Translated by Jayvy Gamboa
Original article (Rappler) with Joy Reyes
Pinagbotohan nang 34-2 noong ika-29 ng Mayo, na sina Rep. Karlos Zarata at Kit Belmonte lamang ang tumututol, ipinasa ng House Committee on Public Order and Safety at ng National Defense at Security ang bersyon ng Senado ng bagong terrorism act, na kilala bilang “The Anti-Terrorism Act of 2020” o S.B. No. 1083, na tanging sina Sen. Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan lamang ang bumoto laban dito.
Ang panukalang batas, na ngayon ay H.B. 6875, o “An Act to Prevent, Prohibit and Penalize Terrorism, Thereby Repealing RA No. 9372, Otherwise Known as the “Human Security Act of 2007””, ay umani ng pagtuligsa mula sa mga mamamayan, na may higit na pagtutol sa broadness (o pagkamalawak) ng panukalang batas na maaaring hayaan ang mga law enforcement agents na maparusahan at maituring na terorismo kahit na ang lehitimong pagtutol.
Noong ika-1 ng Hunyo, idineklara ni Pangulong Duterte ang panukalang batas bilang urgent (o lubhang kailangan), na naghudyat kay Senate President Sotto na ipahayag na ang pagdeklarang ito ay nangangahulugang ang panukala ay “as good as passed”.
Noong ika-2 ng Hunyo, inaprubahan ng Kamara sa second reading ang panukalang batas, na binalewala ang mga pagsubok na makapagbigay ng amendments (o susog) dito, kasama na ang mga iminungkahi nina Rep. Bong Suntay, Chair ng Committee on Human Rights, at Magsasaka Rep. Argel Cabatbat. Dahil ang nasabing panukala ay mismong ang bersyon ng Senado, kapag ito ay naipasa sa third reading, hindi na kinakailangan ng pagdinig ng bicameral conference committee. Pagsasamahin na lamang ang dalawang panukalang batas bago ito ipadala kay Pangulong Duterte para sa kanyang lagda.
Noong hapon ng ika-3 ng Hunyo, sa pagboto na 173-31-29, inaprubahan ng Kamara sa third at final reading ang H.B. 6875. Wala ng makapipigil sa batas na ito.
Anti-Terror Bill: Problematiko at Overbroad (o lubhang malawak)
Sa unang tingin, pinalalawak ng dalawang panukalang batas ang mga krimeng pinarurusahan ng orihinal na Human Security Act. Kung pinaruruhasan lamang ng nahuli ang terorismo at pagkakasundong gumawa ng terorismo, pinarurusahan naman ng dalawang panukala ang iba’t ibang mga gawain, kasama na rito ang terorismo, pagkakasundo, pagmumungkahi, at pag-uudyok na gumawa ng terorismo, ang pag-aanyaya at pagsali sa mga teroristang organisasyon. Ang nasabing lubhang malawak na depinisyon kung ano ang naparurusahan ayon sa batas ay maaaring magtungo sa pagkamalabo, at sa maraming kaso, pag-abuso.
Ang probisyon sa surveillance (o pagmamatyag) sa mga suspek at ang pagharang at pag-record ng komunikasyon ay mas malawak din sa bagong panukalang batas. Bukod dito, ang mga requirement para sa judicial authorization para sa surveillance sa bagong panukala ay binawasan, sa pamamagitan ng pagtanggal sa kinakailangang “no other effective means readily available for acquiring such evidence” (o walang ibang mabisang paraan upang kaagad makakuha ng nasabing ebidensya). Pinahaba rin ang bisa ng nasabing judicial authorization, mula sa orihinal na 30 araw tungo sa 60 araw, at parehong napapahaba pa ng dagdag na 30 araw.
Marahil ang isa sa pinakakontrobersyal na probisyon ng bagong panukala ay ang detention without judicial warrant of arrest (o pagkakakulong nang walang warrant mula sa huwes). Nakasaad sa kasalukuyang Human Security Act na dapat ihatid o iharap sa awtoridad o huwes ang mga pansamantalang nakakulong sa loob ng tatlong araw mula noong siya ay nahuli o naaresto. May kaukulang parusa ang sinumang lalabag dito. Ayon naman sa bagong panukalang batas, pinapayagan nito ang mga law enforcement agents o militar na ilagak sa kanilang kustodiya ang suspek sa loob ng 14 araw. Pinapayagan din nito ang karagdagang sampung araw pa, kung mapatutunayan na ang pagkakakulong ay kinakailangan para sa (1) pagpreserba ng ebidensya, (2) pagpigil sa pagsagawa ng isa pang terorismo, at (3) kung ang imbestigasyon ay isinasagawa nang maayos at walang pagpapaliban. Sa madaling salita, sa loob ng bagong panukala, ang mga suspek na sangkot sa terorismo ay maaaring pansamantalang maikulong ng hindi lalagpas sa 24 araw. Ang tanging mga bagay na hinihingi ng batas mula sa mga enforcement agents o militar ay ang pagpapaalam sa huwes ng pinakamalapit na korte sa lugar ng pagkakaaresto, pagpapabatid sa nakakulong na suspek ng mga karapatan niya, pagtatago ng opisyal na custodial logbook, at pagbabawal sa torture o coercion sa kahabaan ng imbestigasyon at interogasyon.
Bukod dito, pinalalawak din nito ang komposisyon ng Anti-Terror Council, at binabawasan ang kapangyarihan ng Commission on Human Rights. Tinanggal ng panukalang ito ang probisyong nagbibigay sa Kumisyon ng “concurrent jurisdiction to prosecute public officials, law enforcers, and other persons who may have violated the civil and political rights of persons suspected of, or detained for the crime of terrorism or conspiracy to commit terrorism” (o kaakibat na kapangyarihan upang makapag-usig ng mga pampublikong opisyal, mga law enforcer, at iba pang taong maaaring nakalabag sa karapatang sibil at pulitikal ng mga suspek o nakakulong para sa krimeng terorismo o pagkakasundong gumawa ng terorismo).
Nakasaad din sa panukalang batas na ang sinumang makasuhan para sa mga nasabing krimen ay lilitisin sa mga special courts; sa mga Regional Trial Court na maitatalaga bilang anti-terror courts, at ang mga taong nakasuhan at mga saksi ay papayagang humarap at magbigay ng pahayag sa pamamagitan ng video-conferencing.
Nabanggit na ng mga kritiko na ang mga parusa sa mga nagkasalang law enforcement agents o militar ay higit na pinababa kung ikukumpara sa mga parusa ayon sa kasalukuyang batas, samantala ay higit na pinalala at pinalawak ang parusa para sa mga suspek.
Karapatan para sa Kalayaang Magsalita at Tumutol
Ang Section 9 ukol sa inciting to terrorism (o pag-uudyok gumawa ng terorismo), isa sa mga gawaing pinarurusahan sa panukalang batas, ay nagsasabing “[a]ny person who, without taking any direct part in the commission of terrorism, shall incite others to the execution of any of the acts specified in Section 4 hereof by means of speeches, proclamations, writings, emblems, banners or other representations tending to the same end, shall suffer the penalty of imprisonment of twelve (12) years” o (sinuman ang mag-udyok sa iba upang gumawa ng mga bagay na nakasaad sa Section 4 nito sa pamamagitan ng talumpati, pahayag, kasulatan, simbolo, karatula o iba pang representasyong naglalayon ng terorismo, kahit walang direktang pakikibahagi sa pagsagawa ng terorismo, ay parurusahang ng 12 taong pagkakakulong).
Ang nasabing probisyon ay malinaw na pagyurak sa konstitusyonal na karapatang magsalita, magpahayag, mag-ulat, at karapatan ng mga taong magsama-sama nang mapayapa at manawagan sa pamahalaan upang matugunan ang mga hinaing na nakasulat sa Section 4 ng Bill of Rights. Sa nasabing lubhang malawak at malabong depinisyon, kahit ang mga lehitimong paraan ng pagtutol ay maaaring mapagkamalan bilang terorismo, at maparusahan gaya nito.
Sa kabilang banda, ang Section 10, na tumutukoy sa pag-aanyaya at pagsali sa isang teroristang organisasyon, ay maaaring makalabag hindi lamang sa kalayaang magpahayag, ngunit pati na rin sa karapatan ng mga taong bumuo at lumahok sa mga samahan o asosasyon.
Ano ang kailangan nating gawin ngayon?
Inuulit din namin ang pahayag ng Concerned Lawyers for Civil Liberties, kung saan kami ay nabibilang: “the bill not only contains provisions that are unconstitutional, it also weakens protections against abuse and misuse” o (hindi lamang naglalaman ang panukalang batas ng mga probisyong labag sa Saligang Batas, ngunit pinahihina rin nito ang mga proteksyon laban sa pang-aabuso); sa katunayan, “the executive, citing even wild theories and vagaries, can extensively target personalities and groups with color and force of law – something it has already been doing, but under less restricted circumstances” (o ang ehekutibo, sa pamamagitan ng mga walang basehang teyorya, ay maaaring malawakang tumukoy ng mga personalidad at grupo bilang mga terorista na pinahihintulutan ng batas).
Bilang pagpapatuloy, mula pa man noon, ang demokrasya ay nangangailangan ng pagtutol. Ang pamahalaang niyuyurakan at pinatatahimik ang mga lehitimong tumututol at tumutuligsa dito at nilalagay ito sa parehong kategorya ng “terorista” ay isang pamahalaang nabibigo sa pinakamalaking tungkulin nito: ang making – at maglingkod – sa mga nasasakupan nito.
Kung titingnang mabuti, malamang sa malamang ay hindi mapatigil ng batas na ito ang terorismo. Sa tingin namin ay hindi nito matatakot ang mga terorista. Sa katunayan, maaari pa silang makinabang dito, sapagkat malilihis ang atensyon ng law enforcement at militar tungo sa paghabol sa maling mga tao – ang oposisyon, ang mga aktibista – at hindi ang mga Maute ng mundong ito.
Mayroong sikat na kasabihan na ang freedom fighter para sa isa ay maaaring terorista para naman sa iba. Masahol ang batas na ito sapagkat kahit ang pagpapahayag at gawain ng mga tumututol na walang bahid ng karahasan ay maaaring maparasuhan. Ngunit hindi dapat tayo matakot. Ang natatanging paraan upang labanan ang pag-unawang ito ay ang pagsubok dito, sa pamamagitan ng sarili nating mga pahayag at gawain mismo.
Sa pagkakapasa ng panukalang batas na ito sa third at final reading, at ang pahayag ni Sen. Sotto, ilang sandali na lamang ay magiging batas na ang panukalang ito. Subalit, hindi pa tapos ang lahat; sapagkat sa pagiging lubhang malawak nito, ang isang legal na paghamon sa katibayan ng batas na ito ay maaaring iharap sa natatangi at pangwakas na tagapaghatol ng mga batas: ang Korte Suprema.
Mayroon ding pulitikal na proseso. Magsisimula ang gawain upang mapawalang-bisa ang batas na nananakot sa atin, ngunit hindi sa mga terorista pagkatapos lagdaan ni Pangulong Duterte ang panukala.