Masama para sa Mindanao ang hatol laban kay Maria Ressa

Translated by Jayvy Gamboa

Original article (MindaNews); Bisaya translation

Noong Lunes, ika-15 ng Hunyo, 2020, hinatulan ng isang Manila Regional Trial Court sina Rappler Executive Director Maria Ressa at isang dating researcher nito na si Reynaldo Santos sa kasong cyber libel. Nagmula ang desisyong ito sa isang kasong isinampa noong 2017 laban kay Ressa ng mga piskal matapos sabihin ng isang negosyante na hindi totoo ang pagkaka-ugnay sa kanya sa isang huwes na may mataas na katungkulan at sa mga transaksyong nauugnay sa droga. Ngunit itinuturing nina Ressa at ng kanyang news outlet, ang Rappler, ang kaso bilang isa sa mga pagsubok ng administrasyong Duterte na limitahan ang freedom of the press (o kalayaan sa pamamahayag). Sa desisyong ito, idineklara ng korte na walang pananagutan ang Rappler, ang kumpanya. Sinentensyahan naman sina Ressa at Santos ng pagkakakulong na hindi bababa sa anim na buwan at hindi lalampas sa anim na taon. Mananatili silang malaya sa pamamagitan ng piyansa habang nag-aapela.

Ang hatol ay isang malaking dagok sa kalayaan sa pamamahayag. Noong isang linggo, sinabi ni Maria Ressa ukol sa posibilidad ng pagpapanagot sa kanya, “Corrupt, coerce, co-opt. You’re with us or against us.” “If I’m convicted, then it’s codified into law,” dagdag pa niya.

Hindi kinakailangang isipin pa nang maiigi na ang may pakana ng kasong ito ay ang Pangulo mismo. Isa lamang ito sa mga nakababahalang hakbang na isinasagawa ng pamahalaan sa nakalipas na apat na taon. Ang pang-iipit sa ABS-CBN, ang pananakot sa GMA, ang pagkakakulong ng mga mamamahayag, o ‘di kaya ay ang pagkamatay nila – ito ang kapalaran ng marami sa mga mamamahayag sa administrasyong ito, na kapag ang isang kritiko, tulad nina CJ Sereno, Senador Leila de Lima, VP Robredo atbp., ay tumangging manahimik o sumubok na hamunin ang mga polisiya tulad ng drug war.

Asahan ang pagdagsa ng mga kaso, pati na ang pangungutya, kapag nagsalita ka laban sa mga nasa kapangyarihan.

Ang karanasan ni Maria Ressa ay sintomas lamang ng karumaldumal na estado ng kalayaan sa pamamahayag at karapatang magsalita sa bansa. Patuloy ang pagpapaguho ng mga karapatan at kalayaan sa anumang kalagayan, maging sa panahon ng pandemya o hindi. Ang lahat ng ito ay tila nakapagpapagunita ng panahon ng Martial law kung saan ang mga karapatan ay binawi; kung saan ang mga mamamahayag ay kinailangang magdusa, at kinailangang ibuwis ang kanilang buhay upang masiguro na ang pamamahayag ay mananatili noong panahong iyon.

Ang kalayaan sa pagdaloy ng impormasyon at sa pamamahayag, mga bahagi ng kalayaang magsalita, ay totong napakahalaga at magkakaugnay na mga karapatan sa isang demokratikong estado. Binibigyan ng pagkakataon ng malayong pagdaloy ng opinion ang mga mamamayan upang makabuo ng sariling pananaw ukol sa mga pampublikong isyu – lalo na ngayon kung kailan nasa isang pandemya tayo at ang totoong impormasyon ay kritikal. Ang mga kalayaang ito ay higit na mahalaga sa Mindanao dahil sa maraming problema sa pamamahalang kinahaharap ng ating isla. Kaya naman napakahalaga nito para sa mga mamamayan; na hindi masisiil ang karapatang magsalita ng saloobin at magpahayag ng sarili. Ang mga media outlet tulad ng ABS-CBN, GMA, at ang mga mamamahayag ay nagbibigay sa atin ng impormasyong kritikal sa mga usaping direkta o hindi direktang nakaaapekto sa atin. Kaya totoong napakalahaga na maaari silang mangalap, ipakalat ang impormasyon, at ilabas ang mga nalalaman nila, nang walang takot.

Ang pagpigil sa kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag ay ipinagbabawal, maging ito man ay prior restraint (o pagpigil bago pa man mailathala) o subsequent punishment (o pagpaparusa pagkatapos mailathala). Responsibilidad ng estadong protektahan, hindi sirain, ang mga batayang kalayaang ito. Para sa mga korte, ang pagprotekta sa kalayaan sa pagpapahayag ay ang nangunguna, at ang kahit anong pagpigil dito ay itinuturing na exception lamang. Ang kapangyarihang para sa prior restraint ay hindi ipinagpapalagay na naaayon; kundi ang pagpapalagay ay laban sa bisa ng kapangyarihang ito. At ang pamahalaan ang may responsibilidad na patunayan ang bisa nito. Nasasabi nga, ang kahit anong hakbang upang mapigilan ang pagpapapahayag ay dapat harapin nang kunot-noo. Higit na malalang pagpigil sa kalayaang magpahayag ang prior restraint kaysa sa subsequent punishment. Bagamat pinipigilan din ng subsequent punishment ang kalayaang ito, ang mga ideya ay naipakalat na sa publiko. Sa kaso ng prior restraint, pinipigilan mismo nito ang pagpapalathala ng mga ideya sa publiko. Bagamat hindi maaaring magkaroon ng prior restraint sa protektadong pagpapahayag, maaari itong maisailalim sa subsequent punishment, sibil man o kriminal.

Hindi pa kuntento sa mga kasangkapan nito upang mapatahimik ang pagtutol at patuloy na maisapanganib ang kalayaan, malapit nang maipasa ng pamahalaan ang pinakakinatatakutang panukalang batas – ang Anti-Terror Bill. Ito ang pinakahindi-katanggap-tanggap na instrument sa lahat ng pagpapatahimik sa mga kritiko.

Sa kalagayan ng mga bagay ngayon, isang palaisipan kung kailan aakuin ng pamahalaan ang kabutihan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng paggalang sa kung ano ang talagang kanila, hindi lamang bilang mga mamamayan ng Republikang ito ngunit dahil sila ay mga tao. Sa halip, nakikita nating ang pamahalaan na patuloy na binabalewala ang karapataan ng mga mamamayan nito, at ibinabasura ang mandatong iniaatas ng konstitusyon upang pangalagaan at paglingkuran ang mga mamamayan at kumilos para sa kanilang kapakanan – ang mismong dahilan sa pag-iral nito.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: