Translated by Jayvy Gamboa
Original article (Rappler) with Joy Reyes
Nasaksihan noong mga nakaraang araw ang mga pangyayari, karamihan ay tungkol sa batas o usaping legal, mula sa summons na ipinadala ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Pasig Mayor Vico Sotto hanggang sa pahayag ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Manuelito Luna na dapat umanong imbestigahan si Vice President Leni Robredo para sa “iligal na solicitation o pangangalap” at para sa pakikipagkumpetensiya niya sa national government sa pagharap sa COVID-19 outbreak.
Sa article na ito, tatalakayin ang constitutional basics o basics ng Saligang Batas sa isang pandemic—mga bagay na dapat alam ng isang first year law student at ng pamahalaan—at kung bakit ang mga hakbang na kasalukuyang isinasagawa ng pamahalaan upang mapatahimik ang mga tumututol ay unconstitutional o labag sa Saligang Batas.
Summons para kay Mayor Sotto
Kahapon, inimbitahan ng NBI si Mayor Vico Sotto sa pamamagitan ng summons na magtungo sa kanilang tanggapan sa ika-7 ng Abril at magpaliwanag sa sinasabing paglabag niya sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, na nagsasabing suspendido ang pampublikong transportasyon habang may enhanced community quarantine. Bago maipasa ang nasabing batas noong ika-24 ng Marso, ipinag-utos ni Mayor Sotto ang limitadong pagbyahe ng mga tricycle upang maihatid ang mga health workers at pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyong medikal patungo sa mga ospital. Kaagad rin niyang binawi ang nasabing utos noong tinanggihan ng national government ang kanyang pakiusap na payagang pumasada ang mga tricycle alang-alang sa mga frontliners.
Ang pagtanggi ng national government at pagbawi ni Mayor Vico ng kanyang utos, na nangyari noong ika-18 ng Marso, ay nangyari bago pa ang pagkakapasa ng batas.
Kahit sinong first year law student ay pamilyar sa katagang “Nullum crimen nulla poena sine lege,” na kadalasang itinuturo sa unang linggo ng klase sa criminal law. Kapag isinalin sa Filipino, ito ay nangangahulugang “Walang krimen kung walang batas na nagtatakda ng parusa para rito.” Sa kasong ito, ang utos ni Mayor Vico para sa limitadong pagbyahe ng mga tricycle at ang kaukulang pagbawi nito ay nangyari halos isang linggo bago ito itinakdang ipagbawal ng batas. Dahil walang pagbabawal sa batas noong ginawa niya ito, ang utos ni Mayor Vico ay hindi iligal at hindi kriminal.
Dagdag pa rito, ang doktrina ng mga batas na ex post facto, o mga batas na may retroactive na epekto, ay itinuturo rin sa mga first year law students. Nakasaad sa Section 22, Article III ng 1987 Constitution na “No ex post factor law xxx shall be enacted,” na nangangahulugang ang pagtatakda ng pamahalaan bilang krimen sa kahit anong aksyong legal o hindi pa ipinagbabawal noong ginawa ito ay labag sa Saligang Batas.
Utos na “Shoot to Kill” ni Pangulong Duterte
Noong gabi ng parehong araw, nagbigay ng biglaang pahayag si Pangulong Duterte na nag-uutos sa kapulisan at militar na patayin ang mga lumalabag sa quarantine at “trouble-makers,” isang babala matapos magsagawa ng protesta ang mga residente ng San Roque, Quezon City na sila ay hindi nakatatanggap ng ayuda mula sa lokal na pamahalaaan. 21 sa mga nagprotesta ay inaresto kalaunan.
Ang pahayag na ito—tulad ng kanyang mga nakaraang pahayag na nag-uutos ng “shoot to kill”—ay labag sa Saligang Batas. Nakasaad sa Section 1, Article III ng 1987 Constitution na “No person shall be denied the right to life, liberty, or property without the due process of law, nor shall any person by denied the equal protection of the laws.” Kung walang due process sa pamamagitan ng patas na pagdinig kung saan ang lahat ng sangkot ay may pagkakataong magpaliwanag, ang karapatan ng tao sa kanyang buhay, kalayaan, at ari-arian ang mananaig, at ito ay ginagarantiya ng Bill of Rights.
