Translated by Jayvy Gamboa
Original article (Rappler) with Joy Reyes
Noong gabi ng ika-5 ng Mayo, 2020, sa harap ng milyun-milyong manonood, ang ABS-CBN, ang pinakamalaking radyo at TV network sa bansa, ay opisyal nang nagsara. Ito ay ginawa upang sumunod sa cease and desist order na inilabas ng National Telecommunications Commission (NTC) isang araw matapos mapaso ang broadcast franchise (o prangkisa upang mag-broadcast) ng ABS-CBN. Bilang isang mabuting corporate citizen, nag-sign off ang network nang 7:46 ng gabi matapos ipalabas ang TV Patrol sa huling pagkakataon.
Maramdamin at malungkot na sandali iyon – hindi lamang para sa mga journalists at manggagawa ng ABS-CBN ngunit para rin sa milyun-milyong Pilipinong umaasa sa pinakamalaking network ng bansa para sa balita at entertainment. Nakakatakot din sapagkat nangyari ito habang may pandemic kung saan ang network at ang matatapang na mga pinuno, anchor, mamamahayag, at support staff nito ang nangunguna sa paghatid ng impormasyon sa publiko sa kabila ng higit na pangamba at kawalang kasiguruhan.
Tatlong araw matapos nating ipagdiwang ang World Press Freedom Day, mahalagang matingnan ang legalidad ng pagkakapasara sa ABS-CBN, na magsagawa ng pagtalakay ng mga karapatang naapektuhan (ng press, ng mga artists, at ng taumbayan), at mapag-usapan ang mga pinsala ng hakbang na ito sa sambayanang Pilipino, kasama na rito ang 11,000 na manggagawang mawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara nito.
Si Duterte at ang Prangkisa ng ABS-CBN
Nakasaad sa Section 11, Article XII ng 1987 Constitution na ang pagkakaloob ng isang prangkisa, at ang kaukulang pagsususog, pagbabago, o pagpapawalang-bisa nito, ay kapangyarihan ng Kongreso. Noong 1995, naipasa ang Republic Act No. 7966, na nagkakaloob sa ABS-CBN Broadcasting Corporation ng prangkisa sa loob ng 25 taon. Noong 2016 at nalalapit na ang katapusan ng nasabing 25 taon, naghain ng panukalang batas si Nueva Ecija Rep. Violago na humihingi ng pagkakaloob ng isa pang 25 taon, at kanyang inihain muli noong 2019; ang nasabing panukala ay nananatiling nakabinbin sa Committee on Legislative Franchises, katulad ng iba pang mga panukalang batas na naihain kasunod nito ukol sa nasabing renewal.
Nararapat banggitin na sinabi na ng Senado mula pa noon na sa puntong ang panukalang batas na nag-aapruba sa renewal, na dapat magmula sa mababang kapulungan, ay makarating dito, kaagad aaksyunan at aaprubahan ng mga senador ang panukalang batas.
Ito ay isang renewal ng prangkisa. Hindi masalimuot ang proseso upang ito ay maaprubahan.
Sa kasamaang palad, noong Mayo 2017, inakusahan ni Pangulong Duterte ang ABS-CBN ng “swindling” (o pandaraya) at binantaang ang korporasyon na hindi niya papayagang ma-renew ang prangkisa nito, dahil sa isang campaign ad na hindi ipinalabas ng network sa kasagsagan ng 2016 presidential elections. Nagpatuloy ang mga banta noong 2018 at 2019. Ngayong taon lamang sinabi ng Pangulo na pinatatawad na niya ang network.
Walang duda na ang House of Representatives (o Kamara) ay nag-aabang ng mga hudyat mula sa Malakanyang at ang mga hudyat na ito ay malinaw nilang nakita.
Dagdag pa sa mga problema ng network, noong Pebrero 2020, naghain si Solicitor General Calida ng 63-pahinang quo warranto petition sa Korte Suprema upang mabawi ang prangkisa ng network. Sa petisyong ito, sinabi niya na nilabag ng ABS-CBN ang mga kondisyon ng prangkisa nito at sinasabing nagbigay ito ng kontrol at karapatang bumoto sa mga dayuhan, at iba pa. Walang batayan ang kasong ito at hindi pa nagdesisyon ang Korte Suprema kung paano ito magpapatuloy.
