Isang daang araw ng kapalpakan

Translated by Jayvy Gamboa

Original article (Manila Standard); Bisaya translation

Ngayong linggo, aabot na sa isang daang araw ang pagkakakulong ng mga Pilipino sa kanilang mga tahanan, komunidad, bayan, probinsya, at isla. Sinasabi ng iba na noong ika-15 ng Marso ang araw ng unang community quarantine na ipinataw sa Metro Manila, at ngayong Linggo, ika-21 ng Hunyo ang ika-sandaang araw; naaalala naman ng iba na noong ika-17 ng Marso kung kailan idineklara ang malawakang quarantine sa buong Luzon, pati na rin sa iba pang bahagi ng bansa, at sa Martes, ika-23 ng Hunyo ang ika-sandaang araw. Gayunpaman, anuman ang pagbilang natin sa araw, magkakasundo ang lahat na ang nakalipas na isang daang araw ay naging mahirap at mapangsubok.

Mayroong mga maliliwanag na bahagi ng pagtugon ng administrasyong Duterte sa COVID-19. Sinuportahan ko noong simula ang desisyong magpataw ng malawakang lockdown sa bansa. Sinuportahan ko rin ang desisyong unahing bigyan ng social amelioration subsidies ang mga Pilipinong pinakanaapektuhan. Salamat naman at nakilahok din ang pribadong sektor at organisasyon ng mga mamamayan, kasama na ang mga aktibista at progresibong grupo, sa hamong ito.

Kinikilala ko ang mga indibidwal sa pamahalaan na nagpamalas ng kahusayan. Halimbawa, naging matibay na siyentipikong boses si Dr. Edsel Salvaña sa COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases. Nagbigay naman ng mabuting gabay sina Dr. Tony Leachon at Ted Herbosa sa IATF, kahit na biglaang tinanggal si Leachon bilang adviser dahil sa pagbubulgar nito ng katotohanan. Kahanga-hanga rin ang naitutulong ng UP COVID-19 Pandemic Response Team.

Huwaran sa kanyang pagkamahinahon at kumpiyansa sa mga araw-araw na briefing si Dr. Maria Rosario S. Vergaire, Health Undersecretary. Noong simula pa lamang ng krisis, hanggang sa siya ay tanggalin, nagbigay ng mahuhusay na mga briefing si Cabinet Secretary Karlo Nograles. Sa kabutihang palad, nakakasabay din si Presidential Spokesman Harry Roque sa mapanghamong responsibilidad na naiwan ni Nograles.

Sa usaping pang-ekonomiya, ang mga gawain ni Finance Secretary Carlos Dominguez, katulong ang mga batang opisyal na may integridad tulad nina Assistant Secretary Tony Lambino at Acting NEDA Director General Karl Chua, na kilala ko bilang malikhaing pinuno, ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong lumaban.

Tumugon din ang karamihan sa mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan. Natatangi ang mga ginagawa nina Pasig Mayor Vico Sotto, Marikina Mayor Marcy Teodoro, Makati Mayor Abby Binay, Davao City Mayor Sara Duterte, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, bukod sa iba pa. Mahusay din sina Governor Kaka Bag-ao ng Dinagat Islands at Jurdin Jesus Romualdo ng Camiguin, na nagpapakita na ang stratehiyang laban sa pandemya na naaangkop sa mga isla sa isang arkipelago ay malinaw na magtatagumpay.

Walang duda na ang pinakamahusay sa lahat ay si Vice President Leni Robredo. Nangalap ng sariling pondo at nagsagawa ng programa kasama ang mga volunteer, naghatid siya ng mga praktikal at mabibisang solusyon sa mga hamong dala ng pandemya. Tinulungan niya ang mga frontliners – nagbibigay ng mga PPE, transportasyon, at maging mga pasilidad na maaaring tirahan kung kinakailangan. Tinulungan din niya ang mga locally stranded individual sa kanilang kinalulugaran at upang sila ay makauwi.

Bagaman may pagkilala sa mga indibidwal na pagsisikap, dapat mabatid na ang nakaraang isang daang araw ay hindi naging mabuti para sa bansa – at hindi lamang bunsod ng virus, na hindi kasalanan ng administrasyong Duterte, ngunit dahil ng kapalkpakan ng pamahalaan.

Ang paghihirap ng ating mga kababayan na dulot ng coronavirus pandemic at ng maling pagtugon ng pamahalaan dito – ay ngayon lamang nasasaksihan. Sa isang espesyal na Social Weather Stations (SWS) Covid-19 Mobile Phone Survey, na isinagawa noong ika-4 hanggang ika-10 ng Mayo, 2020 para sa mga Pilipinong nasa working age, nakita ng SWS na 83% sa mga tumugon ang nagsabing ang kalidad ng kanilang pamumuhay ay sumama (na tinatawag ng SWS na “Losers”), habang 10% naman ang nagsabing pareho lamang (“Unchanged”), at 6% lamang ang nagsabing bumuti (“Gainers”), kung ikukumpara noong nakaraang taon. Dapat mapansin na ang pagbagsak ng kalidad ng pamumuhay ay pambansa na may pinakamabababang resulta kung ikukumpara sa mga nakaraang survey, ayon sa SWS, sa lahat ng rehiyon mula sa Luzon hanggang sa Mindanao at mula sa lahat ng antas ng lipunan (na kung mas mahirap ang isang tao ay higit na mas masama ang epekto).

Ang kapalpakan ng pamahalaan ay higit na makikita sa pagkabigo nito, matapos ang isang daang araw, na magsaayos ng mabisang testing at contact tracing apparatus. Ipinagsawalang-bahala nito ang lahat ng ating sakripisyo noong lockdown, at tiyak na magkakaroon ng ikalawa at susunod pang mga wave ng impeksyon.

Ang kapalkapakan ay malinaw din sa pagkabigo ng pamahalaan na magbigay ng transportasyon upang maihatid ang mga essential workers sa kanilang mga trabaho at masiguro na ang mga Pilipinong istranded at makauuwi. Ang pagkamatay ni Michelle Silvertino, na naistranded sa Pasay, ay direktang maiuugnay dito. Ang kanyang mukha ang magiging larawan ng panahon ni Duterte.

Sa wakas, nakikita natin ang kapalkapakan ng pamahalaan sa pinakamatataas na antas ng liderato – ang Pangulo, ang Secretary of Health, at ang mga retiradong heneral, na namumuno sa kabuoang pagtugon ng bansa. Sinisisi nila ang iba para sa kanilang pagkabigo, nagpatawag ng militaristikong pagtugon sa isang problemang pangkalusugan, at nagdulot ng isang watak-watak, nagagalit, at nagdurusang bansa.

Tulungan nawa tayo ng Diyos kung ganito pa rin ang susunod na isang daang araw.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: