Translated by Jayvy Gamboa
Original article (Rappler); Bisaya translation
Hindi ako tutol sa charter change. Sa katunayan, sinuportahan ko nang maraming taon ang mga kampanya upang mapalitan ang anyo ng ating pamahalaang bilang pagrereporma sa ating pulitika at pagpapalawak ng Bill of Rights upang masama ang mga probisyong sosyo-ekonomiko. Bukod sa iba pa, nagsulat ako ng aklat na tumukoy sa mga best practice upang mabago ang Saligang Batas. Ngunit kahit bukas ako sa charter change, hindi maipagkakaila na hangal at kapabayaan ang pagsubok na palitan ang Saligang Batas habang may pandemic.
Sa kasamaang palad, inilunsad ng administrasyong Duterte, sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang constitutionalreform.gov.ph, isang kampanya upang baguhin ang 1987 Constitution. Mayroon itong layuning makapangalap ng dalawang milyong lagda pagsapit ng Hulyo 2020, at maipadala ang resulta nito sa Kongreso upang maipasa ng dalawang kapulungan ang mga panukala.
Dalawa sa pinakamahahalagang panukalang kasama sa kampanyang ito, na tinatawag na Constitutional Reform (CORE), ay ang pagbabago ng probisyong ekonomiko sa Section 6 at 14 ng Article X ng Saligang Batas, at ang kalaunang pagbabago tungo sa pederalismo.
Dapat mabatid na itinanggi ni Secretary Año na siya ang nasa likod ng inisyatibong mangalap ng mga lagda. Tinanggihan na rin ito ng mga senador at ng mga miyembro ng Kamara sa iba’t ibang mga dahilan. Ang pinakamalinaw sa mga ito ay ang pahayag ni Rep. Rufus Rodriguez, ang Chair ng House Committee on Constitutional Amendments, na nagsabing ipagpaliban muna ang mga panukala para sa charter change habang hinaharap pa ng bansa ang pandemic.
Sumasang-ayon ako kay Rodriguez, na gaya ko ay nagmula sa Cagayan de Oro at kilala ko bilang matalino, makabayan, at marunong sumunod sa daloy ng pulitika. Naniniwala rin ako na ang pagpapatuloy sa kampanyang ito ngayon ay walang pag-aalinlangang walang pakundangan at lubos na kahangalan. Tila bingi ang pamahalaan sa pagsasagawa ng mga kampanyang higit na makapagwawatak-watak sa taumbayan, lalo na sa panahon ng pandemic. Sagabal lamang ito sa mahirap na trabahong kailangang gawin upang mapanatiling ligtas ang taumbayan at buhay ang ekonomiya.
Liberalization ng ekonomiya bilang unilateral na pagsuko
Habang ang bansa at ang buong mundo ay dahan-dahang nagtutungo sa “New Normal”, mahalagang makita ang potensyal na kahihinatnan ng mga hakbang upang mabago ang Saligang Batas. Sa katunayan, sapat nang tingnan ang nangyayari sa kasalukuyan upang malaman na ang pagpapalit ng mahahalagang probisyon ng Saligang Batas ay hindi ang pinakamasinop na gawin.
Una, ang mga probisyong ekonomiko ay tiyak na maglalagay sa Pilipinas at sa mga mamamayan nito sa kapinsalaan. Madedehado ang mga resources (o yaman) ng bansa kapag tinanggal ang mga probisyon ukol sa Filipino ownership (o purong pagmamay-ari ng Pilipino), lalo na at may interes ang China sa marami sa mga ari-arian ng Pilipinas. Maaari ring madamay ang United States, at sa lumalalang tensyon sa pagitan ng US at China bunsod ng kanilang trade war, maaaring maipit ang Pilipinas sa dalawang nagpapaligsahang superpower na ito. Sa pagbubukas ng mga pangunahing serbisyo sa pag-aari at pamamahala ng mga banyaga, tayo ay nanganganib na mawalan. Kaakibat ng pederalismo, may mas malaking pagkakataon upang higit na mawasak ang bansang may lamat na.
Kahit noong wala pa ang pandemic, bilang isang resource person sa Rodriguez Committee, iginiit ko ang aking matagal nang pagtutol at oposisyon sa pagpapahintulot sa mga banyaga na mag may-ari ng lupain at magamit ang ating natural resources (o likas na yaman) bilang paninindigan sa social at environmental justice. Iyon ay isang matibay na pananggalang na dapat nating panatilihin kung ayaw nating lumala ang kaguluhan at paghihimagsik. At para sa ibang bahagi ng ekonomiya, nanindigan ako na dapat muna nating hintayin na ang pandaigdigang kaguluhang pang-ekonomiya na ating nakikita – kung saan mayroong right wing, nationalist, at populist na pagtutol sa globalisasyon – ay mawala. Hindi dapat natin isuko basta-basta ang ating depensa sa pamamagitan ng pag-liberalize o higit na pagbubukas ng ating ekonomiya sa panahon ng malalang pandaigdigang kaguluhan.
Ang pagdating ng pandemic ay lalong nagpatibay na magiging higit na delikado ang malawakang pagbubukas ng ekonomiya o liberalization. Sapagkat wala ang suporta ng pamahalaan, marami sa mga Pilipinong kumpanya at negosyo ang patungo sa pagkalugi at pagkasara. Hindi kinakailangan ng rocket science upang mahinuha na may mga tao sa ating rehiyon sa East Asia ang handa at may kakayahang bilhin at pangasiwaan ang mga negosyo at maghari-harian sa ating ekonomiya.
Hindi maaari ang pederalismo ngayon
Ukol sa isyu ng pederalismo, ang pagtugon ng mga lokal na pamahalaan sa COVID-19 pandemic ay nagpapakita kung ano ang maaaring mangyari kung magtungo tayo sa isang pederal na pamahalaan. Sa usapang legal, pumapasok ang terminong “res ipsa loquitur”: let the thing speak for itself (o hayaang magsalita ang isang bagay para sa sarili nito). Ginagawa na ng mga lokal na pamahalaan ang kani-kanilang hakbang; ngunit ating aminin na ang iba ay higit na maayos ang nagagawa kung ikukumpara sa iba.
Nakababahala rin na pinahihina ng panukala ng DILG ang mga lokal na pamahalaan sa panahong ito kung kailan nagnanais tayo ng malalakas na LGU. Isa itong paradox (o kabalintunaan) sapagkat ang isa sa mga dahilan sa pagtungo sa pederalismo ay upang mas mapalapit ang pamahalaan sa taumbayan, upang mapunta ang pagdedesisyon sa antas ng pamahalaan na pinakamalapit sa mga isyung kinahaharap, at ito kadalasan ay ang lokal na pamahalaan. Ngunit ang pagbubuo ng mga regional governments, na nakapaloob sa panukala, ay taliwas sa nasabing layunin. Ang mungkahing konsepto ng pederalismo na naglalagay ng rehiyon bilang isang federal entity ay masama para sa mga lokal na pamahalaan at sa kanilang awtonomiya. Nilalagay nito sa panganib ang kanilang pag-iral, sa katunayan, at malamang ay mababaliktad ang mga tagumpay na naabot na sa ating karanasan sa Local Government Code. Maaring masira nang tuluyan ang mga lokal na pamahalaan dahil ang kanilang kapangyarihan at gampanin ay mailalagay sa kontrol ng mga rehiyon.
Malaking pera rin ang kailangan upang magtungo sa pederalismo. Pera – iyon ang wala tayo at wala sa mahabang panahon.
Ang pagtungo sa pederalismo ay hindi lamang mahahadlangan ang kabutihang nagawa na ng mga lokal na pamahalaan at mapalalala ang katakot-takot na resulta ng hindi mahusay na pamamahala, na mangyayari kung maipatutupad ang panukalang bigyan ng higit na kapangyarihan ang mga RDC. Maaari rin itong magdulot ng mas maraming pag-abuso, lalo na ang korapsyon.
Mga prayoridad habang at matapos ang pandemic
Tayo ay kasalalukayang nasa isang global pandemic, at malayo pa ang katapusan nito, lalo na dahil sa kakulangan ng mekanismo ng pamahalaan upang matugunan ito, tulad ng mass testing at pagbibigay ng mas malaking budget sa mga healthcare center upang mas mapalakas ang kapasidad ng mga ito.
Mariin ang paniniwala ko na ang pagpapatuloy ng kampanyang ito ngayon ay magdudulot lamang ng pagkakawatak-watak ng bansa: pareho sa yaman at sa mamamayan nito. Ang laban sa pandemic ay higit na mas malaking isyu sa ating lahat at nangangailangan ng walang kahating at walang kapantay na atensyon ng pamahalaan.
Sa isang bansang watak-watak sa aspetong sosyo-ekonomiko at pulitiko, ang charter change, sa halip na makapagbubuklod sa ating lahat, ay lalo pang makasisira sa atin. Sa aking pananaw, at sinasabi ko ito bilang isang matagal na tagapagtaguyod ng charter change, kinakailangan nating ipagpaliban ang pagbabago ng Saligang Batas ng lima hanggang sampung taon. Mayroong tamang panahon para rito, at hindi ito ngayon.
Dapat ituon na lamang ng pamahalaan ang atensyon nito sa pagtugon sa krisis, sa halip na sa pagtutulak ng kampanyang ito. Dapat pagtuunan ng pansin ng administrasyong Duterte ang higit na mahahalagang bagay ngayon – ang paglaban sa pandemic, at ang pagpapanigurado na ang bawat mamamayang Pilipino ay buhay, nasa maayos na kalagayan, mayroong healthcare, at ligtas. Siguradong makapagbubuklod ito at hindi makapagwawatak-watak.