Moment Of Truth Para Sa Prangkisa Ng ABS-CBN

Translated by Jayvy Gamboa

Original article (Rappler); Bisaya translation

Sa Huwebes, ika-9 ng Hunyo, nakatakdang pagbotohan ng House Committee on Legislative Franchises ang aplikasyon para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN pagkatapos ng 12 araw ng sunud-sunod na pagdinig. Ito ay isang moment of truth para sa pinakamalaking broadcast company sa bansa. Maaari lamang tayong umasa na gagawin ng ating mga kinatawan ang tama para sa mga pamilyang Pilipino, para sa sambayanan, at para sa ating bansa na kasalukuyang nagdurusa sa isang pandemya.

Maling dahilan upang ipagkait ang renewal

Sa loob ng sunud-sunod na pagdinig ng House Committee, maraming akusasyon at paratang ang ibinato laban sa ABS-CBN, kasama na rito ang tax evasion (o hindi pagbabayad ng kaukulang buwis), mga paglabag sa labor law (o batas na nagtatakda ng karapatan ng mga manggagawa), pulitikal na bias (o pagkiling) sa pamamahayag, at foreign ownership (o pagmamay-ari ng banyaga) at usapin ukol sa citizenship.

Para sa paratang na hindi pagbabayad ng buwis ng ABS-CBN, sinabi ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta na nilabag ng kumpanya ang mga kundisyon ng prangkisa nito dahil sa “tax avoidance schemes”. Ang paratang na ito, gayunpaman, ay pinabulaanan mismo ng Bureau of Internal Revenue na nagsabing nagbayad ang kumpanya at mga subsidiary nito ng buwis mula 2016 hanggang 2019.

Para sa paratang na paglabag sa labor law, inakusahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi sumusunod sa batas at standards ang ABS-CBN matapos nitong mapag-alaman ang ilang paglabag sa isang inspeksyong isinagawa noong Hulyo hanggang Setyembre 2018. Gayunpaman, matapos malaman ang mga pagkukulang nito, kaagad itong niremedyuhan ng ABS-CBN na nagbunsod sa DOLE na maglabas ng order noong ika-28 ng Enero 2020 na nagsasabing cleared na ang korporasyon sa mga paglabag nito.

Para sa paratang na pulitikal na pagkiling ng network, ang tanging masasabi ko ay isang network ang ABS-CBN na sumusunod sa batayan at panuntunan ng broadcast journalism o pamamahayag. Isa itong competitive, world-class na organisasyong may agresibo at kritikal na mga anchor pati na rin mga malalaya at mapanuring mga mamamahayag nito, isang bagay na direkta kong naranasan sa aking madalas na pagiging panauhin sa kanilang mga palabas at nakakapanayam ng mga reporter. Kung mayroon mang pagkakamali ang ABS-CBN, maituturo ko ang pagtutok nito sa kanilang ratings, na tila palaging may tuksong gawing sensationalist (o patok sa mga manonood) ang mga balita.

Kahit ano pa man, nangangahulugan ang freedom of the press (o kalayaan sa pamamahayag) na payagan ang mga media organization na magkaroon ng editorial freedom (o kalayaan tukuyin ang ipapahayag nito).

Para sa paratang na imoral na mga palabas, ang napakatagal ng manonood ng mga ABS-CBN soap opera na ito ay kayang tumestigo na halos lahat sa mga palabas ng network ay para sa General Patronage. Kung mayroon mang lumalagpas dito, at minsan lamang ito, ito ay kadalasang mapapangatwiranan ng artistic license.

Sa katunayan, ang panonood ko kina ABS-CBN Chairman emeritus Gabby Lopez III and ABS-CBN executives Carlo Katigbak, Cory Vidanes, at Ging Reyes na humarap sa mga pagdinig sa Kongreso ay nakapagpatibay ng aking paniniwalang nasa maayos na kamay ang hinaharap ng network. Kahanga-hanga ang ipinakita nilang dignidad, malasakit, pagka-makabayan, at kahusayan sa pagpapatakbo ng kumpanya.

Hindi isyu ang foreign ownership at citizenship

Hindi pagmamay-ari ng mga banyagang investor ang mga share sa ABS-CBN. Ang mga Philippine depositary receipts ay mga instrumento lamang para sa investment at wala ng iba pa. Katulad ng ibang mga network at media organization na naglalabas nito, hindi nagreresulta sa foreign ownership o ‘di kaya ay kontrol ng banyaga ang kumpanya.

Sa citizenship ni G. Lopez, sarado na ito dapat sa rebelasyong siya ay isang dual citizen – Pilipino at Amerikano. Walang sinasabi ang Saligang Batas na pinagkakaiba ng mga Pilipinong dual citizen simula noong pagkapanganak at ng mga Pilipinong dual citizen na pinapayagan magmay-ari ng ilang mga sektor ng ekonomiya – tulad ng mass media. Maaaring magmay-ari si Gabby Lopez, noong siya ay CEO ng network at maging hanggang ngayon, ng kahit gaano kadaming share ng ABS-CBN na nanaisin niya.