Provisional authority bilang pansamantalang solusyon
Patungo sa katapusan ng buwan, naghain ng tugon ang ABS-CBN, na pinamumunuan ni CEO Carlo Katigbak, sa quo warranto proceeding at dalawang araw ang lumipas, ipinag-utos sa NTC na maglabas ng provisional authority para sa pagpapatuloy ng operasyon ng network habang tinatalakay ng mababang kapulungan ng Kongreso ang aplikasyon para sa renewal ng prangkisa.
Pinagbukod ng Korte Suprema, sa Associated Communications & Wireless Services v. National Telecommunications Network (G.R. No. 144109, February 17, 2003), ang prangkisa mula sa certificates of public convenience sa kung saan ang nauna ay isang pagkakaloob o pribiliheyo mula sa sovereign power, habang ang nahuli naman ay isang paraan ng regulasyon sa pamamagitan ng mga administratibong ahensya ng pamahalaan. Sa nasabing kaso, ang petitioner, ACWS, ay ipinasara sapagkat wala itong ni prangkisa o lisensya upang magpatakbo, sinabi ng Korte Suprema na pareho itong kinakailangan upang magpatakbo ng isang istasyon. Subalit, may prangkisa na ang ABS-CBN, at mga nakabinbin pang aplikasyon para sa renewal nito. Masasabing dapat ay may magkaibang pamantayan para sa mga broadcasting corporations na humihiling pa lamang ng prangkisa sa unang pagkakataon, at para sa mga may prangkisa na, ngunit nagnanais lamang para sa renewal nito.
Ito ang diwa ng abisong legal na binigay ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagmungkahing ang pagpapalabas ng provisional authority ay usapin ng equity (o pagiging patas). Sa madaling salita, ibig niyang sabihin na hindi patas sa mga may-ari at manggagawa ng isang negosyong may prangkisa na na ito ay maipasara habang ang renewal ng prangkisa nito ay dinidinig pa upang maaprubahan.
Parehong nabatid ng Kamara at ng Senado mula sa mga pahayag ng mga Commissioner ng NTC noong pagdinig sa Senado na maglalabas ang NTC ng provisional authority.
Dapat makita na ang cease and desist order laban sa ABS-CBN ay ang kauna-unahang pagkakataong may nailabas na ganitong utos laban sa isang broadcasting network, kung isasaalang-alang na noong mga nakaraang taon, pinayagan pa ring tumakbo ang GMA Network at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa kabila ng pagkapaso na kanilang mga prangkisa at pagkabinbin ng renewal ng mga ito.
Sa kabila nito, naglabas pa rin ang NTC ng utos, na nagsasabing ang pangunahing dahilan nito ay ang isyu sa katibayan ng prangkisa. Ito syempre ay mali sa legal na aspeto, sapagkat ang quo warranto petition ay ukol sa mga bagay na nangangailangan ng imbestigasyon. Hindi ito ginawa ng NTC at nilabag nito ang karapatan para sa due process ng network sa pamamagitan ng pagtrato rito nang naiiba mula sa ibang may prangkisa na nasa parehong sitwasyon o kalagayan.
Pagpapanagot para sa pagsasara ng ABS-CBN
Nakasalalay sa Pangulo at liderato ng Kamara ang mabagal na pag-usad ng pag-aapruba sa prangkisa ng ABS-CBN. Nararapat lamang na sila ay kumilos na ngayon. Oo, mali rin ang NTC sa pagpapalabas ng cease and desist order, ngunit sila lamang ang pinakahuling umaksyon na naging dahilan mismo ng pagsasara. Si Duterte pa rin ang may kabuuang kagagawan; ang liderato ng Kamara ay sangkot din.
Kahit na iligal ang ginawa ng NTC, hindi namin iminumungkahi na iapela pa ng ABS-CBN ang desisyon ng NTC sa korte dahil magtatagal ang kaso ng napakaraming taon hanggang sa umakyat ito sa Korte Suprema. Sa halip, lahat ng pagsisikap ay dapat ituon sa Kamara nang sa ganoon ay kaagad maaprubahan ang renewal ng prangkisa nito.