Translated by Jayvy Gamboa
Original article (Rappler) with Jayvy Gamboa
Lahat ay nakaabang sa lokal na pamahalaan.
Noong ika-17 ng Abril, 2020, isang buwan mula nang magdeklara ng public health emergency, ipinatupad ng Inter-Agency Task Force ang polisiyang “national government-enabled, local government unit-led, and people-centered response” (o pagtugong pinagagana ng nasyonal na pamahalaan, pinamumunuan ng lokal na pamahalaan, at nakasentro sa pangangailangan ng taumbayan) laban sa COVID-19. Pinamumunuan ng mga local chief executive – gobernador, punongbayan/lungsod, at kapitan ng barangay – ang mga local government unit (LGU) ay tila inilagay sa isang tug of war kaugnay ng kanilang tungkulin sa krisis na ito.
Sa kanyang pahayag sa telebisyon kung saan ipinataw ang enhanced community quarantine sa Luzon noong ika-16 ng Marso, sinabi ni Pangulong Duterte na maaari nang magsagawa ng kaukulang kilos ang mga punongbayan/lungsod upang maprotektahan ang pampublikong kalusugan sa kanilang mga nasasakupan. Tila nailagay ang mga lokal na pamahalaan sa spotlight. Kaakibat ng basbas ng Pangulo, sa isang iglap, ang mga LGU na ang may pananagutan sa pagharap sa pandemic.
Sino ang dapat maghatid-sundo sa mga healthcare workers at frontliners? Lokal na pamahalaan.
Sino ang dapat magpakain sa libu-libong pamilya – walang pinagkakakitaan, nakakulong, at nababalisa sa kanilang mga bahay, kung mayroon man sila nito? Lokal na pamahalaan.
Sino ang dapat magpatupad ng mga protokol para sa social distancing at mga checkpoint? Lokal na pamahalaan.
Makalipas ang ilang araw, at nagsisimula pa lamang masanay ang mga local chief executive sa pasaning ipinataw sa kanila, binawi kaagad ang mandatong ito. Binaliktad ni Duterte ang kanyang naunang pahayag, at sinabing ang nagdedesisyon sa krisis na ito ay ang nasyonal na pamahalaan, hindi ang mga LGU, at nagbanta sa mga lokal na opisyal na kakasuhan ang sinumang hindi susunod.
Bisitahin natin muli ang rulebook (ng mga batas) ng intergovernmental tug of war na ito. Nakasaad sa Article X, Section 4 ng 1987 Constitution na “The President of the Philippines shall exercise general supervision over local governments. […]”
Ang kapangyarihan ng Pangulo na mag-supervise (o mangasiwa) – na naiiba sa kapangyarihang mag-control (o mamahala) – ng mga LGU ay nangangahulugang kahit na may kapangyahiran ang Pangulong masigurong ipinatutupad nang mabuti ng mga LGU ang batas at magdisiplina ng mga opisyal nito sa pamamagitan ng DILG, walang awtoridad ang Pangulo na ipalit ang kanyang sariling pagpapasiya sa sariling pagpapasiya ng mga lokal na opisyal. Hindi maaaring sarilihin ng Pangulo ang pagdedesisyon.
Bagong patakaran ng laro
Nagpatuloy ang tug of war noong mga sumunod na linggo.
Naniniwala kaming ang pagsasabatas ng RA No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, na nagkaloob ng emergency powers sa Pangulo, ay nagbigay ng pag-asa sa mga LGU na ang nasyonal na pamahalaan na ang magpapatakbo ng pagtugon sa krisis na ito. Bagaman nakasaad sa batas ang napakalawak na ayuda para sa mga Pilipino na totoong kahanga-hanga, mula sa pananaw ng mga LGU, hindi ito nakapagpapalakas ng loob sa anumang paraan.
Nakasaad sa Article X, Section 2 ng 1987 Constitution na “The territorial and political subdivisions shall enjoy local autonomy.” Tinutukoy nito ang mga LGU, ginagarantiya ng Saligang Batas ang pagkapangunahin ng lokal na awtonomiya o ang kapangyarihan ng mga LGU na magdesisyon sa mga bagay na direktang nakaaapekto sa mga mamamayan nito – kahit pa sa isang public health emergency. Niyuyurakan ng Bayanihan law ang lokal na awtonomiya sa pamamagitan ng pag-utos sa mga LGU na striktong sundin ang mga tuntunin na inilabas ng nasyonal na pamahalaan; kung hindi, maaaring maparusahan ng pagkakakulong ang mga opisyal ng LGU. Nililimitahan nito ang canvas ng mga LGU sa kung anong stratehiya ang maaaring ipatupad sa kanilang mga lokalidad.
Oras na para humila ang mga LGU
Nang dahil sa mga hadlang na itong nakapagpapanipis ng kayamanan at awtoridad ng mga LGU, tingnan natin kung paano sila tumugon sa hamong ito.