Mga dahilan para sa pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN

Ang botong oo ay makapagliligtas ng 11,000 na trabaho. Ang botong hindi ay magreresulta sa biglaang pagkaalanganin ng hinaharap ng libu-libong Pilipino, mga manggagawa ng network at kanilang mga pamilya.

Maging malinaw tayo rito: ang pagpapasara sa ABS-CBN ay magiging economic disaster para sa bansa at sa maraming pamilya. Daan-daang libong Pilipino ang negatibong maaapektuhan kung mapagdedesisyunan ng Kamara na isara ang network. Bukod sa mga permanenteng empleyado at mga kontraktor nito, maaapektuhan din ang mga supplier, mga bangko, mga negosyo tulad ng mga restaurant malapit sa mga istasyon nito sa Quezon City at iba pa. Sa aking pananaw, ang mga may dahilan ng nasabing pagsasara ay dapat ding managot sa economic chaos na maidudulot nito.

Ang pagpapasara sa ABS-CBN ay pagsira sa ekonomiya sa ordinaryong panahon; sa panahon ng pandemya, na lumulubog ang ekonomiya bunsod ng mga lockdown at pagkawala ng trabaho ng maraming Pilipino, malaki at kahindik-hindik na pinsala ang maidudulot ng desisyon ng Kongreso sa bansa ngayon at sa hinaharap nito. Hindi ko maisip-isip kung bakit iyon gugustuhin ng kahit sinong mambabatas.

Sa konteksto pa rin ng pandemya, lalo na ngayon at tumataas ang mga impeksyon, kailangan ng mga tao ang maaasahang balita pati na rin ang maayos na entertainment. Para sa mga mayroong internet, mapapanood pa rin nila ang TV Patrol at ang kanilang mga paboritong palabas, ngunit panandalian din lamang ito. Mahirap itong ituloy kung ang sitwasyon ngayon ay magiging pangmatagalan. Ngayon pa lamang, marami ng tao sa mga probinsya at ating mga isla ang hindi na nakakasagap ng balita. Mayroon itong implikasyong makapagtakda ng buhay mismo ng ating mga kababayan hindi lamang dahil ng pandemya ngunit dahil na rin sa pagpasok natin sa tag-bagyong bahagi ng taon kung saan mahalaga ang mabilis na daloy ng impormasyon upang makapaghanda at mabuhay.

Sa wakas, kung hindi sapat na mga dahilan ang ekonomikong epekto nito sa libu-libong mga pamilya at buhay ng maraming mga komunidad, baka sakaling nanaising pagtibayin ng mga miyembro ng House Committee on Legislative Franchises ang suporta nila sa mga kalayaan ng pamamahayag, magpahayag ng sarili, at magsalita kasama na rin ang karapatan para sa impormasyon, lahat ng ito ay nakapaloob sa Saligang Batas.

Nakasalalay ang malayang pamamahayag

Noong simula pa lamang, nanindigan na ako na ang pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN ay isyu ng malayang pagpapahayag. Kinumpirma ito ng mga pagdinig na tahasang makikita ang mga tanong na narinig natin mula sa ilang mga kinatawan. Ang kapalaran ng ABS-CBN ay magpapadala ng takot at kilabot sa ibang mga independent media outlet na hindi nasa parehong posisyon ng administrasyong ito. Malinaw ang mensahe sa mga media outlet na kritikal sa pamahalaan – tumangging sumunod sa gusto ng pamahalaan at magagaya kayo sa ABS-CBN.

Sa ating mga pulitiko, ang mga Binay ng Makati ang totoong nakaiintindi nito. Sinabi na ni Senador Nancy Binay, naniniwala siya na hindi naging patas ang pagtrato ng network sa kanilang pamilya. Sa kabila nito, gayunpaman, nagpahayag si Binay ng intensyong bumoto para sa renewal ng prangkisa ng network dahil hindi lamang ito tungkol sa kanya, dagdag pa niya na higit na mas mahalaga ang kalayaan para sa impormasyon. Noong Mayo, nang ipinasara ng National Telecommunications Commission ang ABS-CBN, naitala sa Rappler ang sinabi ni Bise Presidenta Jojo Binay na inaasahan niyang ipagpapatuloy ng ABS-CBN ang dakilang misyon ng pamamahayag sa serbisyo ng bawat Pilipino, lalo na sa panahon ng walang kasiguruhan sa pandemya ng COVID-19 at nakakatakot na pagguho ng mga kalayaan, kung saan ang pagpapasara ng network ay isang mabisang halimbawa.

Bukas ay isang moment of truth para sa ABS-CBN. Moment of truth din ito para sa Kamara, kung marunong ba ang mga miyembro nitong maging patas at bumoto para sa pambansang interes. Moment of truth din ito lalo na para sa bansa sapagkat ang boto ng pagpapasara ay lalong magtutulak sa atin sa economic disaster at awtoritaryang kadiliman.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: