Translated by Jayvy Gamboa
Original article (Rappler) with Joy Reyes
Sa pagsasara ng ABS-CBN, nararapat lamang na matalakay ang higit na malalawak na karapatang lagpas pa sa kaparatan ng mga may-ari at manggagawa ng network. Nangunguna na rito ang freedom of the press o kalayaan ng pamamahayag, na ginagarantiya ng Saligang Batas. Nakasaad sa Section 4, Article III ng 1987 Constitution na “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.”
Ipinahayag na noon ni Chief Justice Puno: “The constitutional protection assures the broadest possible exercise of free speech and free press for religious, political, economic, scientific, news, or informational ends, inasmuch as the Constitution’s basic guarantee of freedom to advocate ideas is not confined to the expression of ideas that are conventional or shared by a majority. The constitutional protection is not limited to the exposition of ideas. The protection afforded free speech extends to speech or publications that are entertaining as well as instructive or informative.”
Malinaw na ang pag-atake sa ABS-CBN ay dahil sa kapansin-pansing independence (o kawalan ng pinapanigan) nito. Kahit anong masusing pagsusuri ng pagbabalita ng public affairs ng network ay sasang-ayon na walang political agenda sa likod ng mga ulat at palabas nito. Maaari ko pang maituro ang ilan sa mga kilalang anchor ng network na tila may simpatya sa kasalukuyang administrasyon kahit na nag-uulat sila ng mga mahahalagang balita ukol sa kapalpakan ng pamahalaan.
Isang babala para sa lahat ng iba pang media organizations ang pagsasara ng ABS-CBN. Kayo na ang susunod. Hahabulin namin kayo. Mabuti naman at karamihan sa mga mamamahayag at media organizations, kasama na ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at ang Kapisanan ng mga Broadcasters ng Pilipinas (KBP), ay nagbigay ng mariing suporta sa network. Gayon din naman, naglabas din ng matapang na pahayag ang mga samahan ng mga abugado tulad ng Free Legal Assistance Group at National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at human rights organizations tulad ng Karapatan.
Higit na mapaminsala at anti-poor sa panahon ng coronavirus pandemic ang aksyong ito ng administrasyong Duterte. Ang mga istasyon ng TV at radyo ng ABS-CBN ang dalawa sa pangunahing pinagkukunan ng impormasyon at entertainment ng milyun-milyong Pilipino, karamihan ay nasa malalayo at liblib na lugar, at marami sa kanila ay walang internet o cable TV, sa gayon ay wala ring daan upang makakuha ng alternatibong balita hinggil sa mga nangyayari sa kasalukuyan. Marami ring mga overseas Filipino ang umaasa sa ABS-CBN para sa balita. Maaari pa ring Makita ng mga may cable ang ilan sa mga palabas ng network, ngunit ang mga mahihirap ay walang kakayahan upang magawa ito. Samakatuwid, ang pagpapasara sa network ay isa ring pagyurak sa karapatan ng bawat Pilipino para sa impormasyon at entertainment.
Panghuli, nilalagay din sa panganib ng pagsasara ng ABS-CBN ang kabuhayan ng mga manggagawa nito. At para sa mga artists – ang mga creatives, direktor, manunulat, at aktor, etc., tinanggal din ang freedom of expression (o kalayaang magpahayag ng sarili) mula sa kanila.
Palaging sinasabi ng mga abugado at mga mag-aaral ng batas ang “Dura lex sed lex”, i.e., dapat ipatupad ang batas kahit sino man ang masaktan. Ito ay isang Romanong legal maxim, nabuo noong sinaunang panahon, na hindi na naaangkop sa modernong panahon kung saan wala ng hard law na hindi maaaring mabali upang makamit ang kataruangan o ‘di kaya ay makalabag ng mga batayang karapatan.
Mabilis na pag-aapruba ng renewed na prangkisa
Nagtagal lamang ng tatlong araw upang maipasa ng Kongreso at ng Pangulo ang Bayanihan to Heal as One Act. Mas higit na masalimuot ang panukalang batas na iyon, na tinatalakay ang bilyun-bilyong piso at ang buong makinarya ng pamahalaan. Ang isang legislative franchise (o prangkisang ipinagkaloob ng Kongreso) ay hamak na mas simpleng batas lamang. Sapat na ang isang pagdinig upang malaman ang mga isyu, matapos iyon ay maaaring sumunod ang session ng plenaryo para sa kaakibat na pagtalakay, debate, at pagsususog, at sandali lamang ay maaari nang sumalang sa third reading para maaprubahan ng Kamara. Nagawa na ng Senado ang trabaho nito sa mga pagdinig ng Public Service Committee na pinamumunuan ni Senator Grace Poe. Maaaring maaprubahan ang panukalang batas na ito nang hindi tatagal ng isang linggo. Hindi na rin karaniwang kinakailangan ng bicameral conference committee sa ganitong uri ng batas.
Kung aaksyunan kaagad ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso, sa katapusan ng buwan, Mayo 2020, maaari nilang mailigtas ang 11,000 na trabaho at masiguro ang kalayaan sa pamamahayag, kalayaang magpahayag ng sarili ng mga artists, at ang karapatan ng bawat tao sa impormasyon at entertainment.
Syempre, maaaring i-veto ng Pangulo ang panukalang ito. Subalit kung mangyari ito, siya na mismo ang may kagagawan at pananagutan, at wala ng iba. Ngayon, sina Duterte at ang liderato ng Kamara ang tumatayong akusado sa pagsasara ng ABS-CBN.
Nang nag-sign off ang ABS-CBN noong Martes, inalala ng mga tao na ito na ang pangalawang pagkakataong ipinasara ng pamahalaan ang network. Ang unang pagkakataon ay noong umaga ng ika-23 ng Setyembre, 1972 ilang sandali matapos ideklara ni Marcos ang martial law. Sapilitan at mabilisang ginawa ang pagpapasarang iyon sa pangunguna ng militar na nagsusi mismo ng mga studio.
Ang mga dahilan ng pagpapasara ngayon ay kasing ‘di makatwiran ng ginawa ni Marcos noon. Subalit, ngayon, nabigyan naman kahit papaano ng pagkakataon ang mga anchor ng network upang magpaalam. At magpangakong magbabalik ang ABS-CBN.
Magbabalik ito, at hindi ito dahil sa mga pulitiko.
Magbabalik ang ABS-CBN, sa lalong madaling panahon, sapagkat may suporta ito ng at nasa likod nito ang sambayanan.