Hinahangaan namin ang mga sumusunod na LGU: nagtakda ng P1 bilyong supplemental local budget ang Pasig City (Vico Sotto) upang makapagbigay ng ayuda sa lahat ng mga hindi nakasama sa ayudang ibinigay ng DSWD; nanindigan ang Marikina City (Marcy Teodoro) na ma-accredit ng DOH ang testing center nito, na nasabi ni Health Secretary Duque na “non-compliant” (o hindi sumusunod) na kalaunan ay naging “one of the best” (o isa sa mga pinakamagagaling) sa loob ng iilang araw; at nagdesisyon ang Valenzuela City (Rex Gatchalian) na magsagawa ng mass testing ng COVID-19 hindi lamang sa mga PUI, ngunit pati na rin sa mga PUM na mga asymptomatic o walang sintomas ng sakit.
Sina Abby Binay ng Makati at Francis Zamora ng San Juan ay pinupuri rin sa malawakang pagtugon ng kani-kaniyang lungsod sa pandemic. Nararapat ding bigyang pansin ang punonglungsod ng Quezon City, si Joy Belmonte, para sa kanyang pagpapakumbaba na humingi ng tawad sa publiko para sa kanyang mga aksyon noong Marso, ang lungsod na kung nasaan ang pinakamalalaking ospital na humaharap sa COVID-19. Sa katunayan, tila agresibo ang pagpapatupad ng quarantine at pamamahagi ng tulong sa kani-kaniyang nasasakupan nina Mayor Belmonte at Mayor Isko Moreno ng Manila. Ang hamon para kina Belmonte at Moreno ay ang laki ng sukat at populasyon ng kanilang mga lungsod. Dumagdag pa sa mga hinaharap ni Mayor Belmonte ang mga sexist at anti-dynasty na pahayag laban sa kanya.
Sa labas ng Luzon, kilala ang Iloilo City (Jerry Treñas) sa agresibong contact tracing (o paghahanap sa mga nakasalamuha ng mga hinihinalang may COVID-19), sa kakaibang pagpapatupad ng quarantine (kung saan pinapapanood ang mga lumabag ng mga videos ukol sa COVID-19), at sa pangunguna sa bansa ng pagpapasa ng ordinansang nagbabawal sa diskriminasyon kaugnay ng COVID-19 mula pa noong ika-27 ng Marso, 2020. Ang mga LGU mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nagpasa na rin ng kani-kanilang bersyon ng nasabing ordinansa.
Samantala, hindi lahat ng mga LGU ay mahuhusay; napuna na rin ang iba sa kanilang dereliction of duty (o hindi pagtupad sa tungkulin) o abuse of authority (o pagmamalabis ng awtoridad). Tinanggihan ng San Juan, Batangas ang isang balikbayang OFW na maipagpatuloy ang self-quarantine nito sa kanyang bahay doon sa kabila ng clearance mula sa DOH; binantaan ng Cebu ang mga mamamayan nito na kung sino man ang magpahayag ng kritisismo laban sa LGU ay tutuntunin at may kahaharapin; at ikinulong ng Bukidnon ang sarili nito sa pamamagitan ng pagbabawal ng pagtawid ng kahit sinong tao o kahit anong produkto sa mga border nito.
Paghusga kung paano maglaro ang mga LGU
Dapat husgahan ang mga LGU batay sa mga programang sustainable na isinulong bago pa man ang COVID-19 na maaaring nakatulong upang magkaroon ng mas mabuting pagtugon at nabawasan ang dagok sa publiko. Tingnan ang mga ospital ng probinsya at lungsod, mga health center sa mga bayan-bayan, mga benepisyo ng empleyadong may kaugnayan sa healthcare, at mga alokasyon ng budget ng LGU sa health, social welfare, at disaster management. Kung wala sa mga ito ang may magandang kalidad, nawa, maging dahilan ito upang maghalal ang taumbayan ng mas mahuhusay na opisyal sa pamahalaan pagdating ng 2022.
Mayroong dahilan ang pagkakasaad sa batas ng punong responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan para sa pagtugon sa mga sakuna. Batay ito sa prinsipyo ng subsidiarity – i.e. dapat ginagawa ang mga desisyon at aksyon sa pinakamalapit na antas sa problema o sitwasyong kinahaharap. Ang dahilan nito ay ang antas ng pamahalaan na pinakamalapit sa problema, tulad ng sa isang sakuna, ay ang pinakanakaaalam ng nararapat gawin.
Sa ngayon, habang tuloy-tuloy ang pandemic, bigyan dapat ng nasyonal na pamahalaan ang mga LGU ng pagkakataong gawin ang kaya nito at tigilan ang paglalaro nitong intergovernmental tug of war; gawin dapat ng lokal na pamahalaan ang trabaho nito; at ipagpatuloy ng taumbayan ang mariing paghingi ng kahusayan at kahabagan – mula sa nasyonal at lokal na pamahalaan. Sa wakas, tayo, ang sambayanan, ay hindi lamang hamak na tagapanood. Dapat din tayong humila sa larong ito.