Translated by Jayvy Gamboa
Original article (Rappler) with Jayvy Gamboa; Bisaya translation
PART 1: Bumubuo ng bansa ang mga negosyo; pinaghaharian ng mga oligarkiya
Sa gitna ng kaguluhang bunsod ng pagkakatanggi sa prangkisa ng ABS-CBN, ang mga pinuno ng pamahalaan, na sina Pangulong Duterte at ang kanyang mga kaalyado sa Kongreso, ay naging pinakanangingibabaw na tinig sa kampanya ng administrasyon laban sa mga oligarkiya na umaabot sa puntong sinisiraan na nila maging ang buong business community na sa loob ng ilang dekada ay nagtaguyod upang maiangat ang ekonomiya ng Pilipinas, sa kabila ng hindi maayos na pulitika.
Ilang minuto pa lamang ang nakalilipas sa kanyang ikalimang State of the Nation Address, sinabi ni Duterte, “Great wealth enables economic elites and corporations to influence public policy to their advantage. (Binibigyang kakayanan ng kayamanan ang mga economic elite at korporasyon upang impluwensiyahan ang pampublikong polisiya para sa kanilang kapakinabangan.)” Lantaran din niyang inakusahan si Senador Franklin Drilon ng pagtatanggol sa mga oligarko, ngunit pinagsabihan niya ang senador sa mga atake nito sa mga political dynasty na kung saan kasama ang pamilya Duterte.
Kadalasan, madaling napaghahalo ng nakikinig na publiko ang oligarkiya at ang negosyo. Ngunit tama ba ito?
Sa tatlong bahaging series na ito ukol sa oligarkiya at nation-building, nililinaw namin ang kadalasang pagkahalo ng imahe ng oligarko na pinaghahari-harian ang bansa at ng business community na tumutulong sa nation-buiding; tinitingnan at ipinapahayag ang potensyal ng mga oligarko upang magbagong-anyo patungo sa mga nation-builder; at pagtibayin na ang totoong inaatake ni Duterte ay mga nation-builder, hindi ang mga oligarko.
Paglilinaw sa imahe ng oligarko
Kapag iniisip ng mga tao ang mga oligarko, naiuugnay nila ang mga negosyo, kita, kontrol sa merkado, at pang-aabuso. Kasama sa mga imahe ng oligarko sa isip ng publiko ang mga nakakatakot na matatandang lalaki, Spanish o Chinese na mestizo, sa kanilang plantsadong amerikana at nakaupo palibot sa lamesang gawa sa narra sa loob ng naka-aircon na conference room sa isa sa mga matatayog na gusali sa Makati o BGC. Malamang ay tinatawanan nila ang matagumpay na business venture, ang naareglong alitan laban sa unyon, o ang pahayag na off-the-record ng isa sa mga executive nila sa kung paano nila nakuha ang government clearance sa pagkausap lamang sa “tamang tao.” Palagi silang nananalo at palagi nilang nakukuha kung anong gusto nila.
Matapos nito, itinatanong namin, lahat ba ng mga negosyo ay pinapatakbo ng mga oligarko? Tiyak na hindi.
Hindi man magtungo sa masalimuot na talakayan kung ano mismo ang bumubuo sa isang oligarkiya, sinusubukan naming pagbukurin ang oligarko mula sa hindi oligarko; mula sa isang business community. Maaaring sabihin na ang mga oligarko ay mga tao o mga grupo ng tao, kadalasan ay mga pamilya, na nagtataglay ng malaking interes at impluwensiya sa ekonomiya at pulitika.
Kung susubukan nating gumawa ng imahe, na walang pagtutukoy sa kahit sinong oligarko, isipin ang isang pamilya, nagmamay-ari ng maraming negosyo sa iba’t ibang industriya, marahil ay sa telekomunikasyon, agrikultura, at real estate, na mayroong malaking bahagi ng merkado na sapat upang maimpluwensiyahan ang nibel ng presyo o suplay. Salungat sa mga negosyanteng may purong ekonomikong gawain, dapat ay may katuwang itong paghawak sa maraming posisyon sa pamahalaan, sa executive man o legislative, maging ang mga opisina man ay may direktang ugnayan sa industriyang kinabibilangan nila.
Paghahari-harian sa ekonomiya, sa isang banda, at impluwensiyang pulitikal, sa kabila, ang bumubuo sa isang potensyal na oligarko.
Pagtatanggol sa mga negosyong nasa nation-building
Sa totoo lamang, kakaunti lamang ang mga pamilya sa bansa na maituturing na oligarko kumpara sa iniisip ng mga tao. Bagaman maraming pamilya ang nagkukumpetensiya sa merkado, iilan lamang dito ang pinipiling tumawid mula sa negosyo at maging bahagi rin ng pulitika.
Iginigiit namin na, salungat sa pahayag ng administrasyon laban sa mga Lopez, Ayala, at Pangilinan, bukod sa iba pa, sila ay mga lehitimong negosyo na nag-aambag sa nation-building.
Sa kaso ng mga Ayala, bilang may-ari ng concessionaire ng tubig sa Metro Manila, ang Manila Water, pinamunuan nila ang water distribution utility noong 1990s mula sa mga pagkabigo ng pamahalaan na magbigay ng accessible at ligtas na tubig para sa publiko. Pinamumunuan din nila ang mga industriyang pangtelekomunikasyon at bangko sa pamamagitan ng Globe at BPI. Kung hindi pa ito sapat upang mapatunayan ang kanilang dedikasyon upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino, itinayo nila ang APEC Schools noong 2013 na naghahatid ng abot-kaya at learner-centered na edukasyon sa libu-libong mga estudyante. Dagdag pa rito, namumuhunan ang AC Energy sa renewable at sustainable na enerhiya at nagbibigay naman ng abot-kayang healthcare para sa lahat ang AC Health sa pamamagitan ng Generika. Ipinagdiriwang ang ika-30 taon ngayong 2020, ang Ayala Foundation ay nagpapanatiling buhay ng kulturang Pilipino (Ayala Museum), nagbubuo ng mga komunidad sa pamamagitan ng sustainable na hanap-buhay, at nagbabago ng buhay ng mga kabataang Pilipino (Ayala Young Leaders Congress).
Sa kaso ni Pangilinan, pinamumunuan niya ang Maynilad, ang katuwang na concessionaire ng tubig ng Manila Water sa paghahatid ng tubig sa silangang Metro Manila. Ang kadalasang binabatikos na Meralco, PLDT, at Smart mula sa industriyang enerhiya at telekomunikasyon ay nasa ilalim din ng kanyang pamumuno. Kasama rin dito ang TV5, isa pang matibay na tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag. Sa katunayan, binuksan ni Pangilinan ang kanyang network para sa mga manggagawa ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho. Siya ay Chairman din ng Philippine Business for Social Progress, at kilala na may malawak na pilantropikong gawain sa pamamagitan ng PLDT Smart Foundation, Alagang Kapatid Foundation, One Meralco Foundation, MVP Sports Foundation, at Makati Medical Center Foundation.
Pinamumunuan din ni Pangilinan, kasama ng mga Ayala, ang Philippine Disaster Resilience Foundation, ang malawakang organisasyon ng pribadong sektor para sa disaster preparedness, relief, at recovery, na nakatuon sa limang sektor: (a) tirahan, (b) kabuhayan, (c) edukasyon, (d) kalikasan, at (e) tubig, imprastraktura, sanitasyon, at kalusuhan.
Sa kaso ng mga Lopez, bagaman inaamin namin na sila ay nagkaroon ng kasaysayang oligarko, inuulit namin na sila ay nagbagong-anyo na patungo sa pagiging nation-builder na hindi karapat-dapat sa pangungutyang binigay ng Kongreso, na tatalakayin namin sa ikalawang bahagi ng series.
Kinilala na rin namin sa isa naming article ang mahalagang papel ng business community sa pagtugon sa COVID-19 na mailalarawan bilang pagpasan ng higit na mas mabigat na tungkulin kaysa inaasahan mula sa kanila. Katakataka, sinabi pa ni Presidential Spokesperson Roque na hindi niya alam kung bakit hindi kumilos ang ABS-CBN gaya ng mga Ayala at ni MVP. Iyon daw ang naging pagkakaiba, na tila pinagtatapat pa niya ang mga ito laban sa isa’t isa. Alam nating lahat na hindi ito totoo.
Bagaman tila ipinagtatanggol namin ang business community ng Pilipinas, hindi ito dapat tingnan bilang malawakang pag-endorso sa lahat ng kanilang gawain tulad ng malinaw na paglapastangan sa ating kalikasan at pag-abuso sa Pilipinong manggagawa. Gayunpaman, naniniwala kami na kung sila man ay nakalabag ng regulasyon, ang tamang hakbang ay hindi pagkundena at tahasang pagpapasara, kundi pakikipag-ugnay upang hamuning mas mapabuti pa ang mga ito.
Bumubuo ng mga komunidad ang mga negosyo, at gayon din ng bansa. Kasalungat nito, mapag-iiba natin ang mga oligarko mula sa mga negosyo, sapagkat itinuturing lamang ng mga oligarko ang nation-building na pangalawa sa kanilang interes. Sa halip, gusto nilang mapaghari-harian ang pambansa at pampublikong interes para sa kanilang lalong ikasasagana.
Oligarkiya sa nation-building
Mula sa mga negosyong bumubuo, magtungo tayo ngayon sa mga oligarkong naghahari-harian.
Hindi naming masisisi ang taumbayan sa galit na dinadala nila laban sa mga oligarko. Ang kasaysayan natin bilang bansa ay puno ng mga halimbawa na bumuo ng paniniwala na ang bansang binuo at ang pamahalaang pinamunuan at pinatakbo ng mga oligarko ay ang humahadlang sa maginhawang pamumuhay ng taumbayan. Ang pinakamagandang halimbawa nito ay ang mga crony ni Marcos. Pinatibay ng pambansang karanasan ang paniniwalang walang lugar ang isang oligarko sa nation-building. Oo, naniniwala kami rito, ngunit hindi dapat ito gawin sa ikasasama ng mga lehitimo at sustainable na negosyo.
Gayumpaman, muling sinamantala ni Duterte at ng kanyang mga kaalyado sa Kongreso ang panawagang ito at nakahanap sila ng bagong kalaban: ang business community. Padalos-dalos at agarang itinuturo ng mga tao, kasama na ng administrasyon, ang mga korporasyon at negosyo, na para sa kanila ay kadalasang awtomatikong pinararatangan bilang oligarko. Dapat itong matigil kung gusto nating yumabong ang mga negosyo.
Ang tanong ngayon para sa atin na sasagutin sa susunod na bahagi ng series ay maaari bang magbagong-anyo mula sa isang oligarko patungo sa isang nation-builder. Maaaring may kasagutan dito ang mga Lopez.
PART 2: Mula sa isang oligarko patungo sa pagiging nation-builder
Sa puntong malinaw na para sa atin ang imahe kung ano ang isang oligarko kung itutunggali sa isang lehitimong negosyo, na tinalakay sa unang bahagi ng series, maaari na nating talakayin ang tila isang dichotomy o pagtutunggali ng oligarkiya at nation-building.
Sila ba ay matitigas na bloke na kailanman ay hindi magiging magkatugma?
Ang tila pagkasalungat ng isang oligarko at isang nation-builder, kung saan ang nauna ay nagpapahiwatig ng pagkamakasarili habang ang nahuli naman ay nagpapakita ng pagkamapagbigay, ay pumipilit sa atin na mag-isip ng dalawang magkatunggali, na nagpapalagay na maaari lamang pumili mula sa dalawa. Dagdag pa rito, lumilikha ng ilusyon ng pagpipilian at ilusyon ng pagpili ang isang dichotomy. Paano ang C, D, o E? Paano ang posibilidad ng pagbabago? Ng pagbabagong-anyo ng A patungo sa B, o ng B patungo sa A?
Kapag nagawa na ang pagpili, gumagawa lamang ang dichotomy ng espasyo upang kalaunan ay magkundena, halimbawa, ng mga oligarko. Tila imposibleng gawin ito sa iba pang paraan kapag napili na ng isang tao ang kanyang kapalaran bilang oligarko. Ang pagbabago ay hindi lamang simpleng pagpili. Ang pag-iwan sa pagiging oligarko ay hindi maaaring piliin. Nararapat lamang itanong, pagkundena lamang ba ang tanging paraan upang magpatuloy? Hindi kami sumasang-ayon.
Alternatibo sa dichotomy na oligarko – nation-builder
Ang isang spectrum, sa halip na isang dichotomy, kung saan magkasama ang oligarko at ang nation-builder ay ang akmang naratibo para sa transpormasyon o pagbabagong-anyo.
Hindi tulad ng isang dichotomy, ang spectrum ay isang continuum o pagpapatuloy; sa gayon, hindi ito nakatali sa pag-iisip na “A or B”, ngunit pinapayagan nito ang “mula sa A patungo sa B” o “mula sa B patungo sa A”. Kasama ng malayang pagdaloy na ito ay ang potensyal na pagbabagong-anyo ng isang oligarko patungo sa pagiging nation-builder, gaano man kaliit ang posibilidad na ito. Maaari ring totoo ang kabaliktaran nito. Sa puntong ito, kailangan lamang nating kilalanin na hindi ito imposible.
Kung isasaalang-alang natin ang spectrum, mayroon dapat isang common ground—o line—kung saan namamaybay ang oligarko at nation-builder; posibleng isang crux ng pagbabago. Sapat na sa ngayon na parehong may pontensyal upang lumikha ng epekto sa pambansang kamalayan. Kapag naghari-harian ang oligarko sa isang industriya o rehiyon sa punto ng pang-aabuso, mabubuhay ang mga naapektuhan at bibitbitin ang pakikibaka nila. Sa kabilang banda naman, kapag pinaunlad ng nation-builder ang mga nasa laylayan at prinotektahan ang mga inaapi, magpapatuloy naman sila upang ipamahagi ang kwento ng kagitingan at pagkabukas-palad.
Mga Lopez bilang oligarko
Ang ugat ng sinasabing oligarkiya ng mga Lopez ay maaaring makita sa magkapatid na Eugenio “Eñing” Lopez, Sr. at Fernando “Nanding” Lopez, Sr. Bagaman prominente at nagmamay-ari ng malalawak na negosyo sa Iloilo ang pamilya Lopez, masasabing pareho sina Eñing at Nanding ang mapangarap sa pamilya na nagdala sa kanila mula sa pagiging lokal na negosyante patungo sa pambansang entablado: si Eñing bilang negosyante at Nanding bilang pulitiko – ang mga sangkap ng isang potensyal na oligarkiya.
Kasama sa iba’t ibang industriya, pinasok ni Eñing ang transportasyon (sa lupa at himpapawid), enerhiya (MERALCO), mass media (Manila Chronicle at ABS-CBN Corporation), at agrikultura (sugar), bukod sa iba pa. Ang malalawak niyang ari-arian at hindi maitatangging pambansang impluwensya ang nagbigay kakayahan sa kanya upang makialam sa nasyonal, at malamang maging, sa lokal na pulitika.
Katuwang ng ekonomikong kapangyarihan ng kanyang kapatid, kilala si Nanding sa kasaysayan ng Pilipinas bilang natatanging nahalal bilang Pangalawang Pangulo ng dalawang magkaibang Pangulo, Elpidio Quirino (1949-1953) at Ferdinand Marcos (1965-1973).
Saksi ang kasaysayan kung saan nagtungo ang kanilang relasyon kay Marcos. Nagsimula ito nang matamis na nakita sa pagkakapili kay Nanding bilang running mate ni Marcos at kalaunan ay sa kanyang pagiging Pangalawang Pangulo. Tiyak na sinuportahan ni Eñing ang kanyang kapatid sa pamamagitan ng pagpapadaloy ng pera patungo sa kampanya. Ngunit nagtapos ito sa isang paghihiwalay; pagpapakulong ni Marcos kay Eugenio “Geny” Lopez, Jr., anak ni Eñing, at pag-alok sa ama ng kalaayan ng anak kung ibebenta nito ang kanyang mga kumpanya kay Marcos at sa mga crony nito, at pagpapatanggal ni Marcos ng posisyong Pangalawang Pangulo upang tuluyang mapaalis si Nanding sa pamahalaan. Binansagan din ni Marcos ang pamilya Lopez bilang isang “oligarko”.
Ang pagbagsak ng diktaduryang Marcos at ang pagbalik ng mga Lopez upang buhayin muli ang kanilang mga negosyo sa post-EDSA na Pilipinas ang turning point: mula sa isang oligarko patungo sa pagiging nation-builder.
Mga Lopez patungo sa pagiging nation-builder
Pinamunuan ni Geny Lopez, at kalaunan ng kanyang anak, si Eugenio “Gabby” Lopez III ang paglikha ng nation-builder mula sa oligarkiyang pinagmulan ng pamilya nila. Sa ngayon, may interes ang Lopez Holdings Corporation sa apat na pangunahing industriya: Power at Energy (First Gen), Multimedia Communications (ABS-CBN at Sky Cable), Property Development (Rockwell Land at First Philippine Industrial Park), at Manufacturing (First Philec).
Binitawan ang pulitika, Nanindigan ang mga Lopez noong post-EDSA: wala ng pulitika. Wala ni kahit isang Lopez na humawak ng mahalagang posisyon sa pamahalaan, maliban na lamang kay Gina Lopez na tatalakayin namin sa ibaba. Natutunan nila ito sa mahirap na paraan noong ginawa silang walang kalaban-laban ng mga kagustuhan ni Marcos, na tila ang ginawa nila sa kanilang buong buhay ay nakadepende sa iisang tao – na hindi dapat ito ang kaso. Marahil, nagkaroon ng pagkamulat na ang pagsasama ng ekonomiko at pulitikal na kapangyarihan ay isang sakunang naghihintay maganap, isang pinag-uugatan ng katiwalian.
Corporatized. Ang pananaw para sa pagiging bukas at sa pananagutan ang nag-udyok sa maraming kumpanya ng mga Lopez, tulad ng First Gen, ABS-CBN, at Rockwell, na maging publicly listed. Ito ay tila isang pagbubukas ng pinto ng negosyo upang makilatis at syempre upang mapamuhunan ng kahit sino. Hindi lamang nito naibalik ang tiwala sa estilo ng pamumuno ng mga Lopez, ngunit nagtulak din para sa innovation. Higit na mahalaga, hinimok din ng good corporate governance ang mga Lopez upang gumawa ng mga desisyong makabubuti hindi lamang para sa kanilang mga stockholder, ngunit pati na rin sa kanilang mga stakeholder.
In the service of the Filipino. Ang dedikasyon ng mga Lopez sa serbisyo-publiko – at nation-building – ang nagpatitibay ng pagbabagong-anyo nila mula sa isang oligarko patungo sa pagiging nation-builder. Hindi matapos-tapos ang listahan: nakapagbibigay-kaalaman na pamamahayag, programang pang-rehiyon, entertainment, at TFC ng ABS-CBN; internet ng Sky Cable; renewable na enerhiya ng First Gen; komunidad ng Rockwell; trabaho ng First Pacific Inudstrial Park; nasagip na kabataan ng Bantay-Bata 163; pagtugon sa sakuna ng Sagip Kapamilya; Ilog Pasig at La Mesa ng Bantay Kalikasan. Lahat ng ito ay ginawa hindi bunsod ng publicity, subalit ng pagpapahalaga na serbisyo-publiko dapat ang prayoridad ng kanilang negosyo.
Kahanga-hanga rin ang malasakit ng mga Lopez para sa pagprotekta sa kalikasan sa pangunguna nina Oscar Lopez na nagtayo ng center na sumusuporta sa science-driven na teknolohiya sa pagbuo ng matitibay na komunidad, at Gina Lopez na, sa kabila ng pagiging Environment Secretary sa pamahalaang Duterte, walang pakundangang ipinasara ang iresponsableng pagmimina sa bansa hanggang sa siya ay unti-unting napaalis ng mining lobby.
Pinatunayan ng mga Lopez na ang pagbabagong-anyo mula sa isang oligarko patungo sa pagiging nation-builder ay totoong hindi imposible.
Gayunpaman, bagaman alam natin na tradisyunal na oligarko ang mga negosyanteng naging pulitiko o nagpondo sa mga partido at propaganda tulad ng pinagmulan ng mga Lopez, ang mga kasalukuyang oligarko ay hindi na ganito. Ngayon, nakikita natin ang mga oligarko sa mga pulitiko, lalo na sa mga political dynasty, na ginagamit, at mas masaklap, pinipilit ang mga lehitimong negosyo upang magkamkam ng higit na kapangyarihan.
Ang susunod at huling bahagi ng series ay tinitingnan kung paano, sa pagpapasara ng ABS-CBN, binuwag ni Duterte ang isang nation-builder, taliwas sa kanyang sinasabi – isang oligarko.
PART 3: Binubuwag ni Duterte ang mga nation-builder, hindi mga oligarko
Sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang kontrobersyal na talumpati sa Jolo noong ika-13 ng Hulyo 2020, na tumutukoy sa ABS-CBN, “Without declaring martial law, I dismantled the oligarchy that controls the economy of the Filipino people. (Kahit hindi ako nagdeklara ng batas militar, binuwag ko ang oligarkiya na kumokontrol sa ekonomiya ng mga Pilipino.)” Ginawa ito iilang araw matapos tanggihan ng House Committee on Legislative Franchises ang prangkisa ng ABS-CBN para sa pagpapatuloy ng operasyon nito.
Ang layuning mabuwag ang oligarkiya sa bansa, na pinagtibay ng mga political analyst at ng akademya, ay totoong kahanga-hanga – kung magagawa nang tama. Sumasang-ayon kami rito, at katulad ng tinalakay sa una at ikalawang bahagi ng series, ang pakikipaggiyera laban sa mga oligarkiya, nang walang pag-iiba sa pagitan ng mga totoong oligarkiya at ng lehitimo at sustainable na business community, at walang pagpapahalaga sa posibilidad ng pagbabagong-anyo mula sa isang oligarko patungo sa pagiging nation-builder (i.e. mga Lopez), ay tiyak na mabibigo at higit na magpapalawak sa lamat ng ating watak-watak na lipunan.
Ang gawain tulad ng kay Duterte kung saan walang pag-iibang ginagawa ay makabubuwag ng bansa.
Masyadong mapagmalaki
Sa gitna ng inaaming palpak na pagtugon sa pandemya at may dalawang taon na lamang na nalalabi sa kanyang administrasyon na nabigo sa pinakamalalaking ambisyon nito para sa bansa, mula sa pag-ubos ng iligal na droga, pagtulak sa pederalismo, pagtapos ng alitan sa pamamagitan ng mga peace talk, pagdepensa sa West Philippine Sea hanggang sa pagpapatigil sa ENDO, ang pagpapasara ng ABS-CBN tila ang natatanging tropeyong hawak ng administrasyong Duterte. Sinabi niya sa parehong talumpati, “Sa totoo lang, I’m extremely proud of myself and I do not want to share that with anybody. … Gusto ko, ako lang ang proud that I dismantled the bedrock – ‘yong pinakaposte ng oligarchy sa Pilipinas.”
Ikinalulungkot naming basagin ang ilusyon ninuman, ngunit ang pagpapasara ng ABS-CBN ay malayo sa isang tagumpay – kung ang kapakanan ng bansa ang pinag-uusapan natin, at hindi ang interes ng iilan.
Katulad ng komprehensibong pagtalakay namin sa pangalawang bahagi ng series, ang mga Lopez, ang mga may-ari ng ABS-CBN, ay maaaring nagkaroon ng nakaraang oligarko na mayroong ekonomiko at pulitikal na impluwensya, ngunit simula noon ay napatunayan na nila sa mundo na nagbagong-anyo na sila patungo sa pagiging nation-builder sa pamamagitan ng hindi mabilang-bilang na proyektong “in the service of the Filipino”. Sa gayon, ang pagpapasara ng ABS-CBN ay walang iba kundi pagpapasara ng isang nation-builder.
Malungkot naming itinatanong, ano ngayon ang maitatawag natin sa taong, lalo na sa isang Pangulong, bumubuwag ng mga nation-builder at “extremely proud” sa paggawa nito?
Isang bagay ang sigurado: hindi kailan man bubuwag ng kapwa nation-builder ang isang nation-builder.
Maaaring inihalal sa demokratikong paraan ang Pangulo upang mapamunuan ang bansa, ngunit hindi siya nito basta-basta magagawang nation-builder. Higit pa sa posisyon ang kinakailangan nito.
Ipinapakita ng ating kasaysayan na ngangailangan ng totoong pagkabukas-palad, kahusayan, at karangalan upang maging nation-builder, hindi isang titulo o kapangyarihan na maaaring gamitin kung kailan man ninanais. Kadalasan, kailangan din ng pagkahabag at pagpapakumbaba.
Iba pang nabuwag na nation-builder
Marami ng nation-builder ang pinabagsak ng administrasyong Duterte at mga kaalyado nito simula 2016.
Si Chief Justice Maria Lourdes Sereno, sa kanyang ika-6 ng sanang 18 taon na termino, na pinatalsik ng sarili niyang Korte sa pamamagitan ng quo warranto petition na ginawa ni Solicitor General Jose Calida, kasama na rin si Senador Leila de Lima na kasalukuyang hindi makatarungang nakakulong na ng higit 1000 araw dahil sa gawa-gawang paratang ukol sa droga, ay nakatanggap ng galit ng Pangulo simula pa lamang ng kanyang termino. Naging matapang si Sereno laban sa listahan ng mga huwes na di umano ay sangkot sa droga na isinapubliko ni Duterte, samantalang naging kritiko naman si de Lima ng madugong kampanya kontra-droga ni Duterte bago pa man siya naging Pangulo. Nito lamang, na-convict sa kasong cyber libel si Maria Ressa, CEO ng Rappler, na huwaran ng kritikal na pamamahayag na tila palaging nabubuklat ang mga itinatagong hakbang ng pamahalaan. Siguradong nasa mas mabuting posisyon ang bansa ngayon kung hindi ito ginawa sa kanila.
Kung iisipin natin nang mabuti, ang libu-libong pinatay, karamihan sa kanila ay mahirap, sa giyera laban sa droga ni Duterte kasama na ang mga ama, ina, at kabataan ay mga potensyal ding nation-builder – kung nabigyan lamang sila ng pagkakataong mabuhay at magbago. Libu-libong pamilya ang nangulila, nagluluksa, at nagngangalit. Ano pa ang matitira para sa bansa? Mga nawasak at nasaktang pamilya na mahirap na hilumin, kung hindi man imposible.
Marami pa sa mga nation-builder ang babagsak kapag ipinatupad na ang Anti-Terrorism Law of 2020. Sa mga probisyon nitong labag sa Saligang Batas ukol sa pinahabang panahon ng pagditene at paglabag sa due process, matutukoy ng batas ang mga aktibista online at sa lansangan. Ang batas na napakalawak at lubusang malabo ay magdadala lamang ng chilling effect sa mga progresibo, repormista, at maging sa ordinaryong Pilipino.
Estado ng (binuwag) na Bansa
Ibinigay ng Pangulo ang kanyang ika-5 na State of the Nation Address (SONA) noong ika-27 ng Hulyo. Ang inaasahang komprehensibong roadmap para sa pagbangon ay hindi nakita. Sa halip, katulad ng tinalakay namin sa isang nakaraang article, hindi para sa isang bansang nagdurusa sa pandemya ang SONA ng Pangulo. Ang nangibabaw sa kanyang talumpati ay ang kanyang pananakot sa mga Ayala at kay Pangilinan, na tinutukoy ang kanilang mga negosyong pangtelekomunikasyong Globe at PLDT-Smart, “[I]f you are not ready to improve, I might just as well close all of you and we revert back to the line telephone at kukunin ko ‘yan, i-expropriate ko sa gobyerno.” Nahanap ni Duterte ang sunod niyang oligarkong-target.
Ngunit, inuulit namin muli na ang mga Ayala at si Pangilinan ay mga lehitimong negosyante na walang ibang nasa isip kundi pagnenegosyo at paglago ng ekonomiya. Sa halip, dapat ituon ni Duterte ang kanyang atensyon sa mga sinasabing ‘New Oligarchs’ nina Dean Ronald Mendoza (Ateneo) at July Teehankee (DLSU) o mga political dynasty na kumokontrol sa pulitika ng bansa at nagtataboy ng mga investment. Paharapin niya sa salamin ang kanyang administrasyon at mga kaalyado nito at makikita nila mismo ang mga oligarkong dapat nilang buwagin.
Sa pagbuwag ng mga nation-builder at pagkabigong pagbuwag ng mga ‘New Oligarchs’, gumuguho ang mga institusyon ng bansa at tandaang si Duterte mismo ang bumubuwag sa bansa.
Ipinagmamalaki ba niya ito – kagaya noong matagumpay niyang pagpapasara sa ABS-CBN? Hindi namin tiyak.
Subalit alam nating lahat na maaaring ito ang maging legacy niya. Isang legacy ng binuwag na bansa. Na dapat nating labanan.