Stranded ang Pilipinas (Filipino)

Translated by Jayvy Gamboa

Original article (Manila Standard); Bisaya Translation

Noong nakaraan kong column, isinulat ko ang tungkol sa espesyal na Social Weather Stations (SWS) Covid-19 Mobile Phone Survey noong ika-4 hanggang ika-10 ng Mayo, 2020 na nagsabing 83% sa mga Pilipino ang nakitang sumama ang kalidad ng kanilang pamumuhay noong Mayo 2020 kung ikukumpara sa nakaraang taon. Ito ang pinakamasamang datos na nakalap mula sa tanong na ito sa 37 taong pagpapatakbo ng 135 na survery ng SWS, nilalagpasan pa nito ang nakaraang naitalang 62% noong Hunyo 2008 sa mga huling taon ng administrasyong Macapagal-Arroyo.

Sa parehong survey, na isinagawa sa mga working-age na Pilipino (15 taong gulang pataas), nakita rin ng SWS na 43% ang umaasang higit pang sasama ang kalidad ng kanilang pamumuhay (na sinasabi ng SWS na “Pessimists”), laban sa 24% na umaasang pareho pa rin ang kalidad, at 24% na bubuti (“Optimists”) sa susunod na 12 buwan. Ito rin ang pinakamasang datos mula sa tanong na ito, nilalagpasan ang nakaraang naitala na 34% noong Marso 2005.

Ayon sa SWS, ang Net Optimism ay miminsan lamang negatibo. Maiuugnay sa mga pulitikal na mga noong panahon ni Marcos, impeachment ni Joseph Estrada, at kontrobersyal na 2004 eleksyon ni Gloria Macapagal-Arroyo ang mga negatibong datos noong 1984, 2000, at 2005. Nabanggit din nila na ang huling beses na ang datos ay negatibo ay noong Hunyo 2008 na -6. Makatapos, positibo na ang datos sa lahat ng 46 na survey mula Setyembre 2008 hanggang Disyembre 2019. Dagdag pa rito, ang lahat ng datos ay mataas (+20 to +29) o mas mataas pa mula Setyembre 2009.

Bakit nakikita ng mga Pilipino ang sitwasyon nila nang ganoon kanegatibo?

Hindi lamang ito dahil ng pandemya. Dahil rin ito ng pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19, na maituturing na kapalpakan kagaya nang isinulat ko noong Martes.

Ang kapalpakang ito ay makikita sa isa pang mahalagang datos mula sa survey ng SWS – na 5.4% sa mga working-age na Pilipino ay istranded dahil ng quarantine, na kulang-kulang sa 4.1 milyong Pilipinong istranded batay sa inaasahang populasyon ngayong 2020 na 75.8 milyong working-age na Pilipino.

Isipin kung ano ang nagagawa ng pagka-istranded na ito sa mga indibidwal at kanilang mga pamilya. Isipin ang kanilang paghihirap at pagdurusa. Isipin si Michelle Silvertino, istranded ng maraming araw sa Pasay, may sakit at inabanduna, at kalaunan at namatay.

Ang mukha ni SIlvertino kasama ang larawan ng mga biktima ng EJK tulad ni Kian delos Santos ay magiging hindi mabubura-burang mga larawan ng pinakamasama ng administrasyong Duterte, at kagaya nito ang mga Mamasapano at Ampatuan massacre ang hindi mabura-burang larawan ng pinakamasama ng administrasyong Aquino at Arroyo.

Halimbawa rin ng kapalpakan ng pamahalaan ang iskandaloso at hindi makatarungang paraan ng pakikitungo ng pamahalaan sa mga namamasada ng jeep at mga operator nito. Isa itong social volcano at kapag pumutok ito, tulungan nawa tayo ng Diyos.

Masama ang pagkakasadsad ng bansa. Tingnan ang nangyayari sa Cebu kung saan mas maraming doktor at nars ang kailangan ngunit mas maraming pulis at sundalo ang ipinadala at kung saan nagmumungkahi ang Gobernador ng masasamang lunas sa publiko. Pumunta sa Ninoy Aquino International Airport at kaawaan ang mga OFW at locally stranded individual na nakalantad sa panganib. Sa halip na puspusang nagtatrabaho upang malutas ang mga problemang ito, inuuna ng Kongreso ang pagpapasa ng masamang anti-terror bill at ng ibang miyembro ng Kamara ang pagpapabago ng pangalan ng paliparan bunsod ng kanilang galit sa isa nating pambansang bayani.

Mayroon syempreng maliliwanag na bahagi sa Senado. Sinusundan ko nang mabuti ang maraming mga Senador – Pia Cayetano, Sonny Angara, Grace Poe, Nancy Binay, Joel Villanueva, Win Gatchalian, Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, at Leila de Lima – at hinahangaan ko ang kanilang pagsisikap upang maipagpatuloy ang kanilang mandato bilang mga mambabatas. Tagalang ikinatutuwa ko ang tagumpay ng adbokasiya para sa mga bicycle lane ni Senador Cayetano at katatagan ng loob nina Angara (na nagpositibo sa coronavirus), Villanueva (na namatayan ng kapatid), at ni De Lima na hindi makatarungang nakapiit.

Sa Kamara, pagpupugay sa Makabayan Bloc at sa mga pinuno ng oposisyon tulad nian Edsel Lagman at ang aking kinatawan na si Kit Belmonte. Ang kanilang disiplinadong pagbabantay sa mga kaganapan sa Kamara para sa pampublikong interes ay kahanga-hanga.

Sa ehekutibo, isang mabuting halimbawa ang Bangsamoro. Ang magaling na pamumuno ni Chief Minister Murad, na tinutulungan ng mga magagaling at masisipag na miyembro ng gabinete tulad nina Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo at Minister of Social Services Raissa Jajurie ay mahalaga. Ang kanilang kahusayan sa krisis na ito ang pinakamalaking ebidensya na tama ang desisyong buoin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa huli, mahusay din ang Korte Suprema sa pamumuno sa hudikatura sa panahon ng krisis. Pinakita ng katatapos lamang na virtual oath taking ng mga bagong abugado, na tatalakayin ko sa susunod na linggo, ang kanilang pagsabay sa hamon ng panahon.

Mayroon pang paraan upang makalabas sa malalim at madilim na butas kung saan tayo naroroon at hindi nito kinakailangan ang pagpapatalsik kay Duterte. Dito, sumasang-ayon ako kay VP Leni Robredo. Ngunit kinakailangang iwanan ng administrasyong Duterte ang top-down, Manila-centric, militaristiko, at blame-the-people-who-are-pasaway na stratehiya. Sa halip, dapat silang makinig, bumuo ng pagkakasundo, makisabay at maging malikhain, at pag-isahin ang taumbayan. Pagkatapos, maaari na tayong sumulong.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: