Translated by Jayvy Gamboa
Original article (Rappler); Bisaya translation
Noong Biyernas, tinanggihan ng House Committee on Legislative Franchises ang bagong prangkisa ng ABS-CBN bilang isang broadcasting network. Isa itong pulitikal na desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isinagawa ng mga pinuno ng mayorya sa Kamara. Bagaman harapan na itong inamin ng Pangulo ilang araw na ang nakalilipas, makikita ng kahit sinong nagmamasid kung sino talaga ang nasa likod ng pagpapasara sa kumpanya.
Totoong talunan sa pagpapasara sa ABS-CBN
Itinulak man ito ng pagkainis ng pangulo, isang awtoritaryang galaw upang takutin ang pamamahayag, o ‘di kaya ay masasamang balak ng ibang negosyante, ang desisyon sa kapalaran ng ABS-CBN ay direktang makasasama sa libu-libong Pilipino, magdudulot ng pagkagutom ng napakaraming pamilya, at magreresulta sa pagpapalayas sa mga tahanan pati na rin ang pagtigil sa pag-aaral ng mga kabataan. Alam ko ito sa aking pagkakakilala sa ilang mga empleyado ng ABS-CBN – at hindi lamang ang mga sikat na talent ngunit pati na rin ang mga rank and file at mga mas batang reporter. Alam kong marami sa kanila ang nangangamba sa pagdating ng kanilang mga separation notice sa susunod na mga linggo. Nagpahayag na ang kumpanya na ang pagtanggal sa mga empleyado ay magiging epektibo sa ika-31 ng Agosto.
Ang mga may-ari ng ABS-CBN, kasama na ang pamilya Lopez at ibang shareholder (na may kakayahang manatili sa matagal na panahon) nito, ay maaaring lumabas na panalo sa kaguluhang ito.
Sigurado, walang oligarkiya ang mabubuwag sa hindi pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN. May mga pamilyang masisira, ngunit hindi ang pamilya Lopez.
Sa totoo lamang, hindi ako naniniwala na ang mga Lopez ngayon ay masasabing mga oligarko. Malinaw ito sa kahit sinong nakakaalam ng mga ginagawa ni Oscar Lopez upang protektahan ang ating mga gubat at biodiversity, ang pamumuno ni Piki Lopez sa usaping enerhiya kung saan inilayo niya ang mga kumpanya ng mga Lopez sa enerhiya na EDC at First Gen sa coal patungo sa mga renewable, at ang puso at dedikasyon ni Gina Lopez sa kanyang walang kapagurang pagprotekta sa kalikasan at kabataan hanggang sa kanyang pagkamatay.
Ang ABS-CBN bilang isang kumpanya ay hindi masisira, ngunit mas mapalalakas pa ng ginawa dito ngayon. Sinasabi ng mga analyst na ang maaaring maging positibo ang kahihinatnan nito kung makakatawid patungong digital at mga format na nakaayon sa internet ang kumpanya, na sa totoo lamang ay ang hinaharap ng media at entertainment. Ang kahusayan at katapatan nina Carlo Katigbak, Cory Vidanes, at Ging Reyes ay nagbibigay ng kumpiyansa sa akin na mapamumunuan nila ang kumpanya sa patuloy nitong pamamayagpag sa industriya.
Kaugnay nito, magdurusa pa rin ang publiko sapagkat may panahon kung saan marami, lalo na ang mga mahihirap, na walang digital access sa balita at entertainment ng kumpanya.
Ang pinakamalaking talunan sa kontrobersiyang ito ay ang ekonomiya ng Pilipinas. Asahan na ang hindi pagka-renew sa ABS-CBN ay magkakaroon ng mala-alon na epekto sa mga kaakibat na industriya pati na rin sa mga pinansyal na institusyon tulag ng mga bangko may interaksyon sa ABS-CBN. Dagdag pa rito, sa desisyong ito, ipinakita ng mga pulitikal na pinuno ng bansa sa mga foreign investor na ang mga desisyong may napakalaking epekto sa ekonomiya ay pinagpapasiyahan ng walang katwiran.
Walang katwirang dahilan sa hindi pag-renew sa ABS-CBN
Ang mga dahilan sa hindi pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN ay walang katwiran. Sinuyod ko nang mabuti ang mga finding ng Technical Working Group (TWG), gamit ang aking pananaw bilang propesor ng constitutional law ng ilang dekada, kasama ang aking karanasan sa executive, legislative, at judicial na bahagi ng pamahalaan, at natagpuan ko na binasta at pabaya ang ginawa ng TWG, kasama na ang mga konklusyon nito na masama ang pangangatwiran.
Mali-mali ang mga datos, binaluktot ang pagkakaintindi sa batas, at isinantabi ang public policy ng TWG (maliban kay Representative Stella Quimbo na hindi sumang-ayon), at ang Committee on Legislative Franchises (maliban sa 11 na kinatawang bumoto laban sa rekomendasyon ng TWG) sa pagtanggi sa bagong prangkisa ng ABS-CBN.
Halimbawa, maling-mali ang desisyon na hindi maaaring magmay-ari at mamuno ng ABS-CBN si Eugenio Lopez III, dual citizen ng Pilipinas at United States. Alam ng lahat ng mga first year na mag-aaral ng batas ang pagkakaiba ng dual citizenship at dual allegiance. Pinapayagan ang nauna, samantalang ang nahuli naman ay ipinagbabawal. Kung ang dual citizenship ay involuntary (o hindi pinipili), ang dual allegiance naman ay resulta ng mismong pagpili o kagustuhan ng isang tao.
Sa Pilipinas, ipinapatupad lamang natin ang dual allegiance sa pamahalaan at militar. Hindi maaaring pumasok sa pamahalaan ang mga dual citizen, kung hindi nila tatalikuran ang foreign citizenship. Gayundin, hindi maaaring sumapi ang mga Filipino citizen sa militar ng ibang bansa, kung walang treaty o kasunduan na pinapayagan ito ng nasabing bansa.
Paulit-ulit nang sinabi ng Korte Suprema na ang pagkakaroon ng foreign passport ay hindi nangangahulugang iniwan na ng isang tao ang kanyang Filipino citizenship. Tatlong dekada ng paglilingkod sa mga Pilipino at ang mismong track record niya bilang pinuno ng ABS-CBN ang nagsasabi nito. Bilang ipinanganak na Pilipino, karapatdapat si Lopez sa lahat ng karapatan at pribilehiyong kaakibat nito.
Masamang hudyat sa mga foreign investor
Gayundin, sa pagpapalabas ng ABS-CBN ng mga Philippine Depository Receipt, iginiit ng TWG na naggagawad ang mga PDR ng karapatang magmay-ari sa mga banyaga at sa gayon ay nilalabag nito ang nakasaad sa Saligang Batas na Pilipino lamang ang maaaring magmay-ari ng mga kumpanyang mass media.
Kinakailangang ulitin dito na limitado lamang sa dalawang karapatan ang nakukuha ng humahawak ng PDR, i.e. cash distribution (pagtanggap ng cash) at option to purchase (kakahayang bumili) ng mga share, na parehong hindi mga karapatan ng pagmamay-ari. Hindi maaaring magmay-ari o mamuno ng ABS-CBN ang mga banyang humahawak ng PDR; hindi rin ito papayagan ng Securities and Exchange Commission at ng Philippine Stock Exchange.
Ang desisyong ito ng Kongreso ay isang red flag (o masamang hudyat) sa lahat ng humahawak ng PDR, lalo na sa lahat ng foreign investor. Dagdag pa rito ang iba pang pagkakamali ng pagsuri ng TWG sa mga ‘di umanong paglabag ng ABS-CBN sa prangkisa, buwis, at labor – kung saan tahasang isinawalang-bahala ng TWG at ng Committee ang pahayag ng mga ahensiyang may pananagutan sa mga aspektong ito na walang paglabag na nangyari o ‘di kaya ay natugunan na ang paglabag, kung mayroon man.
Marami nang nagsabi na ang walang katwirang desisyon sa ABS-CBN ay ang final nail sa foreign direct investment sa Pilipinas. Isa na tayong pariah sa mga foreign investor.
Kailangan ng pulitikal na pagkilos
Bagaman makababangon ang mga may-ari ng ABS-CBN, sa pamamagitan ng pagbabago ng direksyon ng kumpanya, mula sa hindi pagka-renew ng prangkisa, ang mga mamamayan at ang ating bansa ay malubhang magdurusa sa magkatuwang na desisyon ng Pangulo at ng Kongreso.
Kaya naman mahalaga na mabaligtad ang pulitikal na desisyong ito, hindi dahil nakabubuti ito sa ABS-CBN o sa mga may-ari nito, kundi dahil ito ang tamang gawin para sa mga empleyado nito, para sa mga mahihirap, at para sa bansa.
Bagaman maaaring gawin ang people’s initiative, ang gastos upang maisagawa ito ay napakalaki – upang mangalap ng mga pirma, mangampanya, at upang makapagsagawa ng plebisito ang Commission on Elections. Dalawang taon na lamang din bago ang halalan sa 2022. Mas mabuting maibuhos na lamang ang lakas at panahon sa kampanya upang makapaghalal ng bagong Pangulo, Kamara, at Senado na susuporta sa pag-renew ng prangkisa, sa halip na sa isang people’s initiative.
Ang kinakailangang gawin ng mga empleyado at mga taga-suporta ng ABS-CBN ay panatiliing buhay ang isyu araw-araw at linggu-linggo sa mga darating na buwan. Hindi dapat natin ito palampasin; sa katunayan, dapat nating gawing sentro ang isyung ito sa susunod na halalan, kasama ng ibang kasinghalaga rin nito. Para sa akin, iyon ay ang pagpapawalang-bisa sa anti-terrorism law, mas malakas na posisyon laban sa paglabag ng Tsina sa ating pambansang teritoryo, pagpapalaya kay Senador Leila De Lima at ibang mga political prisoner, at pagpapatuloy ng peace negotiation sa National Democratic Front.
Bilang pulitikal ang desisyon sa ABS-CBN, sa pulitikal na paraan din lamang ito maaaring mabaligtad. Karamihan sa ating mga mamamayan, ayon sa Social Weather Station, ang sumusuporta sa ABS-CBN. Kailangang mapagtibay at magamit ang suportang ito upang mabaligtad ang desisyon.