Kwento ng Dalawang Bansa

Translated by Jayvy Gamboa

Original article (Rappler) with Jayvy Gamboa; Bisaya translation

Sa isang bansang nagdurusa sa pandemya at naka-lockdown na ng apat na buwan, inaasahan ng mga Pilipino na mapasisigla ng State of the Nation Address (SONA) ang kanilang mga loob – kung hindi man ang kanilang mga buhay.

Noon pa man, ayon sa Section 23, Article VII ng 1987 Constitution, ginamit na ng mga Pangulo ng Republika ang SONA mula sa pinakatradisyunal nitong anyo: isang pag-uulat ng mga tagumpay at mga plano sa Kongreso na demokratikong inihalal na kinatawan ng taumbayan at paglalatag ng mga prayoridad na panukalang batas na ninanais ng Executive na isaalang-alang ng Legislative, hanggang sa hindi pangkaraniwan at kontrobersyal nitong anyo: isang plataporma upang magbigay inspirasyon sa bansa, na maaaring magtungo sa bagong paghuhubog ng pambansang pag-iisip maging ito man ay sa ikabubuti o ikasasama.

Noong Lunes, ika-27 ng Hulyo, 2020, si Pangulong Rodrigo Duterte ay naghatid ng walang kinang na SONA. Hindi malinaw, nakapanghihina ng loob, at delusyonal.

Humihiram mula sa nobela ng British na manunulat na si Charles Dickens, A Tale of Two Cities, sinasabi namin na ang talumpati ni Duterte ay sumasalamin sa kwento ng dalawang bansa: isang Pilipinas na natatalo sa isang pandemya, at isang Pilipinas na nasa isip ni Duterte.

Isang Pilipinas na humaharap sa pandemya

Ang totoo at kasalukuyang kalagayan ng bansa ay makikita sa mga mukha ng higit 8,000 na Pilipinong tinatawag na mga locally stranded individual (LSI) sa Rizal Memorial Sports Complex. Pinagsiksikan at pinuwersang lumabag ng social distancing habang naghihintay para sa mga susunod na hakbang ng Hatid Tulong Program, isang sanga ng binabatikos na Balik Probinsya Program, ang mga LSI, kanilang mga pamilya, at mga LGU ay nasa malalang panganib ng impeksyon.

Noong gabi bago ang SONA, lumagpas sa 80,000 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa – lumobo mula sa 34,000 na kaso lamang isang buwan ang nakalilipas. Sa pagpaskil ng article na ito, inaasahang malalagpasan na natin ang China, ang pinagmulan ng pandemya, sa bilang ng kaso. Nag-anunsyo na muli ang mga pangunahing ospital sa Metro Manila ng full capacity sa mga ward na nakatakda para sa COVID-19. Maraming pagkamatay ang maaaring kasunod nito, tulad ng karanasan ng ibang bansa.

Pahapyaw lamang na binanggit ang mga ito, at walang binanggit na epektibong pamamaraan upang labanan ang COVID-19 at tugunan ang mga epekto nito. Binanggit ang Bayanihan to Heal as One Act at ang ARISE Bill ngunit pahapyaw din lamang. Natalakay sana ito nang mainam ng Pangulo sa kanyang SONA – ang natatanging pambansang televised address ngayong krisis na hindi ipinalabas sa kalagitnaan ng gabi. Nasayang ang pagkakataong makuhang muli ang tiwala ng taumbayan.

Kapuri-puri ang pag-amin ni Duterte sa mga pagkukulang ng administrasyon. Tinutukoy niya ang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19, “I must admit that our actions have been far from perfect … and there could be improvements here or there—but all of us in government, including myself, assure you that we will not stop until we get things right and better for you.” (Inaamin ko na napakalayo sa perpekto ng aming aksyon … at maaari itong pagbutuhin pa—ngunit lahat kami sa pamahalaan, pati na rin ako, ay nangangakong hindi kami titigil hanggang mapabuti namin ang kalagayan ninyo.)

Ngunit ang pag-amin na ito ay walang saysay kung walang katuwang na totoong solusyon at alternatibong hakbang, katulad ng nakita natin sa SONA.

Malinaw na pinananatiling nasa kadiliman ang bansa at masasabing bumalik na naman tayo sa step one sa pagpigil sa nakamamatay na virus at sa pagtungo sa ‘new normal’.

Huwad na pag-asa

Inabangan ng mga Pilipino ang pinangako ni Presidential Spokesman Harry Roque na “roadmap” na maghahatid sa atin palabas sa pinakamalalang krisis ng hinarap ng bansa mula noong World War II. Sa halip, nagbigay ang talumpati ng mga huwad na pag-asa.

Sa bakuna para sa COVID-19, matapang na nangako si Duterte na “[t]he vaccine is around the corner.” Habang tinatanggap na wala pang plano ang pamahalaan upang makuha ito, ibinunyag ng Pangulo na nakiusap siya sa Pangulo ng China na si Xi Jinping na kung mayroon silang bakuna, maaari ba nilang unahing bigyan ang Pilipinas upang maging normal na ang takbo ng bansa sa lalong madaling panahon.

Ang pagdepende sa iisang bansa upang makakuha ng bakuna ay hindi magandang pangitain – lalo na sa isang bansa na inaangkin ang ating teritoryo. Bukod dito, hindi isang magic bullet ang bakuna na basta-basta magbabalik sa atin sa panahong wala pa ang COVID. Tatagal nang taon upang mailatag at maipatupad ang matagumpay na programang pagpapabakuna sa buong bansa.

Namumuno si Duterte sa ibang Pilipinas

Iba ang bansang inilarawan ni Duterte sa bansang nakikita natin, isang mundo kung saan walang coronavirus, kung saan mabubura ito ng political will lamang, o kung saan pamumulitika lamang ang tanging pinagkakaabalahan.

Noong simula ng pandemya, marami na ang nagsabi na ang virus ang nagdidikta kung ano ang dapat nating gawin; sumusunod lamang tayo sapagkat hindi pa natin ito gaanong kaalam. Ngunit, naiiba si Duterte; isinasantabi niya ang nakamamatay na virus para sa kanyang sariling agenda.

Itinutulak ni Duterte ang mabilis na pagkakapasa ng batas na nagpapataw muli ng death penalty sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga krimeng sakop ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, na sinasabing makapipigil ng kriminalidad ang nasabing batas. Dagdag pa rito, hindi makukumpleto ang kanyang SONA kung walang kahit anong banggit ng pagpatay, sinabi niya para sa mga drug personalities, “Do not do it in my country because I will really kill you.” (Huwag ninyong gawin sa aking bansa, dahil papatayin ko talaga kayo.)

Inaamin ni Duterte, sa harap ng bansang nauuhaw para sa pag-asa, na hindi niya kaya at wala siyang gagawin kaugnay ng dispute sa West Philippine Sea – tinawag din niya ito na “South China Sea”. Ikinakahon niya ang dispute sa dalawang extreme: giyera o pagsuko. Mariing tinuligsa ng pangunahing eksperto rito na si Justice Carpio ang pananaw na ito, na sinasabing “[a] country does not need to go to war to assert its sovereign rights. There are lawful and peaceful means of asserting sovereign rights.” (Hindi kinakailangang makipaggiyera ng bansa upang manindigan sa karapatang pang-soberenya nito. Mayroong mga paraan ng paninindigan na naaayon sa batas at mapayapa.)

At huli, ang nagpatunay ng ‘imaginary’ na Pilipinas ni Duterte ay ang walang katumbas na oras na inilaan niya upang talakayin ang mga imaginedoligarch”, na dinaragdagan pa ang pagkadismaya ng taumbayan sa serbisyong telekomunikasyon, tubig, at kuryente, na tila tayo ay nasa pangkaraniwang panahon. Inindorso pa niya ang ideya ng pag-takeover at pag-expropriate ng pamahalaan, kung hindi nila susundin ang ninanais ng Pangulo.

Hindi kami sumasang-ayon sa pag-demonize ng mga pinuno at pamilya ng mga business sa Pilipinas, maging sila man ay mga Lopez, mga Ayala, o si Manny Pangilinan. Hindi namin iniendorso ang lahat ng mga ginagawa ng kanilang kumpanya, ngunit sa tingin namin ay hindi sila mga oligarch. Hindi namin nakikita ang sinuman sa kanilang mga kamag-anak sa pulitika; hindi namin nakikita na kinokontrol nila ang mga pulitiko o mga partido.

Kagaya ng tatalakayin namin sa series ng mga article na inaasahan naming ipaskil dito, nakita namin ang kapansin-pansing pagbabago ng mga sinasabing pamilyang oligarchic, kung saan ang mga sumunod na henerasyon ay matagumpay na nakapag-modernize at nakapag-corporatize ng kanilang mga negosyo. Sa totoo lamang, ang mga oligarkiya sa panahon ngayon ay ang ating mga political dynasty, mga pamilyang humahawak ng maraming elective at appointive na posisyon at ginagamit ang kanilang mga posisyon upang habulin ang mga lehitimong negosyo at mapasunod sila sa kanilang mga ambisyon.

Malinaw na walang pakialam ang Pangulo kung bumagsak ang ekonomiya ng Pilipinas sa panahon ng matinding panganib na kinahaharap ng bansa.

Itinatanong namin, ito ba ang kailangan ng bansang lumalaban sa COVID-19? Ang sagot ay hindi.

Nasa pandemya pa rin tayo, kung sakaling may makalimot man, kasama na rito ang Pangulo.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: