Isinulat ni Tony La Viña; Isinalin sa Filipino ni Jayvy Gamboa
Original Article (Rappler); Bisaya Translation
Itinatag noong 2007 ang National Union of Peoples’ Lawyers, o NUPL, at binubuo ito ng mga human rights lawyers, pati na rin mga estudyante ng batas, mga paralegal, at mga manggagawang legal, mula sa buong bansa, na pinagkakaisa ng parehong hangaring maprotektahan at maisulong ang karapatang pantao, lalo na ng mga mahihirap at inaapi. Binuo ito upang maipagbuklod ang mga miyembro ng propesyong legal at makatugon sa mga panggigipit, pananakot, paghahain ng gawa-gawang kaso, at pagpatay sa mga nagsusulong ng karapatang pantao, mga aktibista, mga hindi sumasang-ayon, at mga abogadong nakababad sa gawaing pangkarapatang pantao sa Pilipinas.
Maliban sa serbisyong legal, nagsasagawa rin ito ng mga kampanya at adbokasiya, edukasyon at pagsasanay, pananaliksik at paglilimbag, pagprotekta sa kapakanan ng mga abogado, pag-oorganisa at pagpapalawak, at pandaigdigang pagkakaisa.
Sa loob ng 13 taong simula nang itinatag ito, humawak na ang NUPL ng malawak na uri ng mga kasong ukol sa karapatang pantao. Hinawakan nito ang paglilitis kay Ret. Maj. Gen. Jovito Palparan, na nahatulang may sala sa pagdakip ng dalawang estudyante; ang paglilitis ng mga human trafficker at illegal recruiter ni Mary Jane Veloso; nagbigay ng tulong legal sa mga pamilya ng mga naging biktima ng operasyon kontra-droga at mga extrajudicial killing; at humamon sa pagkakaayon sa Saligang Batas ng pagdedeklara ng batas militar sa Mindanao, at iba pa.
Sa kasagsagan ng pandemya, hinawakan nito ang kaso ng 21 residente ng San Roque na humihiling ng makakain noong Abril; ng 10 volunteer na naaresto sa Marikina noong Mayo; at 20 taong naaresto sa pagsasagawa ng Pride March sa Maynila noong Hunyo. Noong Abril, naging kinatawan ng 22 bilanggo mula sa iba’t ibang kulungan sa Metro Manila ang NUPL at ang Public Interest law Center (PILC) upang himukin ang Korte Suprema na payagan ang panandaliang pagpapalaya sa kanila dulot ng panganib ng mabilisang pagkalat ng COVID-19 sa mga piitan. Noong Hulyo, sa tulong ng NUPL, isang petisyong pinangunahan ni dating Kalihim ng DSWD Judy Taguiwalo ang inihain sa Korte Suprema upang atasan ang administrasyong Duterte na magsagawa ng mass testing.
Ngayon, sa pangunguna nina dating Congressman Neri Colmenares at Edre Olalia bilang Chairperson at Presidente, nasa higit-kumulang 500 ang indibidwal na miyembro ng NUPL mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, 19 na chapter, 4 na regional coordinative body, at 3 chapter ng mga estudyante ng batas sa mga law school sa Metro Manila. Nabibilang din sa NUPL ang ilang mga huwes, mga piskal, mga miyembro ng Public Attorney’s Office, mga propesor ng batas, mga practitioner, at mga estudyante ng batas. Isa rin itong kabahagi ng International Association of Democratic Lawyers (IADL), na may consultative status sa United Nations. Mula 2019, si Olalia ang transisyunal na presidente ng IADL.
Marami sa mga abogado ng NUPL sa Metro Manila, Cebu City, at Cagayan de Oro ay kakilala ko at nakatrabaho ko na. Wala akong masasabi kundi papuri at paghanga sa kanilang angking husay, integridad, at dedikasyon. Bilang propesor ng batas nang higit 30 taon, palagi kong sinasabi sa aking mga estudyante na layunin kong matulungan silang makapasa ng Bar at maging mga abogado, mahinang silang maging dalubhasa sa mga kakayahang legal upang makapagbigay sila ng pinakamahuhusay na serbisyo sa kanilang mga kliyente, at higit sa lahat ang maging mga dakilang abogado (o great lawyer) para sa mahahalagang layunin, para sa bansa at sa mundo, para sa karapatang pantao, katarungang panlipunan at pangkalikasan, at lalo na para sa mahihirap at nasa laylayan.
Ngayon, sa bansang ito, ang pinakamalinaw na halimbawa ng isang dakilang abogado ay ang abogadong NUPL. Para sa akin, palagi akong namamangha sa dakilang gawain nina Krissy Conti (na naging estudyante ko sa UP Law), Josa Deinla, Sol Taule, at Kathy Panguban ng NUPL Manila; Ian Manticajon at Ian Sapayan ng NUPL Visayas/Cebu; Czarina Musni ng NUPL Cagayan de Oro; at Dean Manny Quibod ng NUPL Davao. Si Joy Reyes, isa ring miyembro ng NUPL, ay malapit na nagtatarabaho kasama ko, at kung ano mang mabuti ang nakakaya kong gawin ngayon ay mula sa aming pagtutulungan. At syempre, ang minartir na si Ben Ramos, isa sa mga miyembrong tagapagtatag ng NUPL, na napalapit na sa akin kasama pati na rin ang kanyang pamilya, ay namumukod-tangi sa ating henerasyon para sa kanyang pagtataya at pag-aalay.