Pagtutol ng Netizens
Pagkatapos ng pahayag ng Pangulo, ipinahayag ng sambayanan ang kanilang pagtutol dito sa social media, at nagpatuloy ito hanggang madaling araw ng ika-2 ng Abril kung saan natunghayan ang pagtaas ng bilang ng tweets at posts ukol dito.
Noong umaga ng ika-2 ng Abril, nagbigay ng pahayag si Chel Diokno, isang human rights lawyer, na tinanggap niya ang kaso ng isang netizen na pinadalhan ng subpoena ng NBI, matapos siyang magpahayag ng online criticism o pagtuligsa ukol sa kung paano isinasagawa ng pamahalaan ang pagtugon sa krisis ng COVID-19. Inimbitahan ang taong ito upang magpaliwanag sa sinasabing paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa iligal na pagpapahayag sa kanyang post ukol sa di umanong maling paggamit ng pondo ng pamahalaan. Sinabi rin ng subpoena na ang hindi pagsunod dito ay may kaukulang parusa.
Bagaman may kapangyarihan ang NBI na maglabas ng subpoena para sa pagharap ng isang tao sa imbestigasyon o para sa pagpresenta ng mga dokumento sa pamamagitan ng mga opisyal nitong may katayuang Regional Director o Director (Sec. 4(b), RA No. 10867), ito ay walang contempt powers o ang kapangyarihang magpataw ng parusa sa hindi pagsunod sa subpoena. Ang tungkulin ng NBI ay limitado lamang sa investigatory o pag-iimbestiga, at ito ay walang judicial o quasi-judicial power. Dahil dito, ito ay hindi maaaring maghusga, magpasiya, o maglabas ng desisyon sa kasong may nagtutunggaling partido, at ito ay walang kapangyarihang magpataw ng contempt, lalo na ang mag-utos sa pag-aresto sa kanino man.
“Iligal na solicitation o pangangalap” ni VP Leni
Maging ang Pangalawang Pangulo ay nadamay rin. Iminungkahi ng PACC sa NBI na imbestigahan si VP Robredo para sa kanyang pakikipagkumpetensya diumano sa hakbangin ng national government laban sa COVID-19 outbreak, kasama na rito ang pagsasaayos ng libreng shuttle services at dormitoryo, at pamamahagi ng personal protective equipment (PPEs), at iba pa.
Una, ang perang ginagamit ng Office of the Vice President ay nagmula sa mga pribadong donasyon ng iba’t ibang grupo at indibidwal, at ang lahat ng ito ay may detalyadong paliwanag. Ibinigay rin ang lahat ng mga nakalap na donasyon sa isang pribadong grupo—ang Kaya Natin Movement for Good Governance. Nangangahulugang ang PhP 40 milyong ginamit para sa PPEs at shuttle services ay hindi nagmula sa national treasury at hindi pinagkagastusan ng pamahalaan. Samakatuwid, ang iminumungkahing imbestigasyon ay tahasang walang legal basis.
Pangalawa, dapat alalahaning ang Pangalawang Pangulo ay isang impeachable official o opisyal na maaari lamang matanggal sa pwesto sa pamamagitan ng proseso ng impeachment sa Kongreso, at walang kasong isinampa sa kanya ang magpapatuloy hanggang hindi siya nai-impeach. Ang pagtulong sa kapwa Pilipino gaya ng kanyang ginagawa ay malinaw na hindi isang impeachable offense, at lalo’t higit hindi sa NBI ang tamang tanggapan ng nasabing reklamo, ayon sa Section 2 at 3, Article XI ng 1987 Constitution.
Binigyang linaw na ng isa pang PACC Commissioner Greco Belgica na ang panawagan ni Commissioner Luna na imbestigahan si VP Leni ay personal na opinyon lamang ni Luna at hindi kumakatawan sa buong PACC.
Umaasa kaming matatapos na ang mga ito dahil ito ay malaking sagabal lamang sa kung ano man ang dapat pagtuunan ng bansa upang masolusyunan ang kinakaharap na pandemic; mga hakbang na hindi makatutulong at mga hakbang na nagdudulot ng pagkakawatak-watak ng bayan—lantarang iligal at labag sa Saligang Batas.