahayag at aktibista – na nito lamang ay pinawalambisa ni Judge Monique Quisumbing-Ignacio ng Mandaluyong Regional Trial Court, at naging dahilan ng pagbasura ng kaso laban sa kanya at sa kanyang kapwa akusado na si Rodrigo Espargo, isang unyonista, ayon sa doktrina ng “fruit of the poisonous tree”. Nakasisira sa reputasyon ng hudikatura ang mga search warrant kagaya nito na nagmumula diumano sa mga “search warrant factory”.
Ang pagpapawalambisa ng search warrant laban kay Lady Ann Salem ay nagpapakita ng maraming iregularidad tulad ng kawalan ng sapat na pagtukoy sa mga bagay o ari-ariang nais hanapin o kuhanin at hindi nagtutugmang salaysay ng mga diumanong saksi. Dahil pinapayagan ng search warrant ang awtorisadong pagtingin o paghahalughog ng ari-arian ng isang tao, kung aaabusuhin ito, maaaring magamit ang pagkakataong iyon upang makapagtanim ng ebidensya ang opisyal na nagpapatupad ng warrant. Ang posibilidad na ito ay hindi lamang bunsod ng hamak na takot. Ito ang dahilan sa pagkakatatag ng doktrina ng “fruit of the poisonous tree”: kung hindi mapagkakatiwalaan ng korte na ginawa ang pagtingin ng ari-arian nang may integridad, hindi rin nito mapagkakatiwalaan ang kahit anong ebidensyang nakuha mula rito.
Kaya naman, ang batayan ng probable cause para sa mga search warrant ay kung sapat ang paunang ebidensyang ibinigay sa huwes upang maisantabi ang karapatan ng mamamayang para sa seguridad ng kanyang sarili at ari-arian, at kung hindi ito gawa-gawa lamang upang makapag-frame up ng suspek. Ekslusibo at personal na tungkulin ng huwes na tingnan ang mga ebidensya at tukuyin kung may probable cause ito (Soliven v. Makasiar). Isa itong gawain ng mga hukom, at hindi ginagawa nang walang paghuhusga o ministerial lamang. Kinakailangan nito ng pagpapasya, masinsinang pagtukoy, at pagtingin sa police power sa mas mataas na batayan. Sapagkat, kung may malawak na kapangyarihan, nararapat lamang na may mas maliit na puwang para sa pagkakamali.
Mga desisyon ng Korte Suprema na dapat itama
Dahil sa kaso nina Nasino, Salem, at iba pa, dapat bisitahing muli ang dalawang desisyon ng Korte Suprema na kung saan hinayaan nito ang kapulisan na maipatupad ang search warrant sa kabila ng mga iregularidad nito. Sa Ilagan v. Enrile, ang paghamon sa naunang iligal na pag-aresto sa mga abogado sa kasong iyon ay isinantabi dahil sa kalaunang pagsasampa ng kasong rebelyon laban sa kanila. Tinanggihan namang baliktarin ng Umil v. Ramos ang hatol sa Ilagan, at ipinagtibay na ang pagkakadiskubre ng mga armas at ang kalaunang pag-aresto “in flagrante” ay tamang pagpapatupad ng search warrant, at lahat ng ito ay batay lamang sa impormasyong ang mga hinalughog na bahay ay mga NPA safehouse.
Malinaw sa mga desisyon ng Korte Suprema na may lehitimong karapatan ang estado upang maipagtanggol ang sarili nito. Kaya naman, paulit-ulit na sinasambit ito ng PNP sa mga isyu ng legalidad ng kanilang mga raid, mga pagpapatupad ng search warrant, at mga pag-aresto – at maging sa mga pagpatay – ng mga suspek bilang naaayon lamang sa kanilang tungkulin. Noon, ito ang tinatawag na “drug war”; ngayon naman ay ang “whole of nation approach” laban sa komunismo. Nanlaban, eh.
Kaya naman sinasabi rin ng mga korte na sapat ang mga dahilang inihain sa kanila, sapat upang maisakatuparan ang paglabag sa privacy, sa pamamagitan ng pagkatok sa hatinggabi o ng raid sa madaling araw. (Ngunit tingnan ang kaso ni Lady Ann Salem). At wala sa mga ito ang tunay na maaaring masolusyonan ng batas; kagaya ng hindi pagsang-ayon ni Justice Sarmiento sa Umil kung saan sinabi niya na ang impormasyong isinampa sa korte ay hindi maihahalintulad sa warrant of arrest.
Kapag sinasabi ng Pangulo at Commander-in-Chief na “Kill them all,” at kapag ang parehong Pangulo at Commander-in-Chief ay minsan nang ipinagmalaki ang pagtatanim ng ebidensya noong siya ay piskal pa lamang, kahit anong kakila-kilabot ay hindi lamang posible, ngunit tila
pinapayagan at hinahayaan. Sa kabila ng lahat ng pangre-red-tag, na lahat ng progresibo ay tinitingnan bilang armado, hindi na nararapat tanggapin na nasa katwiran ang mga pagpatay na ito.
Karapat-dapat tayo sa mas mabuting PNP.
Totoong karapat-dapat ang mga Pilipino sa isang kapulisang kagalang-galang, propseyunal, at mapagkakatiwalaan, at totoong ipinagtitibay ng PNP ang mga paniniwalang ito. Marami akong mga estudyanteng opisyal ng PNP at sinusuportahan ko sila sa kanilang pagsisikap na mapabuti ang kanilang organisasyon. Ngunit ang mga paniniwalang ito ay nadurungisan ng walang pakundangang pagdaloy ng dugo at kawalan ng malasakit. Natatakot ako na tayo ay tila bumabalik sa panahon ng Constabulary, subalit ngayon ay hindi na kailangang magdeklara pa ng Martial Law, at ipinagtitibay pa ng warrant mula sa mga korte.
Nasa kapangyarihan ng hudikatura na bigyang pansin lahat ng ito at mag-utos ng masinsing pagtingin sa mga search warrant na hinihingi ng kapulisan para sa pambansang seguridad. Itinuro ng Martial Law na ang kapulisan ay para sa imbestigasyon at pagprotekta ng karapatang pantao, at hindi para sa pagpapatahimik at panghahamak; at napakadaling gawin ng nahuli sa huwad na ngalan ng naunang layunin. At kahit na ang lehitimong karapatan ng estado upang maipagtanggol ang sarili nito, tulad ng isang indibidwal, ay hindi maaaring isulong para sa masamang intensyon o pakay.
Isang sukdulang kabalintunaan na nagtatapos ang due process sa Pilipinas ngayon sa madudugong kalsada. Ang hudikatura, maging ang buong propesyong legal, sa pangunguna ng kataas-taasang hukuman ng Pilipinas, ay dapat manindigan. Wala tayong dapat ikatakot kung ang batas ay nagagamit sa mabuting paraan, at kung ang mga korte ay palaging handang magsiyasat ng mga pagkakamali ng mga imbestigador at kapulisan. Para sa mga biktima ng Bloody Sunday, at sa marami pang iba, nararapat itong gawin ng korte alang-alang sa kanila at sa kanilang mga alaala.