Nararapat ko ring banggitin na malapit ako kay NUPL founding Chair Romy Capulong, dahil sa aking pagiging campaign aide niya noong halalang pang-senador ng 1987. Kasama ni Pepe Diokno, ipinakita ni Romy sa akin ang landas ng alternative lawyering, na minsan niyang inilarawan bilang “treasured journey of self-fulfillment.” Tiniyak niya sa amin na pareho-pareho itong mararanasan ng lahat ng tatahak ng landas na ito. Kung may maidaragdag man ito, nawa ay mabigyan ng mga salitang ito ng lakas ang ating mga abogadong NUPL upang malagpasan ang malawakang pag-atake sa kanila.
Pagre-red-tag sa NUPL
Nakalulungkot na ang mga abogado ng sambayanan na naglagak ng kanilang oras at yaman, kung hindi man ang kanilang buong buhay, sa pakikipaglaban para sa pagtatanggol at pagsusulong ng karapatang pantao, lalo na ng mga inaapi at marhinasilado, ay nakikilala bilang mga abogado ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Ang mga padalos-dalos na paratang at walang basehang pagpapahiwatig na ito ay hindi lamang naglalagay sa mga miyembro ng NUPL sa panganib, kundi nilalabag din nito ang kanilang mga karapatang mabuhay, maging malaya, maging ligtas, at maisagawa ang kanilang propesyon.
Sa katunayan, kahit na may inihaing reklamo laban sa mga miyembro ng NTF-ELCAC (sina National Security Adviser Hermogenes Espron, na vice-chairperson ng NTF-ELCAC; Southern Luzon Command chief Lieutenant General Antonio Parlade Jr, at ang tagapagsalita ng task force at Undersecretary ng Presidential Communications Operations Office Lorraine Badoy) sa Ombudsman, patuloy pa rin ang pag-red-tag sa grupo ng mga abogado. Sa kabila nito, nagpapatuloy pa rin ang pagsisikap ng mga miyembro ng NUPL upang maipaglaban ang karapatang pantao ng mga mahihirap, mga inaapi, at mga nasa laylayan ng lipunan.
Kamakailan, muli silang inatake para sa kanilang pagkatawan sa dalawang Aeta na inakusahan ng terorismo sa Gitnang Luzon. Malinaw ang katotohanan sa isyung ito para sa aming nakaaalam kung paano magtrabaho ang NUPL. Isa itong pagtatangkang siraan sa publiko ang dakilang organisasyon at papanghinain ang gawain ng NUPL, ngunit hindi ito magtatagumpay.
Abogadong matatapang
Ang mga salita ni Supreme Court Chief Justice Reynato Puno sa Founding Congress ng NUPL noong Setyembre 2007 ay nakaukit na ngayon sa puso ng bawat miyembro ng NUPL: Sa pagtalaga sa inyong sarili bilang mga abogado ng sambayanan (o people’s lawyer), isang pambihirang pagpili ang inyong ginawa. Pinili ninyong huwag manatili sa gilid-gilid. Kung saan may karapatang pantaong niyuyurakan, pinili ninyong isakripisyo ang proteksyon at ginhawa ng pagiging nasa gilid para sa panganib ng digmaan. Ngunit iyong mga pumipili na lumaban sa digmaan ang tanging nabubuhay nang palaging higit pa sa pagka-kawalang-saysay.
Hindi mararating ng NUPL ang posisyon nito ngayon kung hindi dahil sa integridad ng gawain nito at sa tiwalang ipinagkakaloob ng mga pinaglilingkuran nito. Naging mabilis ang pagtugon nito sa tuwing may nangangailangan. Palaging nasa harap sa tuwing may pag-atake sa mga mahihirap at marhinalisado, lalo na ang paniniil sa pagtuligsa at ang pagre-red-tag ng mga opisyal ng pamahalaan, at ng mga miyembro ng NTF-ELCAC.
Sinabi noon ni Romy Capulong, mayroon tayong kliyenteng matatapang. Nararapat din silang magkaroon ng abogadong matatapang.
Sa harap ng pagre-red-tag at pag-atake laban sa propesyong legal, lalo na sa NUPL, naninindigan ako kaisa ng mga miyembro ng National Union of Peoples’ Lawyers, ang pinakamagigiting sa mga magigiting, at ipinagmamalaki kong tawagin sila bilang aking mga kasamahan, kaibigan, at katuwang sa pagsusulong ng at pakikipaglaban para sa karapatang pantao.